Part 10

1.3K 52 1
                                    

SA MALUWANG at magarang opisina ni Ted ay madalas siyang biglang natatahimik. Kahit na nangangailangan ng atensyon niya ang maraming papeles sa kanyang mesa ay bigla siyang natitigilan at napag-iisip nang malalim.

Naiisip niya ang abuelo. At ang malalang sakit nito.

Lalaki siya, malakas at matatag pero kapag ang naiisip niyang maging dulot ng karamdaman nito ay nakakaramdam siya ng panghihina. Hindi niya matanggap na darating na nga ang panahong iiwan siya ni Don Maximo.

At sa ayaw man niya at sa gusto ay malaki ang posibilidad na iyon. Lihim sa matanda ay pinuntahan niya ang mga doktor na sumuri dito. Ipinakita sa kanya ng espesyalista ang resulta ng mga lab tests. At noon lamang niya natanto na nagsinungaling pa pala ang kanyang abuelo.

Hindi lang ito basta may sakit. Mas malubha pa sa ipinagtapat nito ang kalagayan nito.

Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya. Naiisip din niya ang tungkol sa kahilingan ng matanda. Pero hindi iyon madaling gawin lalo at sinabi na niya sa kanyang sarili na kailan man ay hindi siya magpapakasal.

Iginagalang niya ang sakramento ng kasal, iyon ang dahilan. Balintuna man sa iba, ang katwiran niya ay hindi siya magpapakasal dahil sa mataas na paggalang niya sa kasagraduhan niyon. Sa iisang dahilan na hindi niya ganap na maibibigay ang kanyang sarili bilang asawa.

Pero ngayong nalalapit na ang pamamaalam ng abuelo, iniisip niya kung kadakilaan kaya ang gagawin niyang sakripisyo alang-alang man lang sa pagbibigay-kaligayahan sa nagsilbing kaisa-isang magulang na nagtaguyod sa kanya.

Totoong sakrispisyo iyon sa parte niya subalit iniisip din niya, hindi naman kaya maging panloloko lamang iyon? But it was in good faith. Nais lamang niyang pabaunan ng kasiyahan si Don Maximo sa paglisan nito.

At kung sakali, saan naman siya hahanap ng babaeng maaari niyang iharap sa matanda? Hindi puwede ang sinuman sa mga ex-girlfriends niya. Lahat ng iyon, sa isang panahon ay umasang pakakasalan niya. At malamang, humantong sa totoong kasalan ang lahat kapag isa sa mga iyon ang kinausaup niya. Gagamitin ng mga itong bentahe ang sitwasyon niya upang masilo siya sa isang kasal.

At hanggang sa mga sandaling iyon, sa kabila ng pagnanais niyang mabigyan ng kaligayahan ang kanyang abuelo ay hindi pa rin niya maisip na kailangan niyang magsakripisyo ng kanyang sariling paniniwala ukol sa kasal.

"Teddy boy, nasa line 3 si Sylvia." Buhata sa intercom ay umagaw ng tinig ni Mrs. Cristobal sa pagmumuni-muni niya.

"Okay. Thanks." At dinampot na niya ang aparato. "Yes, Sylvia? Ang Lolo?"

"Mabuti ang kalagayan ni Don Maximo," sagot ng mayordoma na nakalakhan na rin niya sa mansyon na iyon. Sa opisina man o sa bahay, masisinag ang pagiging mabuting amo ni Don Maximo, katunayan ang mahabang paglilingkod ng mga tauhan nito dito at maging sa kanya.

"Napatawag ka?"

"Oo, inutusan ako ng iyong lolo. Huwag ka raw mawawala sa hapunan mamayang gabi, May ipapakilala siya sa iyo."

Kumunot ang kanyang noo. Buhat nang magretiro ang kanyang abuelo ay namalagi na lamang ito sa bahay. Palibhasa ang mga kaibigan ay isa-isa nang nagsipanaw, wala na rin itong ganang lumabas pa ng bahay. Mas gusto nitong maglaro na lamang ng golf sa mini-golf course nito sa hardin o dili kaya ay magbabad sa library.

"Sino?" tanong niya.

"Sorpresa daw, Ted. Alas otso niya ipinapahain ang hapunan. Dumating ka bago mag-alas otso, ha?"

"Sige. Sandali, nasaan ang Lolo? Bakit hindi siya ang kumausap sa akin?"

"Naku, wala siya. Umalis. Nagpunta sa Glorietta."

Muntik na siyang mahulog sa upuan dahil sa narinig. "Glorietta? Anong ginagawa niya roon?"

"Nagsa-shopping, siyempre pa. Nagpa-withdraw siya ng pera kaninang umaga. Alam mo naman si Don Maximo, mas gustong magbayad ng cash kaysa card. Pagbalik ko galing bangko, umalis na sila at nagtungo sa Glorietta. Nagbilin siyang darating din bago maghapunan kaya nga pinatatawagan ka rin. Huwag ka daw mawawala at importanteng magkakilala kayo ng taong iyon."

"Sino iyon, Sylvia?" Malakas ang kutob niyang kilala na ng babae ang taong sinasabi nito.

"Hindi ko alam, Ted."

Napailing siya. Of course, kung nagbilin si Don Maximo na huwag sabihin sa kanya kung sino ang ipapakilala nito, kahit na kilala pa iyon ni Sylvia ay hindi nito aaminin sa kanya.

"Sige, darating ako," sagot na lang niya mayamaya.

"HINDI kaya nananaginip tayo ng gising, Jessica?" bulong sa kanya ni Shirley habang nasa isang sosyal na boutique sila. Nasa counter si Don Maximo na siyang nagbabayad ng kanilang mga isinukat na damit. "Aba'y ngayon ko lang naranasan na mamili ng damit na hindi tinitingnan ang presyo. Correction nga pala, hindi naman tayo ang namimili. Si Don Maximo."

"Nalulula nga rin ako, Tita. Kaso kapag naman tumatanggi tayo sa mga pinapasukat sa atin ni Lolo, nagagalit naman."

Ipokrita siya kung di niya aamining masarap pala ang ganoon. Iyong gasta lang nang gasta, walang pinoproblema na baka wala na silang pera kinabukasan. Pero nakakalula rin pala lalo at hindi sila sanay na ang ganoong kalaking pera ay ibabayad para sa iilang pirasong item.

Mas nananaig pa rin sa kanila ang nakasanayan. Na palagi na ay mahigpit na hinahawakan ang pera. Na palagi na ay kulang na lang huwag gastahin ang pera sa takot na wala nang maging kapalit ang perang gagastahin.

"Ang kapal-kapal ng pera niya kanina. Pero manipis na ngayon. Biruin mo, doon sa isang boutique kanina, mahigit beinte mil ang binayaran niya samantalang ilang pirasong damit mo lang iyon! Mamaya, kahit magalit siya ay hindi na ako magsusukat. Hindi baleng puro ikaw na lang ang ipamili niya. Nakakahiya nang masyado. Baka akala, sinasamantala natin siya."

"Jessica, Shirley, kayo na ang magbitbit ng mga ito," tawag sa kanila ni Don Maximo.

Halos puno na ang mga kamay nila sa dami ng shopping bags na hawak nila pero nag-aaya pa rin sa ibang boutique ang matanda.

"Tama na po, Lolo. Marami na po kayong naipamili para sa amin ni Tita Shirley."

"Iilan pa lang ang mga iyan," kontra nito. "Jessica, hindi ka pa nakakapamili ng mga gamit mo sa pagpasok sa eskuwela."

Tumikhim si Shirley. "Huwag ninyo na ho akong intindihin, Don Maximo. Si Jessica na lang ho ang ipamili ninyo pa. Iyon hong nabili ninyo para sa akin ay sobra-sobra na."

Tiningnan sila ng matanda. "Alam ninyo, kung naiba lang siguro kayo ay baka hindi na magkandatuto sa pagtuturo ng mga bagay na ipamimili," aliw na sabi nito.

"Eh, Lolo, ang totoo po ay hindi ko naman kailangan nang masyadong gamit sa school. Graduating na po ako. Hindi ko na po kailangang bumili ng kung anu-ano. Siguro po ay mabuting umuwi na lang tayo. Maghapon na rin tayong naglalakad. Baka po napapagod na kayo."

"Kungsabagay, nagpahanda nga pala ako kay Sylvia ng espesyal na hapunan. Mamaya, ipapakilala ko sa inyo ang aking kaisa-isang apo, anak siya ng namayapa kong anak na lalaki. Ewan ko kung makikita ko pa sa kanya ang susunod na henerasyon. Kahit anong tulak ang gawin ko ay wala yatang balak na mag-asawa. Pero sandali, mayroon pa nga pala akong bibilhin para sa iyo, Jessica."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

JessicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon