Is It Wrong To Love You?
written by: lady_phoenix16
CHAPTER 1
"IPALAGLAG mo ang batang 'yan!"
Sumabay sa lakas ng kidlat ang sigaw ni Don Limbo. Maulan sa labas. At nang mga sandaling iyon ay isang babae ang nagmamakaawa sa paanan ng Don.
"Pero Papa hindi ko magagawa iyan! Anak ko ang sanggol na nasa sinapupunan ko! At apo mo rin siya! Nagmamakaawa po ako sa inyo, tanggapin n'yo na kami ni Ruben!" Umiiyak na naglumuhod si Lourdes sa paanan ng ama.
Lalo lamang nagalit ang Don nang marinig ang pangalan ng lalaki. "Sa lalaking iyon pa na anak ng mortal kong kaaway? Nilapastangan mo ang kagustuhan ko Lourdes! Kung ayaw mong itakwil kita ay hiwalayan mo at ipalaglag mo ang batang iyan!" Dinuro nito ang nasa sinapupunan ni Lourdes.
Malungkot na lumabas ng silid-aklatan si Lourdes. Agad siyang sinalubong ni Ruben.
"Wala tayong magagawa kundi kay Papa naman makiusap Lourdes," sabi ni Ruben.
NGUNIT ganoon din ang naging reaksyon ng ama ni Ruben.
"Ano? Nabuntis mo ang babaeng 'yon?" nagulantang na tanong ni Don Ramon sa anak. Napatayo pa ito sa kinauupuan nito.
"Opo Papa, at hinihingi ko ang pahintulot mo para pakasalan si Lourdes. Mahal ko siya at nais ko siyang panagutan," nakayukong sabi ni Ruben sa ama. Malaki ang takot niya rito noon pa man.
"Pakasalan mo kung gusto mo pero 'wag na 'wag kang aasa na pamamanahan pa kita Ruben. Mamili ka, ang mana mo o ang babaeng iyon? Alam ko na hindi ka sanay sa hirap. Makakaya mo bang mamuhay sa kahirapan?"
Natigilan si Ruben. Hindi alam ang gagawin. Alam niya na hindi marunong magbiro ang ama.
Noon din ay nagpasya siya...
KINAKABAHAN naman si Lourdes habang naghihintay sa labas.
Magdadalawang oras na buhat nang pumasok sa mansyon si Ruben. Iniisip niya na baka may nangyari nang masama rito.
Para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib nang lumabas ito mula sa loob. Sabik na lumapit at yumakap siya sa nobyo.
"Umalis ka na rito Lourdes."
"H-Ha? Anong ibig mong sabihin?"
"Ang sabi ko umalis ka na! Hindi ko na magagawang panagutan pa ang batang iyan!" Sigaw na nito.
"Pero bakit? Tinakot ka ba ng Papa mo?" kinakabahang tanong niya.
"Gusto mong malaman ang totoo? Oo natatakot ako! Sinabi sa akin ni Papa na hindi n'ya ako papamanahan kapag sumama ako sa'yo! Sanay ako sa ginhawa Lourdes, hindi ko makakayang maghirap. Sa tingin ko, ito ang mas makakabuti para sa ating dalawa. Hindi tayo pwede. Kaya bumalik ka na lang sa Papa mo."
"Hindi ko akalain na ganyan pala karupok ang pagmamahal mo para sa akin Ruben. 'Wag kang mag-alala, hindi na kita gagambalain pang muli pero 'wag ka nang umasa na mapapatawad pa kita at kikilalanin ka pang ama ng magiging anak mo. Sayang lang ang pagmamahal ko sa'yo." Iyon lamang at umiiyak na umalis sa harap ni Ruben si Lourdes.
Para namang gustong humabol ni Ruben para humingi ng tawad pero alam niya na iyon ang makakabuti para sa kanila. Ayaw niya na maghirap ito sa piling niya.
BINABASA MO ANG
3. Is it Wrong To Love You? (PUBLISHED BY LIB)
Teen FictionHindi totoong magkapatid sina Carlo at Colleen pero sabay silang pinalaki ng mga magulang nila. Paano kung mainlove si Carlo kay Colleen na inaakala ng lahat na kapatid nya? May pag-asa nga kayang magkaroon ng katuparan ang isang bawal na pag-ibig?