CHAPTER 6: Thoughts About Love.
Written by CDLiNKPh
"HOY Colleen, ano ka ba gumising ka na, tinatawag ka na ni Mama sa baba!" Panggigising ni Carlo sa tulog-mantika na si Colleen.
"Ano ba Kuya, inaantok pa ako mamaya na," ungol nito na imbes na bumangon na ay nagtulakbong pa ng kumot.
"Hindi ka pa rin kaya magmadali kung sasabihin ko sa'yong mag-a-ala syete na? Male-late ka na!" Pagsigaw na niya.
Parang lumaki naman ang tenga ni Colleen sa narinig. Nagmamadaling tumayo na ito sa pinakamamahal nitong kama at walang sabi-sabing pumasok na sa banyo para mag-ayos ng sarili.
Bumaba na rin siya at nauna nang gumayak sa hapagkainan.
Bong my love, sunduin mo ng maaga si Colleen at Carlo ah dahil magluluto ako ng paborito ninyong pagkain. Gusto ko wala pang 7pm nandito na kayo, okey ba 'yon?" narinig niyang bilin ng mama niya sa papa nila.
"Yes honey, hindi ko yata palalagpasin ang napakasarap na luto ng napakaganda at pinakamamahal kong asawa sa mundong ito," panunudyo ni Bong sa asawa.
Halata namang kinilig si Eula.
"Sus, binola mo pa ako! Ikaw talaga!" kinikilig na sabi ni Eula sabay hagikhik.
Napangiti na lang si Carlo.
Sa kabila ng edad ay napakasweet pa rin sa isa't-isa ng mga magulang niya. Kung mayroon man siyang gustong mangyari sa sarili sa hinaharap ay iyon ay ang magkaroon ng pamilya na katulad ng sa kanila ngayon.
May mapagmahal na asawa at mabuting mga anak.
Naisip tuloy niya. Sino kaya ang mapapangasawa niya?
Napatingin siyang bigla kay Colleen na kasalukuyang busy sa paghahanap ng nawawala nitong sapatos. Tiningnan pa nito ang kalaliman ng sofa at nang hindi mahanap doon ay ang refrigerator naman ang tiningnan na para bang makakarating talaga roon ang sapatos nito.
Sayang.
Kung hindi lang siguro sila pinalaki na parang magkapatid ay wala sanang magiging problema. Hindi na siya mag-aalangan sa nararamdaman niya kung alam nito na hindi talaga sila totoong magkapatid.
Inaamin niya na mga bata pa lang sila ay nakakaramdam na siya ng kakaiba para rito. Madalas niya itong awayin at pagsungitan noon dahil na rin sa hindi niya maipaliwanag na kaba sa tuwing malapit lang ito. At noong naging close na sila ay nakaramdam naman siya ng pagiging makasarili para rito. Pati ang mga kaibigan nito noon ay pinagseselosan niya at gusto niya na palaging sa kanya lang ito nakatingin.
Noong magbinata na siya ay saka niya napagtanto na pag-ibig na pala ang nararamdaman niya para rito. Iyon ang dahilan kung bakit palagi siyang nagseselos sa tuwing may ibang taong gustong pumasok sa buhay nito. Alam niya na mali pero hindi niya mapigilan. Kaya naman sinubukan niyang supilin kung anuman ang nararamdaman niya noon para rito. Kinumbinsi niya ang mga magulang na sa Maynila na mag-aral para lang mapalayo rito at hindi na niya ito makita pa.
Nagpakakuba sya noon sa pag-aaral at nakipagrelasyon pa siya kay Eliza para lang mawala na sa isip nya si Colleen.
Pero wala pa rin...
Kahit anong pagpipilit niya noon ay ito pa rin talaga ang mahal niya...
At ngayong nandito na naman ito ay parang unti-unti na namang bumabalik ang kung anumang nararamdaman niya noon para rito.
"Colleen, ano bang hinahanap mo riyan sa ref?" Hindi nakatiis na tanong ni Bong.
"Ang sapatos ko po! Hindi ko po makita! Kailangan ko iyon kung hindi, hindi ako makakapasok!" parang bata na sagot ni Colleen.
"At paano namang mapupunta ang sapatos mo riyan sa ref? Mukhang gutom ka na yata talaga! Halika nga at sumalo ka na sa amin dito at nang makakain ka na! At ikaw naman Carlo ang maghanap ng sapatos ni Colleen. Aba eh nakatingin ka lang diyan sa bata eh!" utos ni Bong sa kanya.
"A-ah, opo! Sige po," agad na sunod niya.
Napaisip si Carlo habang hinahanap ang sapatos.
Sa kabila ng malagkit na tingin niya kay Colleen ay hindi man lang nakakahalata ang Mama at Papa nila. Patunay lang na wala talagang makapag-iisip na possible siyang umibig sa kinikilala ng lahat na kapatid niya.
Dahil doon ay hindi niya maiwasang masaktan. Ang pag-ibig na iyon ang pinakamasakit dahil mananatili na lang iyong lihim habang buhay...
"Oh, heto ng sapatos mo. Burara ka talaga." Maya-maya ay iniabot niya ang sapatos sa babae at umupo na rin sa hapagkainan.
"W-waahh! San mo 'to nakuha Kuya? Ang galing mo naman!" Naliligayahang kinuha nito ang sapatos nito.
"Hindi ako magaling, malabo lang iyang mata mo kaya hindi mo nakita na nakapatong lang sa sarili mong labahan ang sapatos mo. Napakaburara mo. At kapag pinagpatuloy mo pa ang pagsama run sa dalawa mong loka-lokang kaibigan ay magiging katulad mo na rin sila."
"Hmp! Ang dami mo namang sinabi Kuya! Oo na, kasalanan ko na kaya 'wag mo na lang idamay pa sina Mariz at Grace! Ang 'cool' nga nila kung tutuusin e!" nakalabing sabi nito.
"'Cool' ba ang tingin mo sa mga gano'ng klaseng tao ha, Colleen? Kulang na lang hindi na sila magsuot ng damit sa ikli ng mga palda nila. Para rin silang payaso sa kapal ng make-up nila at ang ingay-ingay pa nila. Hindi na ako magtataka kung mahahawa ka sa kalokohan ng dalawang iyon. Madadagdagan na naman ang masama mong ugali." pambabara niya. Kapaitan ng isang taong bigo sa pag-ibig kaya hindi mapigilang magsungit.
"Ganoon lang talaga ang personality nila pero mababait naman sila e! Saka gustong-gusto ka nga nilang makita kaya pinilit pa nila ako na sumama sila rito sa bahay para makilala ka kaya bakit ganyan kang magsalita? Nakakainis ka Kuya! Hinuhusgahan mo ang mga kaibigan ko!" parang maiiyak na sabi nito na nagpagulat sa kanya.
Hindi niya napansin nagalit na pala talaga ito.
Saka ito tumayo sa pagkakaupo at nagdadabog na umalis ng bahay at nagsabing magko-commute na lang daw ito.
"Ano sa tingin mo ang ginawa mo ha, Carlo? Bakit mo ginanon si Colleen?" tanong sa kanya ni Eula nang makaalis na ang babae.
"Pasensya na po Mama. Wala lang ako sa mood. Magso-sorry na lang ako sa kanya mamaya," paghingi niya ng paumanhin saka tumayo na rin para pumasok na ng trabaho.
BINABASA MO ANG
3. Is it Wrong To Love You? (PUBLISHED BY LIB)
Teen FictionCarlo can no longer bear his feelings. He wants to tell Colleen that he loves her-not as a sister, but as a woman. But how will she react when she finds out she's only adopted?
