CHAPTER 15: Ang unang Halik
Written by: CDLiNKPh
"KUYA, salamat ah? Alam mo sobrang namiss ko 'to. Naaalala ko noon nung nasa probinsya pa tayo palagi mo akong nilibre sa Jollibee noon," sabi ni Colleen na tuwang-tuwa na dinala niya ulit ito sa paborito nitong fastfood. Kakatapos lang nilang mag-shopping at pinamili niya ito ng mga bagong damit kaya napagod sila.
"Ikaw talaga para kang bata. Palagi pa rin naman akong may pasalubong sa inyo nina Mama at Papa kapag umuuwi ako ah?" nakangiting sabi niya.
Ngumuso naman si Colleen. "Kahit na. Masaya lang ako kasi ngayon lang tayo ulit nakalabas ng tayong dalawa lang. Matagal na tayong walang bonding Kuya. Maganda naman iyong ganito na makapagsaya tayo para hindi ka na lang palaging nagsusungit. Pakiramdam ko bumalik ulit iyong dati kong Kuya sa probinsya. Ikaw na ulit si Kuya Carlo ko," paliwanag nito.
Napatawa tuloy siya. "Nagsusungit? Dating Carlo? Ano ka ba naman Colleen eh ako pa rin naman ito. Ano bang pagbabago ang sinasabi mo riyan?"
"Iyon kasi ang pakiramdam ko Kuya. Pakiramdam ko iniiwasan mo ako at palagi na lang mainit ang ulo mo sa akin. Naisip ko na siguro kaya ka nagkakaganyan ay dahil hanggang ngayon ay broken hearted ka pa rin kay Ate Eliza. Mahal mo pa rin ba siya Kuya? Hanggang ngayon wala ka pang sinasabing dahilan sa amin nina Mama at Papa kung bakit kayo naghiwalay. Ano ba talagang naging problema?" tanong nito bago kumagat sa burger nito.
Bumuntong-hininga siya.
"Hindi si Eliza ang dahilan Colleen. Gusto mo ba talagang malaman kung ano ang dahilan?" sabi niya na tumitig sa mga mata nito. Nang mga sandaling iyon ay gusto na niyang sabihin dito ang totoo. "Nakipaghiwalay ako kay Eliza dahil hindi ko pala kayang mahalin siya. Dahil kahit na anong gawin ko hindi ko pa rin makalimutan iyong babaeng mahal ko talaga. Hanggang ngayon, siya pa rin ang hinahanap ng puso ko..." sabi niya habang titig na titig sa maamong mukha ni Colleen. Gusto niyang maramdaman nito na ito mismo ang tinutuloy niya. Ang babae na matagal na niyang iniibig ng lihim.
"May mahal kang iba Kuya? Kung gano'n sino siya? Kilala ko ba?" naguguluhang tanong nito.
Ngumiti siya ng mapakla.
"Oo. Kilalang-kilala mo siya."
"Sino? Saka bakit hindi naging kayo Kuya? Ang pagkakaalam ko kasi si Ate Eliza lang ang naging girlfriend mo. Akala nga ni Mama bading ka dati eh! Pagkatapos ngayon mayroon palang third party sa inyo ni Ate?" sunod-sunod na tanong nito.
Naihilamos niya ang kamay sa sariling mukha. Napakamanhid nito. Balewala lang ba talaga rito ang malalim na titig na ibinigay niya?
"Malalaman mo rin ang lahat pagdating ng panahon Colleen. Hindi pa ito ang tamang panahon. Wala ring alam ang babaeng tinutukoy ko. Mas mabuti nang maging lihim ang lahat kaysa naman mawala siya sa akin. Sigurado ako na kapag nalaman niya ang nararamdaman ko ay siya lang ang masasaktan. Mas maigi na ang ganito. Mas maigi nang ako na lang ang masaktan kaysa siya," malalim na sabi niya saka na tuluyang tumayo.
--------
NAPASUNOD na rin si Colleen sa Kuya niya matapos nilang kumain. Hindi niya mapigilang maawa sa Kuya niya. Nakita niya sa mga mata nito kanina na malungkot talaga ito. Pakiramdam niya ang dami-dami nitong bagay na kinikimkim lang nito sa sarili nito na kahit sa kanya ay hindi nito masabi. Kung sino man ang babaeng mahal ng Kuya niya ay ngayon pa lang ay nagagalit na siya rito. Napakatanga nito para hindi makita kung kagaano kalaking bagay ang pinakawalan nito at hindi nito minahal si Carlo. Tinitingala niya ang Kuya niya. Para sa kanya ay ang mga lalaking katulad nito ang gusto niyang makasama habang buhay. Katulad ni Carlo ang lalaking gusto niyang makasama habang buhay balang araw. Matalino, responsable at mabait na anak at kapatid. Para sa kanya napakaswerte ng babaeng gusto nito.
BINABASA MO ANG
3. Is it Wrong To Love You? (PUBLISHED BY LIB)
Teen FictionCarlo can no longer bear his feelings. He wants to tell Colleen that he loves her-not as a sister, but as a woman. But how will she react when she finds out she's only adopted?
