CHAPTER 12: Elijah's Rejection.
Written by CDLiNKPh
"Sigurado ka ba na hanggang dito ka na lang talaga?" Naninigurong tanong ni Elijah nang nasa gate na sila ng village. Hindi siya sumagot. Gusto niyang makita nito na ayaw niya itong makausap ngayon. Bumuntong hininga ito. "Sorry kung nadamay ka pa sa gulo kanina at nagamit pa kita. Pero ginawa ko lang naman iyon para tigilan na ako ni Jodith. Hangga't hindi niya nakikita na may totoong babae na akong minamahal hindi siya titigil at patuloy niyang gagamitin ang nasa sinapupunan niya para lang pakasalan ko siya," muling paliwanag nito na hindi tumitigil hangga't hindi nakakarinig ng reaksyon sa kanya.
"Pero hindi ba iyon naman talaga ang dapat? May nangyari sa inyo kaya kung tutuusin hindi na dapat mga sarili ninyo ang iniisip ninyo kundi ang bata. Tinulak mo pa iyong babae kanina. Paano na lang kung may nangyaring masama sa baby niya?" Hindi na niya mapigilan ang manermon. Hindi siya sanay na makakita ng karahasan kaya nagulat talaga siya sa nangyari kanina.
"Colleen, hindi ko naman siya gustong itulak eh. Paraan ko na rin iyon para magising siya sa katotohanan. Huwag ka nang magalit okey? Hindi ako sanay na hindi ka nakangiti," nag-aalalang pakiusap nito na para bang sa kanya ito nagkasala.
Hindi pa rin siya sumagot. Sandaling katahimikan ang namayani.
"Sorry Elijah. Pero sa tingin ko hindi na tayo pwedeng maging magkaibigan pa. Mataas ang pagpapahalaga ko pagdating sa buhay at hindi ko kayang makipagkaibigan sa taong hindi kayang panindigan ang ginawa nila. At hindi ko akalain na magagawa mo iyon sa isang babae. Akala ko mabait ka. Pero hindi pala. Kausapin mo na lang siguro ako kapag natauhan ka na at nagpasyang gawin kung ano ang tama. Pero sa ngayon hindi ko pa kayang makipagkaibigan sa'yo. Sorry."
"Colleen--"
Hindi na nito nagawang tapusin ang sasabihin pa nito dahil lumabas na siya ng sasakyan nito at hindi na pinansin pa ang pagtawag nito.
Umuwi na lang siya at nakitang madilim na sa loob. Ibig sabihin lang niyon ay tulog na ang mga tao.
Dahan-dahan siyang pumasok sa loob ng bahay. Paakyat na siya ng hagdan nang biglang bumukas ang ilaw.
Ang nakapameywang na si Carlo ang bumungad sa kanya. "'Wag mong sabihin na may fans day na naman si Jake Pineda kaya gabi ka na namang umuwi?" Bagama't hindi galit ay hindi rin naman natutuwang tanong nito. Para bang nararamdaman nito na malungkot siya kaya hindi ito nagtaas ng boses at malumanay lamang ang pakikipag-usap sa kanya. Sa tigin pa nga niya ay mukhang nag-aalala pa ito.
Hindi siya sumagot at naglapat lamang ang mga mata nila hanggang sa hindi na siya nakapagpigil at yumakap na siya rito atsaka nag-iiiyak.
"Kuya!" sabi niya habang umiiyak. Gumanti naman ito ng yakap.
Bigla niyang naalala ang lahat ng kaba at pagkapahiya na naramdaman niya kanina. Sari-saring emosyon na ang nararamdaman niya kaya hindi na niya mapigilan ang pag-iyak. Natakot siya. Napahiya at nakakaramdam siya ng kakaibang lungkot dahil ayaw naman talaga niyang tanggihan ang pakikipagkabigan ni Elijah pero alam niyang hindi niya dapat kunsintihin ang maling ginagawa nito. Alam niya na ang paglayo lang niya rito ang magpapaisip dito na mali ito. Na maging ang kaibigan nito ay hindi sang-ayon sa ginagawa nito...
At si Carlo ay hindi na nagtanong pa kung bakit siya umiiyak. Hinahaplos lang nito ang balikat niya para aluin siya. Pilit siya nitong iniitindi kahit hindi naman talaga nito alam kung ano ang nangyari. Naroon ito at nagpapaka 'Kuya' sa kanya.
Doon niya naisip na kahit ano pa man ang problemang kakaharapin niya ay ang pamilya lang niya ang palaging handang sumuporta at makakatanggap sa kanya. Maswerte siya na napunta siya sa pamilyang payapa at walang gulo. Maswete siya sa Kuya Carlo niya...
Pero bakit habang yakap siya nito ay pakiramdam niya ay ligtas siya? Bakit parang naririnig niya ang malakas na tibok ng puso nito?
BINABASA MO ANG
3. Is it Wrong To Love You? (PUBLISHED BY LIB)
Teen FictionCarlo can no longer bear his feelings. He wants to tell Colleen that he loves her-not as a sister, but as a woman. But how will she react when she finds out she's only adopted?
