Labis-labis ang pag-aalala ni Beckah para sa anak. Iyak nang iyak kasi ito sa harap ng kaniyang kabaong.
"Mama! Mama ko!" hagulgol ng sampung taong gulang na si Arvin. Payat ito dahil sa karamdaman na hika.
Iyon ang dahilan, kung bakit kabado ang kaluluwa ni Beckah. Sa labis na pag-iiyak ng anak ay nag-aalala siya na baka kung mapaano ito. Katulad kasi niya ay hindi matanggap ng kanyang nag-iisang anak ang biglaan niyang pagpanaw.
Naaksidente ang taxing kaniyang inarkila, mula sa pagsa-shopping. Dead on arrival ang kanyang katawan nang siya'y dalhin sa ospital. Pagmulat ng kanyang mga mata ay hiwalay na ang kanyang kaluluwa sa kanyang katawang lupa. At wala na siyang nagawa. Patay na siya!
"Beckah, kailangan na nating umalis," malamig ang boses na wika sa kanya ni Anghel Mainne—ang kanyang sundong anghel daw.
Nilingon niya ang may pakpak na babaeng puting-puti ang kasuotan. Napakagandang babae rin nito. Napakaamo ang napakakinis nitong mukha.
"Hindi ko kayang iwanan ang anak ko. Ayoko pang umalis," lumuluhang sabi niya rito.
Nasa pintuan sila ng funeral chapel, katabi niya si Mainne na isang anghel, at tinitingnan nila ang pag-aayos ng kanyang pamilya sa kanyang magiging burol.
"Naiintindihan ko ngunit hinihintay ka na ng ating Ama, Beckah," napakalumanay ang boses ulit na wika ni Anghel Mainne.
"Ama agad? Busy ba si San Pedro at si Ama agad ang naghihintay sa akin?" dahil likas na palabiro ay makulit niyang sabi. Pinunas ng likod ng palad niya ang kanyang mga luha.
"Beckah, patay ka na. Kailangan mo nang bumalik sa ating ama. Wala ka nang magagawa pa dahil tapos na ang oras mo rito sa lupa. Sana'y maunawaan mo ang mga sinasabi ko."
Napatingin si Beckah ulit sa nagsalitang anghel. Maamo pa rin ang mukha, sabagay anghel nga pala ito, hindi marunong syempre na mainis o magalit.
"Beckah, halika ka na. Sumama ka nasa akin," sabi ulit ng anghel. Inilahad na ang kamay para sana abutin niya.
"Ayoko pa nga, eh! Paulit-ulit? Naka-unlimited ka ba?" pamaldita na tugon na niya. Kahit kaluluwa na siya'y maikli pa rin talaga ang kanyang pasensya.
Actually, ang inasahan niya ngang susundo sa kanya kanina ay ang alagad ni Satanas kaya nagtaka talaga siya no'ng una kung bakit napakagandang anghel ang sumusundo sa kanya. Aminado kasi siyang masungit at minsan magaspang ang kanyang pag-uugali noong nabubuhay pa siya kaya himala para sa kanya na sa heaven pala siya mapupunta.
Natahimik ang anghel na si Mainne. Napahiya na nagyuko ito ng ulo.
Tila naman natauhan at nakonsensya si Beckah. Pati ba naman kasi anghel ay nasusungitan pa niya. Kalaunan ay bumuntong-hininga siya. "Puwede bang balikan mo na lang ako. Huwag muna ngayon, nakikiusap ako. Nakikita mo ba ang batang 'yon. Siya si Arvin ko. Ang anak ko at may sakit siya, hindi 'yan sanay na wala ako sa tabi niya, baka mapa'no siya. Natatakot ako," dikawasa'y mahinahon nang pakiusap niya.
Ngumiti ang anghel. "Naiintindihan kita, Beckah. Huwag kang mag-alala."
"Salamat. Konting panahon lang ang hinihingi ko para sa anak ko."
Sa sinabi niya, unti-unting nagliwanag ang paligid ng anghel na nagmumula sa taas. Kasabay nang pagdilim ng paligid ay ang paglaho na nito, ibig sabihin ay pinagbibigyan ang kahilingan niya.
"Salamat po." Nakangiti ma'y naiiyak na usal ni Beckah na tumingala sa langit.
"Mama! Mama!" muling narinig ni Beckah na palahaw ng kaniyang anak.
Tila kinukurot ulit ng paulit-ulit ang puso niya. Bilang isang ina sa nakikitang paghihirap ng anak ay napakasakit iyon sa kanya. Nadudurog siya.
"Arvin, tama na. Huwag ka nang umiyak at baka mapaano ka," alo ng kanyang asawang si Roman sa kanilang anak. Nahihirapan na kasi itong huminga. Inaatake na ng hika dahil sa kakaiyak.
Dahan-dahang inihakbang ni Beckah ang mga paa palapit sa kanyang mag-ama. Tigmak ang kanyang mga mata ng luha habang nakatitig sa kanila.
Hindi. Hindi niya magagawang iwanan si Arvin. Hindi niya kakayanin.
Labing dawalang taon na niya itong inalagaan at minahal kaya hinding-hindi niya ito makakayang iwanan dahil lang patay na siya. Hindi niya magagawa iyon.
Isa pa'y kailangan siya ng anak niya. Sinong ina ang kayang mang-iwan ng kanyang anak sa ganitong kalagayan?
"M-mama?" Mayamaya ay umaliwalas ang mukha ng batang si Arvin.
Laking gulat iyon ni Beckah. Nanlaki ang kanyang mga mata. Sa kanya kasi nakatingin ang bata. Anong ibig sabihin nito? Nakikita ba siya ni Arvin?
"Si Mama. Bumalik siya," saglit nga'y nagtatakbo na si Arvin at mahigpit na niyakap siya. Nakikita nga siya.
BINABASA MO ANG
MY BADASS GIRL (at Ang Nanay Kong Multo)
Cerita PendekNamatay si Beckah na bata pa ang kanyang anak kaya hindi siya pumayag na agad siyang umakyat sa langit. Nanatili siya sa lupa hanggang sa naging binata si Arvin. Subalit naging babaero si Arvin dahilan para lagi rin siyang stress. Hanggang sa dumat...