CE iv. Sa Huling Lamay (Original)

2.4K 105 17
                                    

Sabi nila, madalas daw magparamdam ang isang kaluluwa sa huling lamay para sa kanila.

Mamili ka.. Dadalaw ka o ikaw ang dadalawin niya?

___________________
iv. Sa Huling Lamay

By: Justine Paul Suarez a.k.a. ParengJaypee

Para kay Jam Erik Senu - Jam20Jam

PS: Kung may gusto kayo i-share na creepy encounters ninyo, just PM me :)

***

"Pare, ikaw na muna sa third floor. Mauuna na ako umuwi sa'yo. Pasensya ka na ha? Manganganak na kasi misis ko nasa ospital na sila na---" paalam sakin ng katrabaho kong si Kaloy. Kung kelan naman pagod na rin ako dahil nag-wholeday ako sa trabaho para matakpan yung isang absent ko. Tsk.

Isa kasi akong janitor dito sa punerarya na hindi ko na babanggitin ang pangalan. Ako si Jam Erick Senu. Bente anyos lang ako kaso mas gusto ko magtrabaho kesa sa mag-aral.

"Pare naman. Alam mong pagod na rin ako dahil kanina pa akong umaga dito eh." reklamo ko. Hindi naman kasi ako mabait na tao na payag agad. Gusto ko pinipilit ako.

"Sige na pare. Babawi ako bukas. Kaunti lang naman ang lilinisin dahil wala namang nakikiramay dun sa namatay. Parang wala ngang sumisilip manlang dun eh! Sige na!" pagkasabi noon ay nagmamadali na nga siyang tumakbo palabas.

Naku pasalamat siya ayokong masermunan ni boss. Inaantok antok pang tinungo ko ang elevator at pinindot ang 3.

"Tang ina!" nagulat ako nang pagkasarang pagkasara ng elevator ay namatay ang ilaw sa loob pero bumukas din naman agad. Langya! Nanakot lang pala.

Hindi naman ako takot sa multo dahil hindi ako naniniwala dito. Ayoko lang makulong sa loob ng elevator kaya naman nakahinga ako ng maluwag nang bumukas ito sa 3rd floor.

Dirediretso akong naglakad sa pasilyo kahit medyo may kadiliman ang paligid dahil isang kwarto lang naman ang okupado sa floor na ito.

Sa bandang dulo, natanaw ko na yung kwarto kung saan may nakaburol. Nagtaka ako ng kaunti dahil wala manlang tao doon. Ni walang tarpaulin o kahit isang litrato ng namatay.

"Kawawa naman pala yung nakaburol dito." sabi ko sa sarili ko. Nagpalinga linga ako. Wala naman akong makitang kalat eh. Siguro nga'y wala manlang nag-abalang makipag-lamay.

Nagkibit balikat na lang ako at naglampaso sa loob at sa paligid ng kwarto.

BLAG!

Napalingon ako sa pintuan ng banyo na biglang sumara ng malakas. Walang bukas na bintana kaya hindi ko maisip kung saan nagmula ang malamig na hanging dumampi sa balat ko.

Parang medyo tinablan ako ng takot ng sandaling iyon. Hindi pa naman kasi ako nakakaranas makakita ng multo o makaramdam ng kababalaghan sa buong buhay ko eh. Kahit pa sa punerarya ako nagtatrabaho.

Ipinilig ko ang ulo ko at inisip na dala lamang ng antok ito. Lumipat ako sa labas ng kwarto at dun ko na tinuloy ang paglalampaso ng sahig nang biglang mamatay ang ilaw sa loob ng kwarto.

Parang biglang nagsitaasan ang balahibo ko. Pero ang bakla naman kung bigla na lang akong tatakbo. Dinukot ko ang cellphone ko sa bulsa para gamiting flashlight pero hindi pa man ako nakakapasok sa loob ng kwarto ay bumukas na ang ilaw.

Ngunit kamuntik na akong mapasigaw nang makita ang isang nakaitim na babae na wari nakasilip sa kabaong ng namatay. Parang umiiyak ito dahil may naririnig akong mahinang paghikbi. Marahil kamag-anak siya nung nakaburol.

Pero kailan siya dumating at pumasok? Kanina pa ba siya? Nasa cr? Ay ewan!

"Miss?" pukaw ko sa atensyon niya.

"Huling lamay na ngayon.." mahina pero maliwanag na sabi niya nang hindi manlang ako nililingon.

Huling lamay na pala pero wala ni isa ang nakikiramay?

"Ah, eh.. Condolence ho. Kaanu-ano niyo ho ba ang nakaburol? Wala ho ba kayong ibang kamag-anak dito? Kayo lang ho ba ang naiwan niya?" sunod-sunod na tanong ko sa babae. Pero imbis na sagutin ako ay umiyak siya ng mahina.

Ang ipinagtataka ko lang ay bakit tila nanggagaling sa ilalim ng lupa ang pag-iyak niyang iyon? Napalunok ako at pakiramdam ko'y pinagpapawisan ako ng malamig at butil butil.

Dahil nilamon ako ng kuryosidad, kahit natatakot ay dahan dahan kong sinilip ang itsura ng bangkay na nasa loob ng kabaong pero..

"Hah!" napaatras ako nang makitang walang laman ang ataul!

Biglang tumigil sa pag-iyak ang babae na lalong nakapagpabagal sa pintig ng puso ko.. Kusang humahakbang paatras ang mga paa ko! Gusto ko nang tumakbo! Nang biglang humarap sa akin yung babae!

Mas lalo akong nahintakutan sa nakita ko!

Naaagnas ang kanyang mukha at umaagos ang dugo mula sa kanyang mata na puro puti lang!

"Wala manlang nag-abalang magpunta sa burol ko! Babalikan ko kayoooo!" napalitan ng galit ang ekspresyon ng kanyang mukha at bumubukal ang dugo sa bibig niya sa bawat binibigkas niyang salita!

"Aaaaaaaaaaaaahhh!!!!!!" napatakbo na ako sa takot at halos maihi ako sa pantalon ko! Hindi na ako nag-abala pang gumamit ng elevator dahil baka mas nakakatakot ang mangyari!

Kahit halos madapa ako ay pigil hininga akong tumakbo paalis sa lugar na iyon.

"Oh Jam? Anong nangyari sa'yo? Bakit humahangos ka?" tanong sa akin ni Mang Pedring, ang guwardya na nagbabantay sa labas.

"May multo! Multoooo!" parang baliw akong sumigaw at kumaripas ng takbo.

Bukas na bukas ay magreresign na ako!

- END -

Creepy Encounters [Horror Stories]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon