Part 1

5.8K 134 20
                                    


"Jessica, iyong chit daw ng Table 12. Tapos iyong sa Table 14, idagdag mo iyong dalawang margarita," lapit sa kanya ng isang unipormadong waiter.

Hindi siya kumibo at sa halip ay ginawa ang inuutos nito. Ilang sandali lang at iniluwa ng printer ang chit na ginawa niya. "Kung may eksakto silang pambayad mas mabuti," sa wakas ay sabi niya. "Nauubusan na ko ng panukli."

Ngumisi ang waiter. "Huwag kang mag-alala. Card ang ibabayad nila. Nakita ko iyong lalaki kanina. Inilabas na kaagad iyong Mastercard niya."

"Di, mabuti," aniya. Ibinalik na niya ang pansin sa monitor ng POS. Kinse minutos na lang at alas dose na. Ibig sabihin ay malapit na rin siyang mag-out.

"Jessica, huwag ka munang uuwi. May ipapagawa ako sa iyo."

Nagulat siya sa paglapit na iyon ng bar manager. Sanay na siyang madalas ay pasyalan siya nito kapag nagkakaha siya. Ang ikinagulat lang niya ngayon ay ang tono nito na tila wala siyang karapatang tumutol sa tinuran nito.

"Eh, Ma'am, kailangan po ako sa bahay na maagang makauwi ngayon," gayunman ay lakas-loob pa rin niyang katwiran.

Kumunot agad ang noo ni Mrs. Leynes. "Bibigyan kita ng three thousand five hundred sa ipapagawa ko sa iyo. Ayaw mo ba iyon? Wala pang dalawang oras ang itatagal ng show."

"Show?" aniyang muntik nang mabilaukan. Hindi niya alam kung ano ang unang iisipin, ang three-five na ekstrang kikitain niya na malaking bagay sa kanya o yung salitang show mismo.

"Alam mo namang may fashion show sa kabilang wing nitong bar, hindi ba? Kulang ang mga modelo. Ikaw ang papalit sa hindi dumating."

"M-Ma'am?!"

Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa. "Perfect na perfect ka, Jessica. Mas maganda ka pa nga sa modelong papalitan mo," kaswal na sabi nito.

"Ma'am, hindi po ako model. Wala po akong alam sa ganyan."

"Madali lang, hindi ka mahihirapan. Bibigyan ka ng briefing ng director ng show. Rarampa ka lang."

Napalunok siya.

"Gagawin ko nang five thousand, Jessica," kumbinse pa ng babae. "At bukas, puwedeng hindi ka na pumasok. May suweldo ka pa rin para sa araw mo bukas."

Five thousand pesos. Malaki pa iyon sa suweldo niya sa isang kinsenas sa bar na iyon. At mapapahinga na rin siya bukas. Tamang-tama dahil kailangan niyang mag-review para sa final exam niya sa kurso niyang Business Management. At ang five thousand pesos na kikitain niya ng extra ay magagamit niyang pambayad sa tuition fee niya para sa papasok na semester.

"Eh, Ma'am, kaya ko po kayang rumampa?"

Napangiti ang babae na may katabaan. "Bakit naman hindi?" Luminga ito at tinawag ang supervisor. "Palitan mo si Jessica sa kaha dahil may ipapagawa ako sa kanya."

Saglit lang ay natagpuan na niya ang sarili sa malaking dressing room na kinaroroonan ng mga modelong nakatakdang rumampa mayamaya pa.

Hindi niya alam kung manliliit siya sa nakita. Halos hubad na ang mga babaeng naroroon. Nakasuot ng mga ternong bikini at ang iba naman ay maninipis na pantulog at sa ilalim niyon ay aninag ang mga panty na sexy ang tabas.

Sa wari ay wala namang nakakapansin sa kanya. Abala ang mga iyon sa pagpapa-make up habang ang iba ay panay ang tingin sa salamin.

"Girls!" tawag ni Mrs. Leynes sa pansin ng mga ito. "Meet Jessica. Siya ang papalit kay Lorraine tonight."

Sabay-sabay na napatingin sa kanya ang mahigit sampung modelo. May nanlaki ang mata, mayroong biglang natawa.

"Tita, Sure ka bang kaya niya ang ginagawa namin?" sabi ng isa.

JessicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon