Part 3

1.5K 62 5
                                    

"PUMAYAG ka ng ganyan, pare?" nambubuskang wika sa kanya ni Brandon, best friend niya. Nang umalis siya sa condo ni Lizzie ay nagkataong tinawagan siya nito. Nasa Chaser Bar ito at pinasunod siya roon. "Nagastusan ka na nga ng malaki sa halaga ng alahas na iyon, sinampal ka pa? Ibang klase ka naman!"

Nahaplos niya ang nasaktan pisngi. Hanggang ngayon ay namumula pa iyon. "Alangan namang sampalin ko rin si Lizzie?" sagot niya. "Nakakapanakit ako ng babae pero hindi pisikal, Brandon. Alam mo iyan."

"Yeah. Lahat sila umaasang pakakasalan mo."

"Pero kahit kailan naman ay hindi ako nangako ng kasal. Hindi ba malinaw iyon sa kanilang lahat? I'm not the marrying type. Mas masaya ako ng ganito. Malaya. Period."

"Yeah, right," ayon ni Brandon. "Ang sarap ng buhay natin. Trabaho, good time. Ganoon lang. Look at those married guys. Trabaho pagkatapos ay uuwi ng bahay. Responsibilidad uli. Kapag inaya mong mag-good time, alam mo na rin ang isasagot: Naghihintay si misis sa bahay saka ang mga bata. Damn, habambuhay na responsibilidad! I can't imagine myself in it. Napakaigsi ng buhay para itali ang sarili sa isang panghabambuhay na responsibilidad."

"We're on the same boat," sagot niya.

"Excuse me, mga sir," lapit sa kanila ng waiter. "May fashion po sa kabilang wing niotng bar. Baka po interesado kayong manood. One thousand five hundred po ang ticket, consumable."

Matalim itong tiningnan ni Brandon. "Hindi kami interesado. Wala kaming interes sa fashion."

Sa paligid nila ay napansin ni Ted na ang ibang customer ay tila inaalok din ng ibang waiter. Mayroong nakumbinse agad ay nagtayuan na.

"Sandali," pigil niya sa waiter. "Anong klaseng fashion show iyan?"

"Sexy fashion show po. Iyong mga lingerie collection ni Mady Borromeo. Para pong fashion show ng mga underwear ng Bench, iyong kina Richard Gomez," salestalk pa ng waiter.

Nagkatinginan sila ni Brandon. "Pare, lingerie. Mga babae," Bakas ang pagbangon ng interes ni Brandon.

"Ulol!" aniya sa kaibigan. "Hindi ba pamilyar sa iyo si Mady? Kapatid siya ni Gus Borromeo, iyong supplier ko ng garments sa RTW department ng LGC."

"Kung ganoon, ano pa ang hinihintay natin? Puntahan natin ang fashion show." Mabilis itong naglabas ng pera. "Pambayad sa ticket at sa nakonsumo namin dito," anito sa waiter. "Magaganda ba ang mga model?"

"Professional models po, sir."

Hindi interesado si Ted sa mga modelo. Mas interesado siya kay Mady Boromeo. Umaandar ang business mind niya. Kung maganda ang lingerie collection, kakausapin niya si Mady upang ang LGC ang maging exclusive distributor ng naturang produkto.

"Wowowow!" sabi ni Brandon nang marating nila ang wing kung saan ginaganap ang fashion show. Sa kanilang dalawa ay mas weakness ni Brandon ang magagandang babae kesa sa kanya bagaman pareho lang silang binansagan ng lipunan na playboy.

"I would like to see Mady," sabi niya.

"Pare, mamaya na. Manood muna tayo."

"Brandon, mahirap nang maunahan ng ibang negosyante."

"Ayan ka na naman, negosyo na naman. Mag-enjoy muna tayo."

Hindi niya pinansin ang kaibigan at bumaling sa usher ng fashion show. "Where is Mady Borromeo?" maawtoridad na tanong niya.

Dinala siya nito sa gilid ng stage. Nagulat pa ang babae nang makita siya. Walang dudang natatandaan siya nito dahil minsan na silang nagkita sa isang meeting nila noon ng kapatid nito.

"Mr. Legaspi, I can't believe you're here. I'm so honored," tuwang sabi ni Mady.

Ngumiti siya. "Siguro ay pinadpad ako ng kapalaran dito," karinyosong sabi niya. "I didn't know you're having a fashion show. Kung alam ko lang ay inagahan ko pa sana ang punta." At sandali siyang nagpaliwanag kung paano napunta sa Chaser Bar, of course, hindi na kasali doon ang tungkol kay Lizzie.

"At kung alam ko lang na magiging interesado kayo dito ay pinadalhan ko sana kayo ng complimentary ticket. I'm really, honored, sir. Alam ninyong malaki ang paghanga ko sa inyo bilang business associate ng kapatid ko."

"Malay mo, maging business associate din tayo," charming na sabi niya.

Halatang nasiyahan pa si Mady sa narinig. "Am, sir, dito na kayo maupo." At dinala sila ni Brandon sa unahang upuan na pang-VIP.

TILA SASABOG ang dibdib ni Jessica sa malakas na kaba. Simula na ng fashion show. Suot na niya ang pearl-inspired bikini habang nakaupo at naghihintay ng oras niya. Ilang beses nang paroo't parito sa paligid niya ang ibang modelo. Halatang sanay na sanay sa trabahong iyon.

Tumayo siya at ilang beses na humugot ng paghinga. Sumilip siya at tinanaw ang audience. Mga desenteng tao ang nakikita niyang nanonood ng show. At malaking bagay iyon upang kahit na kinakabahan ay mapanatag siya.

Aaminin niyang may duda din siya sa fashion show na iyon. Na baka kunwaring fashion show lang iyon pero ang totoo ay gimmick lang iyon para sa prostitution. Pero ngayon ay naniniwala na siyang tunay na fashion show iyon dahil ang mga tatak ng lingerie na inirarampa ng modelo ay mabibili sa mga department store at puwede ring orderin through catalogue. Tila magkasingdami ang bilang ng babae at lalake sa audience. At ang mga ayos ay walang dudang nasa upper class ng lipunan.

"Bakit ba pati mga lingerie ngayon ay ginagawan na ng fashion show?" tanong niya kay Lorie na sa ilang oras na magkasama sila ay naka-vibes na rin niya.

"Siyempre, may market, eh," sagot naman nito. "Pumunta ka sa Rustan's. makikita mo doon ang isang bikini, halos dalawang libo ang halaga pero may bumibili. Mahal, di ba, lalo na sa isang bagay na nakatago lang naman. Pero ganoon talaga, ang tao, conscious na ngayon sa panloob nila, hindi lang sa damit na nakikita ng ibang tao na suot nila. Iyang suot mo, alam mo ba kung magkano iyan?"

Umiling siya. At nanlaki ang mga mata niya nang marinig kay Lorie ang halaga ng katiting na saplot na iyon.

"Private collection iyan, Jessica. Ewan ko kung may balak si Mady na ibenta iyan. Baka gumawa lang siya ng replica pero hindi mismo iyan. Mga tunay na perlas iyan. Ang dinig ko, io-auction nila iyan pagdating ng panahon. Kaya suwerte ka at ikaw ang nagsuot niyan. O, iyong tinuro sa iyo ni Barbie kung paano mo iyan ipapakita, huwag mong kakalimutan, ha?"

"Kinakabahan ako pero huwag sana akong magkamali."

"Madali ka namang natuto kanina. Uulitin mo lang iyon mamaya sa harap ng audience."

"Iyon nga, eh. May audience na."

"Isipin mo na lang na ako lang ang nanonood sa iyo, si Barbie at si Mady."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

JessicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon