CHAPTER 14: Elijah's True Feelings.
Written By: CDLiNKPh
"OH PARE, bakit nagmumokmok ka rito? Hindi ka makipaglaro ro'n sa kanila?" puna ni Paolo kay Elijah nang makita nito na umiinom lang ng alak sa isang sulok ang lalaki. Kasalukuyang naglalaro ng billiards ang mga kasamahan nila sa gang. Doon sa lugar na iyon ang tambayan nila at may mangilan-ngilan ding babae roon na pinagsisilbihan sila at handang magbigay ng 'extra service' pero parang walang pakialam si Elijah. Sinabi pa nito sa mga kasamahan nila na gusto raw nitong mapag-isa pero lumapit pa rin siya. Itinuturing siya nito na isa sa mga pinakamalapit na kaibigan nito.
"Masarap sa pandinig ang boses niya Paolo. Malumanay din siyang magsalita at malambing pero ngayon ni hindi niya ako magawang pansinin...Bakit ganoon siya ha, Paulo? Bakit niya ako tinatanggihan? Wala pang nakakatanggi sa isang Elijah Salvador!" lasing na pagkukwento ni Elijah na hindi niya mawari kung siya ba o ang sarili nito ang kinakausap.
"Teka, huwag mong sabihin na dahil na naman iyan sa ikinukwento mo sa akin noong nakaraang araw na si Colleen? Mukhang tinamaan ka na talaga sa babaeng iyan ah. Parang noong nakaraang araw lang ang saya-saya mo habang kinukwento mo siya. Ngayon naman para ka nang mamamatay! Tingnan mo ang hitsura mo Elijah. Hindi ikaw iyan. Ngayon ka na lang ulit naglasing nang dahil sa isang babae!" Hindi niya mapigilang sabihin.
"Akala ko attracted lang ako kay Colleen. Akala ko naiintriga lang ako sa kanya dahil sa pagkainosente niya. Pero hindi pala basta ganoon lang iyon. Parang dinudurog ang puso ko sa tuwing naiisip ko na hindi na niya ako gustong makausap ulit," nakatulalang sabi nito na tuluyan nang umiyak. Hindi siya makapaniwala! Para talagang nawawala na ito sa sarili nito.
"Mahal mo na nga talaga s'ya P're. Hindi ka naman magkakaganyan kung hindi. Pati pananalita mo nagiging corny," komento niya. Si Elijah ang tipo ng lalaki na hindi basta-basta nagkakagusto. At ito ang pinakaunang tao na hindi naniniwala sa love at first sight. Pero base sa nangyayari rito ay walang duda na minahal nito si Colleen sa unang beses pa lang na makita nito ang babae. Mas malala pa ito ngayon kaysa noong nabigo ito kay Eliza. "Paano ba 'yan Elijah, ang ibig bang sabihin nito ay nakalimutan mo na si Eliza?" Bigla niyang naisipang itanong.
Tumalim ang tingin nito. "Magkaiba sila ng kaso ni Colleen! Si Eliza kababata ko pero nagawa pa rin niya akong ahasin! Ngayon ko lang napagtanto na hindi ko naman talaga siya minahal. Masyado lang akong nasanay na palagi ko siyang kasama noon. Pero si Colleen, iniiwasan lang niya ako dahil sa kasalanan ko. Iba siya... Minsan lang ako magmahal. Kaya hinding-hindi ako papayag na sa pangalawang pagkakataon mawala pa ulit ang pag-ibig na iyon. Gagawin ko ang lahat para lang mapasakin siya! Naririnig mo ba ako ha, Paolo?!" pagalit na sagot nito. Napatango na lang siya. Parang siya pa tuloy ngayon ang inaaway nito.
"Chill, Bro! Relax! Masyado ka namang seryoso eh. Isa lang naman ang problema mo eh. At iyon ay si Jodith. Bakit kasi hindi mo na lang siya itumba? Para wala ka nang maging problema at pwede mo nang angkinin si Colleen," nakangising suhestiyon niya na ang ibig sabihin ay ang ipapatay na lang ang babae.
"Sira ulo ka ba? Kahit na inis ako sa babaeng iyon nasa loob pa rin ng sinapupunan niya ang anak ko. Ang kailangan ko lang gawin ay ang mapaniwala si Colleen na hindi ko nga anak ang batang iyon. Kukunin ko rin ang anak ko kay Jodith pero sa ngayon kailangang mas unahin ko si Colleen bago pa siya makuha ng ibang lalaki! Hinding-hindi ako makapapayag na mapunta siya sa iba! Akin siya Paolo! Naiintindihan mo? Akin siya!" Uminit na ang ulo na sabi ni Elijah. Masyado na itong obsessed! Parang pati tuloy siya ay kinakabahan na rito. Alam niya ang mga bagay na kayang gawin ni Elijah para lang makuha ang gusto nito.
------
KINABUKASAN...
Hindi alam ni Colleen kung saan siya kukuha ng pera. Kanina lang ay pinagmalaki sa kanya nina Grace at Mariz ang ticket na binili ng mga ito para sa nalalapit na concert ni Jake Pineda. Successful ang movie ng mga ito kaya mas lalo pang dumami ang mga fans nito. Ibig sabihin napakabenta ng mga tickets at kapag 'di pa siya nagmadali ay baka maubusan pa siya. Para siyang maiiyak sa inis kapag naiisip niya na hindi siya makakapunta habang siguradong mag-eenjoy naman ang dalawa.
BINABASA MO ANG
3. Is it Wrong To Love You? (PUBLISHED BY LIB)
Novela JuvenilCarlo can no longer bear his feelings. He wants to tell Colleen that he loves her-not as a sister, but as a woman. But how will she react when she finds out she's only adopted?
