01

46 21 18
                                    

Ilang taon na ba simula noong nangyari iyon? Matagal na rin pala pero palaisipan pa rin sa akin kung totoo nga bang nawala lang ako sa sarili ko o sadyang nag-exist talaga ang nasa libro?

“Naniniwala ka ba sa mahika, Papa?” tanong ko kay Papa.

26 years old na ako at matanda na rin si Papa. Ako na ang nagtatrabaho para sa kanila ni Mama. Gusto kong iparanas sa kanila na guminhawa ang buhay at unti-unti ko nang naibibigay sa kanila ʼyon.

“Ang mahika ay hindi totoo, anak. Hindi kailan man magiging totoo ito,” sagot niya sa akin.

Malayo ang tingin niya at para bang hindi ako nakikita pero nakakausap niya ako. Simula noong nangyari ang bagay na ʼyon ay malaki ang pinagbago ni Papa. Hindi ko alam kung bakit o paano pero madalas ko siyang nakikita na may kausap sa kawalan.

“Magpahinga ka na, Papa. Mamayang gabi pa ang uwi ko at baka tulog na kayo noʼn,” sabi ko sa kaniya at hinalikan na siya sa noo.

Si Mama naman ay nasa kusina at naglilinis. Pumunta ako sa kaniya para magpaalam na papasok na ako at gagabihin ako sa pag-uwi ko mamaya.

“Mag-ingat ka. Kapag gabing-gabi na ang uwi mo ay makitulog ka na lang sa kaibigan mo para hindi ka na bumyahe pa ng malayo,” bilin niya sa akin.

“Hanggang alas nuebe lang naman ang pinaka-late kong uwi, Ma. Baka mamaya ay bago mag-alas nuebe makauwi na ako,” hindi siguradong sagot ko.

“Basta mag-ingat ka sa biyahe,” patapos na sabi niya naman.

“O, sige na at aalis na ako. Baka ma-late pa ako,” paalam ko na.

Lumapit ako sa kaniya para halikan siya sa pisngi. Lumabas na ako sa kusina habang sinusuklay ang buhok ko. Tarawagin ko pa sana si Papa para muling magpaalam pero nakita ko na naman siyang may kausap sa kawalan. Nagsasalita na naman siya.

“Darating na ang nakatakdang edad para sa kaniya. Muli na silang pagtatagpuin muli...”

Mahina man ay rinig ko naman kung anong sinabi niya. Tulala lang siya at mahinang sinasabi ang mga katagang ʼyon. Hindi ko alam kung bakit pero kakaibang kaba ang naramdaman ko dahilan nang pagtaas ng balahibo ko.

“Pa... Alis na ako!” paalam ko sa kaniya.

Hindi ako nakatanggap ng tugon mula sa kaniya. Tuluyan na akong lumabas ng bahay namin para makasakay na agad sa jeep na daraan.

Umabot ako ng tatlong taon noon sa rehab dahil inakala nila akong baliw. Kung anu-ano ang pinainom nila sa akin para daw gumaling ako. Wala akong sakit at alam ko sa sarili ko ʼyon. Pero simula noon napaisip na ako kung totoo nga bang may Josaiah o Ryo na nag-exist? O baka nga may sakit lang ako? O baka dala ng gamot na ininom ko kaya naiisip ko ang mga iyon. Hindi ko na alam kung ano ba talaga ang totoo.

“Makiki-abot nga ng bayad ko, hija...” sabi ng matandang katabi ko ngayon sa jeep.

Kinuha ko sa kaniya ang bayad niya. Puro naman centavos ang bigay ng matanda. Hindi ito tatanggapin ng driver at baka pababain pa siya nito.

“Lola, hindi po natatanggap ang mga benyong ito. Wala po ba kayong pera?” tanong ko sa kaniya.

Nakatingin sa amin ang mga taong nakasakay sa jeep. Hindi kumibo ang matanda sa akin kaya naman kinuha ko na lang ang wallet ko at naglabas ng pera para sa bayad naming dalawa.

“Saan po ba kayo?” tanong ko sa kaniya. Sinabi niya naman sa akin kung saan siya bababa. Sakto namang parehas pa kami ng pupuntahan kaya naman inabot ko na sa driver ang bayad at sinabing dalawa ang para sa bayad na ʼyon.

“Salamat, hija...” mahinang sabi pa niya sa akin.

Ngumiti lang ako sa kaniya at hindi na kumibo pa. Nakatingin lang ako sa labas at pinanonood ang mga sasakyan. Maaga pa naman kaya kampante akong hindi ako late. Huwag lang talagang magkaroon ng traffic at baka maubos ang oras ko rito, mapapagalitan pa ako ng boss ko.

Isa akong writer sa isang publishing company. Hindi pa naaapprove ang libro ko dahil hindi pa naman natatapos iyon. Marami pa akong dapat gawin doon pero nakasali na iyon sa under review. Approval na lang ang kailangan at aayusin na lang ang nobela bago maging pisikal na libro.

“Para po!” malakas na sabi ko para marinig nung driver.

Nang huminto ang jeep ay inalalayan ko ang matanda para makababa siya kasabay ko. Sa gilid ng kalsada kami dahil hindi ko alam kung saan ba siya papunta ngayon.

“Lola, saan po ba kayo?” tanong ko sa kaniya.

“Ayos na ako rito. Maraming salamat sa ʼyo, hija...” nakangiting sabi niya naman. Ngumiti rin ako sa kaniya at tumango.

“Maiwan ko na po kayo, Lola. May trabaho pa po kasi ako, kung wala lang ay sasamahan ko kayo rito kung may hinihintay man kayo,” sabi ko naman.

Nakangiti lang siya sa akin at tumatangu-tango. Napatingin ako sa relong suot ko. Malapit na palang mag-alas otso. Kailangan ko nang makapunta sa company bago mag-alas nuebe.

“Alis na po ako, Lola. Ingat ka po!” sabi ko pa sa kaniya at tinalikuran na nga siya. Pero hindi pa ako nakalalayo ay tinawag niya naman ako.

“Tanggapin mo ʼto bilang pasasalamat sa kabutihan mo,” aniya at inabot sa akin ang isang bagay na nakabalot sa papel.

“Nako, Lola! Huwag na po. Ayos lang po iyon!” natatarantang sabi ko pa at kinukumpas ang kamay ko para tanggihan siya.

“Sige na, hija. Kailangan mo ito. Alam kong kailangan mo ito...” dahan-dahan pang sabi niya.

Wala akong nagawa kundi tanggapin iyon at ilagay agad sa bag ko. Kung makikipagtalo pa ako kay Lola ay baka ma-late na ako sa trabaho ko. Mukhang hindi pa naman titigil ang matanda hanggaʼt hindi ko kinukuha ang gusto niyang ibigay.

Mabilis na akong sumakay nang tricyle para makapunta sa company namin. Nang umandar ito ay sinubukan ko pang silipin ang matanda pero wala na siya sa pwesto niya. Siguro ay tumalikod na rin siya oras na magtatakbo ako para pumara ng tricyle.

“Weird...” nasabi ko na lang sa sarili ko.

Nang makarating sa office ay nakahinga ako ng maluwag dahil hindi ako late. Mabilis akong pumunta sa pwesto ko at uminom ng tubig na baon ko dahil masyado akong hiningal sa biyahe.

Nang ibinalik ko na ang tumbler ko ay napansin ko ang bigay ng matanda. Kinuha ko iyon at pinatong sa table ko. Feeling ko ay libro ʼto base sa porma at bigat nito. Hindi ko nga lang alam kung anong klaseng libro. Para malaman ko ay nagpasya akong alisin ang papel na nakabalot doon.

“Kekka?” pagbasa ko sa title ng libro.

Isang lalaking nakasandal sa upuan at animoʼy nakahiga na dahil sa naging pwesto nito. Nakasalamin ngunit nakapikit ang mga mata. May mga pahina na nakalutang na tila mo ay hinagis nito base na rin sa pwesto ng kamay niyang nakaangat. May japanese word din na tingin ko ay mismong title lang din ang ibig sabihin.

Kakaibang pakiramdam ang naramdaman ko habang nakatitig sa libro. At unti-unting bumalik na naman sa isip ko ang mga nangyari noon dahil napagtanto kong si Ryo ang lalaking nasa pabalat ng libro.

To be continued. . .

KEKKA (BOOK 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon