HINDI kumibo si Jessica at naupo sa silyang plastic. Kapag nakikita niya ang inuupahan nila, nakakalimutan niya ang gutom at ang pumapalit ay panlulumo. Kaya nga nagtatrabaho siya kahit hanggang dis-oras ng gabi dahil gusto niyang makaahon sa miserableng kalagayan. Pero ang nangyari ay nawalan pa siya ng trabaho.
At kasalanan iyon ng bastos na lalaking iyon!
Nagtagis ang mga bagang niya at nakadama na naman ng galit.
Kung tutuusin ay hindi naman mahirap maghanap ng trabaho. Iyon ay kung hindi siya mamimili. Napakadaling mag-GRO kung gusto niya dahil maganda siya at sexy. Sabi nga sa kanya ng nag-aalok sa kanya ng ganoong trabaho noon, nasa desisyon naman niya iyon kung gusto niyang makipag-all the way sa customer o basta plain GRO lang.
Mayroon ding nag-aalok sa kanya na maging talent sa Japan tutal ay magaling din siyang kumanta. Pero hindi ganoong trabaho ang gusto niya. Hindi dahil sa minamaliit niya ang ganoong trabaho bagkus ay hindi niya kaya ang nanunuring tingin ng iba kapag nabalitaang ganoon ang trabaho niya.
Maganda na sana ang trabaho niya sa Chaser Bar. Desenteng bar iyon. Walang masamang imahe sa publiko. Isa pa, nauunawaan ng management na working student siya. At iyon ang mahalaga.
Gustong-gusto niyang makatapos sa pag-aaral. Naniniwala siyang malaki ang pag-asang gumanda ang buhay nila ng Tita Shirley niya kapag nakatapos siya ng pag-aaral. Siyempre, magiging armas niya ang diploma upang makapasok sa mas magandang trabaho. Ang balak niya, mag-iipon lamang siya ng puhunan at magtatayo siya ng sarili niyang negosyo.
Napabuntong-hininga siya. Wala na siyang trabaho ngayon. Ang perang hawak niya kapag ibinayad niya sa utang nila sa Meralco bukas ay wala nang matitira sa kanya. Kung mag-a-apply siya sa mga fast food chain, kakailanganin din niya ng pera para mag-ayos ng requirements. At hindi sasapat ang kita sa ilang oras na trabaho sa fast food para maipantustos sa pangangailangan nila ng madrasta.
Pangatlong asawa ito ng namayapa niyang ama. Hindi niya alam ang eksaktong kuwento sapagkat bata pa siya noon. Ang sabi nito sa kanya ay galing sa angkan ng mayayaman ang kanyang ama. Siguro nga, dahil sa birth certificate niya, mababasa roon na sa Makati Medical Center siya ipinanganak.
Bago siya mag-anim na buwan ay namatay ang kanyang ina. Nag-asawang uli ang kanyang ama sa isang babaeng hindi na rin niya natatandaan sapagkat ayon sa Tita Shirley niya, hindi umabot sa isang taon ang pagsasama ng mga ito.
Nagkakilala ang Tita Shirley niya at ang kanyang ama noong panahong naghihirap na ang kanyang ama. GRO ito sa beerhouse na suking puntahan ng kanyang ama—isang dahilan marahil kung bakit hindi niya minamata ang pagiging GRO ng isang babae ay dahil na rin kay Tita Shirley.
Ayon sa kuwento ng madrasta, ubos na ang kabuhayan noon ng kanyang ama sapagkat nalulong ito sa sugal at naipatalo na ang buong kabuhayan. Huli na para pigilan ng kanyang tiya.
Si Shirley na ang nakagisnan niyang ina. Nang magkaisip siya ay ito na ang nag-aalaga sa kanya. Bago siya mag-grade one, namatay ang kanyang ama. Matapos masira ang buhay sa sugal, mas sinira nito ang buhay sa paglalasing. Hindi na nakakapagtakang nalusaw ang atay nito sa labis na konsumo ng matapang na alak.
Mahal niya ang Tita Shirley niya. Kahit hindi siya tunay na anak nito ay sinikap nitong maalagaan siya sa kabila ng hirap ng buhay. Kahit sa pampublikong eskuwelahan ay iginapang siya nito sa pag-aaral. Tumigil na ito sa pagtatrabaho sa beerhouse apara daw di siya pagtawanan sa eskuwela. At sa halip, pinag-aralan nitong manahi ng basahan at ilako iyon sa kalye.
Natatandaan pa nga niya, makakapag-asawa pa sana uli ito subalit hindi siya tanggap ng lalaking iyon bilang "package deal" kay Shirley. Mas pinili ng madrasta niya siya kesa sa lalaki.
BINABASA MO ANG
Jessica
RomanceI don't know what hit me. But when we kissed, I felt some magic touch my heart. I even had sleepless nights. I was so restless. All I think was the magic of our kiss. Sampalan agad ang eksena nang unang magtagpo sina Jessica at Ted. Para sa kanya...