Part 12

1.4K 65 5
                                    

"TED, HIJO, kilala mo naman ako. Ako ang mismong nakasisiguro sa iyo na tunay siyang apo ni Luciano at hindi impostor lang. Remember, ako ang mismong nagpahanap sa kanya," puno ng kumpiyansa ang tinig na sabi ni Don Maximo. Wala pa rin itong nahahalata sa namumuong tensyon sa kanila ng apo nito—na ni sa hinagap ay hindi niya akalaing ang taong itinuturing niyang kaaway.

"Sana nga ay hindi kayo nagkamali, Lolo," puno pa rin ng duda na sabi ng lalaki.

"Nakatitiyak ako diyan. At gusto ko ring ipaalam sa iyo, mula ngayon ay dito na titira sa atin sina Jessica at ang tiya niyang si Shirley. Panahon na upang talikuran niya ang nakalakhan niyang kahirapan. Alam mo naman siguro na naipangako ko kay Luciano na kapag natagpuan ko ang kanyang apo ay ituturing ko siyang para na ring tunay kong apo, di ba?"

Bahagyang tango ang itinugon nito.

"Buweno, sana ay huwag kayong magturingan na parang iba. Kami ni Luciano ay higit pa sa kapatid ang turingan sa isa't isa kaya naman inaasahan ko na ganoon din kayo. Maasahan ko ba, Jessica, Ted?"

Hindi siya agad nakasagot. Tumutok ang tingin niya sa lalaking kanina pa niya kinaiinisan. Tila nagsukatan sila ng tingin.

"Of course, Lolo," sagot ni Ted sa matanda at ikinabigla pa niya ang matamis na ngiting ipinukol nito sa kanya. Kung hindi lang siya aware sa panunukat nito sa pagkatao niya ay iisipin niyang sinsero ito sa pagngiting iyon.

"Jessica?" baling sa kanya ng matanda na naghihintay din ng isasagot niya.

"Opo, Lolo," mabilis namang tugon niya. Pero hindi niya ginantihan ng ngiti ang lalaki.

"Ah, Ted, makasabad na nga," tikhim ni Shirley. "Alam mo'y mahirap na tao lang kami ni Jessica kung tutuusin. Pero hindi kami mga oportunistang tao. Bago ka dumating ay nag-aalala kami na baka hindi mo tanggap ang pagpapatira dito sa amin ni Don Maximo. Malaman lang namin ang totoong nasa loob mo ay makaaasa kang aalis kami dito sa bahay na ito. Mahirap kasi na nakikitira kami dito na parang ipinagsisiksikan namin ang mga sarili namin dito," mahaba subalit prangkang sabi nito.

Tila nagulat roon si Ted. At nang mapasulyap siya kay Don Maximo, isang ngiti naman sa mga labi ang nakita niyang gumuhit sa mga labi nito. Nagpukol ito ng paghanga sa sinabi ni Shirley.

"You see, Ted?" agaw ng matanda sa sasabihin sana nito. "Hindi ako nagkamali ng pag-aalok ng tulong sa kanila. Hindi sila mapagsamantalang tao. At napatunayan ko iyan, hindi lang ngayon. Ibinukas ko nang maluwang ang pintuan ng bahay na ito para sa kanilang dalawa. Dahil alam ko, karapat-dapat lang sila. Sa tanda kong ito, alam ko kung kailan totoo o paimbabaw lang ang ipinapakita sa aking kabutihan ng isang tao."

Larawan si Ted ng isang taong unti-unting natatalo sa isang uri ng labanan. Nang minsan pang gumuhit ang ngiti sa mga labi nito, tiyak na tiyak si Jessica na pilit lamang iyon.

"Kung gayon, Lolo, lalong wala akong tutol," wika nito—na lihim na ipinagtaas ng kilay ni Jessica. "Sa ating dalawa ay higit kang magaling na kumilatis ng uri ng tao." At diretso itong tumingin sa kanila ni Shirley. "Wala kayong aalalahanin sa akin. Malaya kayong makakakilos sa bahay na ito."

"Salamat naman kung ganoon," ani Shirley, halatang nawala ang agam-agam na nararamdaman.

Tila hinihintay ng lahat na magpapasalamat din siya. Subalit nakatingin lang siya dito. Nauntag lamang siya nang sikuhin siya ng tiya.

"S-salamat din, Mr. Legaspi," napipilitang sagot niya.

"Mr. Legaspi?!" gulat at halos matawang reacsyon ni Don Maximo. "Jessica, hija, hindi ba't kasasabi ko lang na huwag kayong magturingan na ibang tao? Napakapormal ninyo naman sa isa't isa kung magtatawagan kayong Mr Legaspi at Miss Anzures."

JessicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon