Chapter 3: The Evil Guy (SAMPLE CHAPTER)

26K 398 33
                                    

Is it wrong to love you?

lady_phoenix16

 

Chapter 3:

"MAG-IINGAT ka sa pagmamaneho Bong ha? Siguraduhin mo na masusundo mo mamaya si Colleen. Unang araw niya sa klase at bago lang din tayo sa lugar na ito kaya siguradong maliligaw 'yan." Ang bilin ni Eula sa asawa.

"Mama naman! Hindi na ako bata para maligaw! Dalaga na po ang anak 'nyo!" Pagmamaktol ni Colleen.

"Dalaga? Kaya pala umiihi ka pa rin sa kama hanggang ngayon! Mabuti at hindi mo 'yan ginawa noong magkatabi pa kayo ng Kuya mo sa iisang kwarto!" 'Di mapigiling pambubuko ng mama niya.

Napagawa na ang ilang bahagi ng bahay at naayos na rin ang kwarto niya kaya hindi na sila magkatabi ni Carlo.

Namula siya sa hiya lalo na nang tumawa ng malakas si Carlo.

"'Yan ba ang sinasabi mong dalaga ha, Colleen? Tama si Mama, mabuti at 'di ka umihi sa kwarto ko dahil kung hindi,talagang ihahagis kita sa bintana!" Pangangatyaw ni Carlo na ikinapikon naman niya agad.

"Mama! Hindi naman ako umihi e! Natapunan lang ng tubig ang kama ko dahil may tumalong pusa kaya nasangga yung nilagay kong pitsel!" Pagdadahilan niya kahit alam naman niya na alam rin naman ng mga ito ang totoo. Gusto lang talaga syang asarin ni Carlo.

Nakaugalian kasi niya na maglagay ng tubig sa gilid ng kama dahil madalas siyang mauhaw sa madaling araw. At isa pa, may banyo naman siya sa loob ng kwarto kaya paano siyang iihi?

"Oo na, sige na Baby naniniwala na si Mama. Huwag ka nang mag-alala at hindi na makakapasok sa bahay natin ang pusang 'yon. Baka mamaya bigla na namang bumalik ang hika mo. Sige na, pumasok na kayo. At ikaw Carlo, tigilan mo ang pang aasar dito sa kapatid mo," sabi ni Eula kay Carlo.

Tumawa lang si Carlo saka sumakay na sila sa taxi na minamaneho ni Bong. Iyon na ang ginawa nitong hanap-buhay simula nang lumipat sila sa Maynila.

Hanggang sa makarating na sila sa School. Sa gate pa lang ay bongga na ang laki.

"Hep, hep, hep! Kuya Carlo, utang na loob 'wag ka nang bumaba!" Pagpigil niya sa Kuya niya nang akmang bababa na ito.

"At bakit hindi ha, Colleen? Malaki ang Phoenix University! Gusto mo maligaw ka sa loob? Wala ka pa namang sense of direction!" Apela ng kapatid niya.

"Ang sama mo naman Kuya. Matagal-tagal din tayong hindi nagkita kaya hindi mo alam na nagbago na ako. Hindi ako maliligaw dito, 'di na 'ko bata 'no! Nakakahiya kaya kapag nakita ako ng iba kong kaklase dito, sabihin pa nila anlaki-laki ko na nagpapahatid pa ako." Esplika niya.

"Ah, gano'n? So, kinahihiya mo na ako ngayon? Sa tingin mo kung pinanganak kang lalaki pakikialaman kita? Kababae mong tao maglalakad ka ng mag-isa sa loob? Hindi pwede!" Pamimilit nito.

"Kuya, wala naman ako sa labas tandaan mo nasa loob ako ng School! Saka sigurado naman may makilala na rin ako riyan sa loob kaya 'wag mo na akong intindihin! Oa ka na talaga!" Inis nang sabi niya.

"Carlo, anak, hayaan mo na ang kapatid mo. Fourth year high school na siya, kaya niya na ang sarili niya. Wala namang mangyayari sa kanyang masama dahil nasa loob siya ng School. Hindi na elementary student 'yang kapatid mo. Aagahan ko na lang ang pagsundo sa kanya mamaya kaya huwag ka nang masyadong mag-alala," pangungumbinsi ni Bong.

Naiinis man ay wala na ring nagawa si Carlo.

"Bahala ka na nga. Basta huwag kang gagawa ng kalokohan ha, Colleen? Ngayon ang unang araw mo kaya hindi pwedeng may makaka-away ka kaagad," bilin pa nito.

3. Is it Wrong To Love You? (PUBLISHED BY LIB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon