CHAPTER 5: Karma.
Written by: CDLiNKPh
Nakasalubong ni Elijah ang isa pa sa mga girlfriends niya na si Jodith pagkapasok na pagkapasok pa lang niya sa sala.
Nakaabang doon ang kanyang Ama habang umiiyak naman ang babae. Mukhang nahuhulaan na niya kung ano ang ipinunta nito sa kanila.
Nababagot na umakyat na lang siya ng hagdan. Hindi niya pinansin ang pagtawag ng papa niya sa kany at dumiretso siya sa kwarto.
Agad niyang hinubad ang jacket na suot at sumalampak sa kama para magpahinga. Saka nilagyan niya ng head phone ang tenga niya para hindi niya marinig ang walang kwentang pinag-uusapan ng dalawa sa ibaba.
Maya-maya ay bumukas ang pinto ng kwarto ni Elijah at iniluwa niyon si Ruben.
----
"ANO bang pumasok diyan sa kukote mo at pati ang anak ng isa sa mga stockholders ng kumpanya natin ay hindi mo pa pinalampas?" galit na tanong ni Ruben kay Elijah nang mapansin niya na parang hindi naman ito nakikinig sa sinasabi niya. Iritang-irita na lumaban pa ito ng titigan sa kanya. "Buntis si Jodith at ikaw ang tinuturo niyang ama! Kailangan mo siyang pakasalan dahil kung hindi masisira ang samahan namin ni Kumpare! Hindi ka na nadala! Hindi pa ba sapat para sa'yo na nagpakamatay noon si Monica nang dahil sa hindi mo siya pinanagutan? Pati ang anak mo sinama niya sa hukay pagkatapos ngayon inulit mo na naman ang pagkakamali mo? Hanggang kaylan ka ba talaga matututo ha?" nagpipigil pa rin ng galit na panenermon niya.
"Kayo ang hindi nadadala Papa, ilan na bang babae ang nagtangkang pumikot sa'kin at sa bandang huli ay napapatunayan ko rin naman na hindi ako ang ama ng dinadala nila? Wala ring pinagkaiba si Jodith sa kanila. Kung alam mo lang Papa na sa klase ng pagkatao ng babaeng 'yun kahit na sinong lalaki pwedeng maging ama ng magiging anak niya. At sa kaso naman ni Monica, hindi ko hawak ang buhay niya. Wala na akong magagawa kung mahina siya at 'di nya kinaya na mawala ako sa buhay niya. Kaya 'wag n'yo sa akin isisi," pangangatwiran nito.
"Hindi kita pinalaking walang galang sa babae Elijah! Pero bakit ba ganyan na lang kababa ang tingin mo sa kanila? Hindi mo rin maitatanggi sa akin na may nangyari sa inyo ni Jodith! Anong gagawin mo kung nagsasabi nga siya ng totoo?"
"Hindi marunong magsabi ng totoo ang babaeng iyon. Kami pa lang noon sinungaling na siya at isa pa, hindi ko naman siya pinilit. Siya pa nga ang nagtapon ng sarili niya sa akin. Kaya kahit ano pa ang gawin mo hindi n'yo ho ako mapipilit na pakasalan siya. Sa umpisa pa lang alam niya na ayaw ko ng commitment. Hindi ninyo rin ako pwedeng takutin na tatanggalan ninyo ako ng mana dahil alam naman nating pareho na ako na lang ang nag-iisang successor ninyo ni Lolo. Sabagay, kahit takutin ninyo pa ako tungkol sa bagay na iyan ay kaya ko namang buhayin ang sarili ko. Marami na akong naipon. Hindi ako tanga para umasa lang sa yaman ninyo," nakangising pagsagot pa ni Elijah na nagmamalaki pa.. Gano'n na talaga ito dati pa. Parang demonyo kausap na kahit siyang amain nito ay hindi na ginagalang kung minsan. "So ngayon, kung natatakot kayo na magkagalit kayo ni Tito Luis, kayo na lang ho ang magpakasal kay Jodith," pang-aasar pa na dugtong nito.
Naikuyom niya ang kamao. Pinigilan ang sarili na suntukin ito.
"At pati akong ama mo, hindi mo na iginalang? Hindi ko na talaga alam kung ano ang gagawin ko riyan sa bastos mong ugali! Matalino ka naman pero ni katiting ng utak mo hindi mo ginagamit! Kung ayaw mong magpakasal huwag kang gumawa ng gulo! Hindi ko palalagpasin ang kalokohan mong ito, kailangan mong pakasalan si Jodith sa ayaw at sa gusto mo!"
"Sinabi ko na sa inyo na hindi ko pakakasalan ang babaeng iyon. Pero dahil sa iginagalang ko pa rin kayo bilang ama ko hahayaan ko kayong abalahin ulit ang sarili ninyo tungkol sa mga walang kakwenta-kwentang bagay. Kung mapapatunayan ninyo sa akin na ako nga ang ama ng dinadala ng babaeng iyon pakakasalan ko siya. Ipa-DNA test ninyo ang bata pagkapanganak niya katulad ng ibang babaeng nagtangka na pikutin ako. Pero kung mali kayo, hindi ko na papayagan na pakialaman mo pa ako Papa. Ito na ang huling pagkakataon na bibigyan kita ng karapatan na pakialaman ako," mayabang na sagot nito.
Lalo lang tumaas ang dugo niya sa tinuran nito. Sa tuwing kinakausap talaga niya ang sutil na anak ay palagi na lang niyang pinipigilan ang sarili na saktan ito.
Inis na iniwan niya na ito sa kwarto nito. Walang anuman na ibinalik nito ang head set sa tenga nito.
Nanghihina na napaupo na lang siya sa sofa. Hindi na niya alam kung anong disiplina ang dapat niyang gawin para magtino si Elijah. Tunay na mabigat ang loob nito sa kanya at hindi naman niya ito masisisi dahil matagal din siyang nawalay rito noon.
Kung nandito lang sana ang asawang si Lufe para disiplinahin ang anak nito. Pero imbes na umuwi ito sa Pilipinas ay puro pagpapasarap ang inaatupag nito kasama ang anak nilang si Wendy. At sa kanya naiwan ang sutil na binata.
Bigla tuloy niyang naalala si Lourdes at ang anak nila na tinalikuran niya. Nang araw na makipaghiwalay siya rito noon ay ipinadala siya ng ama para mag-aral sa Amerika kaya hindi na niya naituloy ang lihim na pagmamanman sa kasintahan. Ang huling naging balita niya sa babae noon ay nabuhay ito sa hirap at naging tindera sa palengke. Nang bumalik siya sa Pilipinas ay nalaman niyang namatay ito sa panganganak. Sinubukan niyang hanapin ang nagpaanak dito na ang sabi sa pagsisiyasat niya ay siya raw may hawak ng anak nila ni Lourdes pero ang burol na lang ng nagngangalang Winona ang naabutan niya noon. Ayon sa tsismis ng mga kapitbahay nito ay namatay daw ito dahil sa matinding pagkakabugbog dito ng asawa nitong lasinggero. Hindi na niya nalaman kung nasaan ang anak niya dahil tanging si Winona lang daw ang nakakaalam noon kung kanino nito ibinigay ang bata.
Napakalaki ng pagsisisi niya na nagawa niyang ipagpalit noon si Lourdes para lang sa kayamanan. Nawala tuloy ito sa kanya at ang anak nila. Ipinilit siyang ipakasal kay Lufe noon ng kanyang Papa at nalaman niya na may anak na pala ang babae pagkatapos silang maipakasal at siya pa ang ipinakilala nitong ama sa limang taong gulang na anak nito.
Si Elijah iyon kaya hindi kataka-takang iba ang ugali nito dahil hindi naman talaga niya ito tunay na anak. Alam niya na kung malalaman nito ang totoo ay lalo lamang itong magkakaron ng lakas ng loob na suwayin siya. Ngayon pa nga lang ay hindi na niya makontrol ang mga ginagawa nitong mali.
Sugalerang asawa, maluhong anak na babae at may sungay na anak-anakan.
Hindi na niya maramdaman na may pamilya pa siya. Marahil ay kung si Lourdes ang napangasawa niya noon ay magiging masaya siguro sila kasama ang tunay na anak nila kahit na mabuhay pa sila sa hirap. Pero wala na ito at maging ang anak niya ay hindi na niya alam kung buhay pa ba o sino ang mga nakaampon dito.
Napabuntong-hininga siya. Marahil ay iyon na nga ang karma niya. Itinakwil niya si Lourdes at hindi pinanagutan ang sarili nilang anak kaya siya naman ngayon ang nagdurusa sa sakit ng ulo ng hindi naman niya tunay na anak na si Elijah.
Kahit na magsisi siya ngayon ay huli na rin ang lahat. Kapalaran na lang siguro ang makapagsasabi kung makikilala at makikita pa ba niya ang nawawala niyang anak...

BINABASA MO ANG
3. Is it Wrong To Love You? (PUBLISHED BY LIB)
Fiksi RemajaCarlo can no longer bear his feelings. He wants to tell Colleen that he loves her-not as a sister, but as a woman. But how will she react when she finds out she's only adopted?