Part 9

1.5K 75 2
                                    

"IYAN BA ang bahay ni Don Maximo? Mansyon!" bulalas ni Shirley nang pumasok sa isang magarang gate ang sasakyang sumundo sa kanila. "Baka alangan itong suot namin sa pagtuntong diyan," bumakas ang insekyuridad sa tinig nito.

"Tita, malinis naman ang damit natin at plantsado," sabi ni Jessica.

"Huwag kayong mag-alala, hindi mapang-mata si Don Maximo," sabi ni Sylvia. "Ang totoo ay sabik na siyang makilala kayo."

Nang huminto ang sasakyan sa tapat nang magara ring main door ay lumabas doon ang isang matanda. Payat subalit matikas pa rin ang tindig. Walang duda ito ang hari sa tila palasyong iyon.

"Siya si Don Maximo," ani Sylvia bago ito bumaba,

"Magandang gabi ho," halos sabay nilang sabi ng madrasta nang makaharap ito.

"Magandang gabi din sa inyo. Halikayo, pasok." At iminosyon pa nito ang maluwang na pintuan. "Ito ang aking sala pero sa komedor na tayo didiretso. Mabuting kumain muna tayo ang pag-uusap. At wala kayong dapat na ipangamba. Walang masamang pag-uusapan. Nais ko lang kayong makilala. Lalo na ikaw, Jessica."

Ngumiti lang siya.

Maraming mga hakbang bago nila narating ang komedor. Napakaganda ang buong bahay. Nagdiringas ang aranya sa maliliit na ilaw na nakasindi. Ang mga muwebles ay walang dudang mamahalin. Elegante ang mga paintings na nakasabit, ganoon din ang mga naglalakihang banga at pigurin.

Sa komedor ay isang mahabang mesa ang nakita niya. Kasya marahil doon ang dalawampung tao sa haba niyon. Mamahalin rin ang kasangkapang nakahain sa mesa. Masarap ang amoy ng pagkaing naghihintay sa pagdulog nila.

"Huwag kayong mahihiya," ani Don Maximo nang nakaupo na sila. "Tayo-tayo lang naman dito. Lakasan ninyo ang kain," nakangiti pang dagdag nito.

Dalawang katulong ang nakaantabay sa kanila habang kumakain. Pakiramdam ni Jessica ay isa siyang prinsesa. Mayroon pang taga-salin ng tubig sa kanyang baso samantalang kayang-kaya naman niyang gawin iyon.

Hindi naman siya inosente pero aaminin niyang noon lang siya nakakahain ng ganoong putahe. Hula niya'y mga pagkaing mahirap i-pronounce ang tawag sa mga pagkaing iyon. Sa mga sosyal na food magazine lang siya nakakakita ng ganoon. Kumpletong-kumpleto pati sa garnishing.

Maging ang dessert ay espesyal. Bagaman nahihiya, sa sarap ng pagkain ay nabusog pa rin siya. At sa palagay niya, ganoon din ang kanyang Tita Shirley.

"Nagkakape ba kayo?" tanong ni Don Maximo.

"Oho."

"Buweno, sa library na tayo magkape habang nag-uusap tayo."



ANG PINTO ng library ay sa ilalim ng grandyosong hagdan kaya naman hindi akalain ni Jessica na halos singlaki rin ng sala ang library. Puno ng libro ang dalawang panig ng dingding. Ang isang bahagi ay mayroong picture window. Nakakaaliw masdan ang garden mula roon.

Inanyayahan sila ng matanda na maupo sa malambot na sofa. Doon ay inestima sila nito sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga lumang litrato habang hinihintay na ihatid sa kanila ang kapeng ipinahanda nito.

"Ito kami ni Luciano noong panahon namin sa Ateneo. Mga guwapo pa kami noon," biro nito.

"Mas kamukha mo pala ang lolo mo kaysa kay Felipe," sabi ni Shirley nang tingnan nila ang litrato.

"Ito naman ang kuha noong binyag ni Felipe. Ninong ako ng papa mo," anito sa isa pang pagbuklat ng album. "At ito naman ang kuha noong magtapos sa elementary si Felipe. Nasa isang mahalagang conference noon si Luciano kaya ako ang umakyat sa entablado upang sabitan ng medalya ang papa mo."

JessicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon