chapter 7

1.9K 176 17
                                    








Unedited...









Hindi niya alam kung ano ang gagawin o ano ang isipin. Kanina pa lumilipad ang utak niya dahil sa ginawa ni Manuel sa kanya sa likod ng punong iyon. Paano kung may nakakita sa kanila? Paano niya pakisamahan ang mga taong manghusga sa kanya.

"Kalma, hindi ka ganyan! Wala kang pakialam sa iisipin ng ibang tao!" pagbigay payo niya sa sarili. "Tama, hindi mahalaga ang sasabihin ng ibang tao!"

"Sino ang kausap mo?"
Muntik na siyang mapatalon nang may nagsalita sa kanyang likuran. Naglalakad siya ngayon patungo sa bahay ni Aleng Nina para kumuha ng babana cue at ilako sa paaralan mamayang alas tres ng hapon. "Nagulat ba kita? Sorry, Honey ko," paumanhin ni JV na nakangiti. Napasulyap siya sa hawak nitong bulaklak. "Oops, para sa 'yo, Honey ko."

"Pwede ho bang huwag na ninyo akong tawaging honey ko?"

"Hmm? Bakit? May masama ba?"

"Hindi ho kasi magandang pakinggan at hindi naman kita kasintahan," sagot niya.

"Hindi mo pa rin ba ako sasagutin, Honey?"

"Sir, noon pa man sinabi ko na ho na wala na akong balak na mag-asawa pa."

"Lahat ibibigay ko sa 'yo, Honey, sagutin mo lang ako. Pera, bahay, lupa, sasakyan, lahat! Pati mga anak mo, tatanggapin at pag-aralin ko," nasa boses ng binata ang pagiging desperado. "Bigyan mo lang ako ng pagkakataong mahalin ka."

Tumigil ang dalaga at hinarap ang binata. "Salamat sa lahat, señorito JV. Alam kong mabait kang tao kaya ayaw kitang abusuhin."

"Hindi kita maintindihan," naguguluhang sabi ng binata. "Wala ka na ngang asawa at naghihirap pero ayaw mo pa rin akong tanggapin. Ano ba ang mali sa akin? Pangit ba ako?"

"Guwapo ka," sagot ng dalaga at tinitigan sa mukha ang binata. Matangkad si JV, mestiso pero matapang ang mukha pero kumpara sa kapatid nitong babae, mas mabait ito at mas malapit sa tao.

"Eh kung ganoon, ano? Ano ang kulang sa akin?"

"Ayaw ko na kasing mag-asawa at kuntento na ako."

"Hindi mo ba naisip ang mga anak mo?" tanong ng binata. "Lumalaki na sila. Kailangan nila ng ama."

"Ako lang sapat na sa kanila."

"Honey—"

"Pasensya na po señorito pero may lakad pa ako," magalang na paumanhin niya.

"Seryoso ako, Honey. Hindi ako magsasayang ng oras pabalik dito kung hindi ako seryoso sa 'yo! Gusto kitang kunin dito."

"Pero nasa kontrata na manatili ang mga tauhan mo rito." Napalingon sila sa nagsalita.

"Ano ang ginagawa mo rito?" tanong ni JV.

"Gumagala. Ini-explore ang buong haciendang pagmamay-ari ko," sagot ni Manuel.

"Mauna na ho ako sa inyo," magalang na paalam ni Honey.

"Wait lang," tawag ni JV pero hindi tumigil ang dalaga sa paglalakad kaya si Manuel ang hinarap niya. "Bakit ba aaligid ka sa kanya?"

"Kanino?"

"Huwag ka na ngang magkunwari! Pareho lang tayong lalaki rito!"

"Ah, kay Honey ba?" tanong ni Manuel at napasulyap sa hawak na bulaklak ni JV. "Hindi niya tinanggap? Kawawa ka naman."

"Sagutin mo ang tanong ko! May gusto ka ba kay Honey?"

"Paano kung sabihin kong oo, may gusto ako sa kanya at handa akong makipagkumpetensiya sa 'yo?" taas noong sagot ni Manuel na ikinagulat ni JV. "Hindi ka niya pinatulan sa loob ng mahabang panahong panliligaw mo, baka sa akin papatol siya."

Ngayon at Kahapon Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon