Part 18

1.4K 70 4
                                    

KASALO nila sa hapunan si Don Maximo pero nakaupo ito sa wheelchair. Binalaan na siya ni Ted na huwag magpapakita ng awa sa matanda sapagkat ayaw nito ang kinakaawaan. At likas nga marahil malakas ang matanda. Anumang kirot ang dinadanas nito, nakangiti pa itong bumati sa kanila.

"Nahihilo ako maghapon kaya heto, may bago tayong kasama. Si Merly, nurse ko."

Wala namang nagtanong pa tungkol sa idinadaing nito. Marahil ay alam na rin ni Shirley ang tungkol doon sa pamamagitan ni Sylvia. Ayon kay Ted, alam naman ng mga kasambahay na mayroong sakit ang matanda, hindi nga lang pinag-uusapan.

"Kumusta sa opisina, Ted?" kaswal na tanong ni Don Maximo nang patapos na silang kumain.

"Walang problema, Lolo. Siyangapala, isinama ko doon si Jessica kanina. Naipakilala ko na rin siya sa mga empleyado doon."

Lalong lumuwang ang ngiti nito. "Talaga? Ano naman ang masasabi mo, hija?"

"Okay lang po. Malaki po pala ang LGC. Saka mabait din po si Luchie. Siya po ang pinakamaestima."

"Ah, si Luchie." At binalingan nito si Sylvia na sa pagkakataong iyon ay kasalo din nila sa hapunan dahil na rin sa kagustuhan ni Don Maximo. "Sylvia, sino ba ang mas matanda sa inyo ni Luchie? Pareho na yata kayong maggo-golden anniversary sa pagsisilbi sa akin?"

"Halos magkasabay ho kami."

"Kapag ang dalawang iyan ang nag-retire sa akin, malamang na mabawasan ang kapital ng LGC. Sinubukan kong sumahin ang retirement benefits ng dalawang iyan, nasira ang calculator," biro ni Don Maximo. "Hindi ko kayang bayaran ang loyalty ng mga iyan sa akin. Iyang si Sylvia, ni hindi nag-asawa. Mas gusto pang magsilbi sa akin."

"Ginusto ko rin hong mag-asawa. Wala nga lang nakagusto," ganting biro ni Sylvia. "Pero okay lang ho. Kuntento din naman ako sa buhay ko ngayon. Siyangapala, Don Maximo, bukas po sisimulan ang pag-aayos sa hardin. Nakausap ko na rin ho ang caterer para sa party. Magde-deposito na lang ho tayo bukas."

"Good. Gusto ko nga ay birthday ko na para party na. At para maipakilala ko na rin sa madla si Jessica. Nagpa-imprenta ka na ba ng imbitasyon?"

"Sabi ni Luchie, nagpagawa na siya ng sample. Bukas daw, ipapakita sa iyo para makapamili kayo."

Ikinumpas ng matanda ang kamay. "Ayoko nang magdesisyon. Ipasa mo na lang kay Ted ang tungkol diyan. O kaya dito kay Jessica. Ang gusto ko lang, dumalo ng party at makihalubilo sa mga bisita."

"Don't worry, Lolo. Kami na ni Jessica ang bahala sa lahat," sagot ni Ted.

"Si Roberto, natawagan mo ba? Nasabi mo na ba sa kanyang isama niya ang mga apo niyang binata sa party ko?"

"Lolo, bakit pa? Narito naman ako," at inabot nito ang kamay ni Jessica na nagkataong katabi ni sa upuan.

Nasisiyahang tumango ang matanda matapos tumitig sa kanila. "Good. Kung ganyan ba naman, di makakatulog na ako nang mahimbing na mahimbing."

KUNG premonisyon ang pangungusap ni Don Maximo sa hapunang iyon ay walang nakahalata. Ginising na lamang sila ng malakas na pagkatok ng nurse, dis-oras ng gabi. Inatake nang matinding kirot ang matanda. Si Ted ang mabilis na kumilos upang dalhin ito sa ospital. Subalit minuto lamang matapos itong idating doon ay binawian na rin ito ng buhay.

Shock ang bumalot sa buong sistema ni Jessica. Hindi siya makapaniwalang ganoon lamang kadali at mangyayari iyon.

Iyak nang iyak sina Sylvia at Luchie na sumugod din sa ospital. Si Ted ay napasuntok sa pader ng ospital. Nasugatan ito pero tila balewala dito iyon. Sakit ng pagkamatay ng abuelo ang higit na mababasa sa anyo nito.

Nakaalalay naman sa kanya si Shirley. Ito man ay napaiyak din. "Ang bilis namang nawala ni Don Maximo," hinagpis nito. "Napakabait pa naman."

Magkatulong sina Ted at Sylvia na inasikaso ang bangkay ng matanda. Lumapit siya upang tumulong subalit sa wari ay hindi naman siya napansin ni Ted. Sa abuelo nakatutok ang pansin nito. At naiintindihan naman niya iyon.

Bago magtanghali ay nailipat na sa Arlington si Don Maximo. Si Luchie ang namahala sa paglalagay ng obituary sa mga diyaryo. Si Ted ang pinagdesisyon kung kailan ang libing.

Sa buong tatlong araw ng burol ay nakababad siya halos sa funeraria. Si Ted ang pinakaabala sa pag-estima sa mga nakikiramay. Umuuwi lang siya upang mamahinga ng kaunti at magpalit ng damit. Si Ted ay ganoon din. Subalit kapag nasa bahay ito ay hindi rin niya ito halos makausap. Hindi ito kumikibo. At inisip niya dahil na rin iyon sa pagdadalamhati.

She missed him. Inaasahan niyang silang dalawa ang higit na magdadamayan subalit tila napakalayo ni Ted sa kanya. Gumawa man siya ng paraan upang mapalapit dito, pakiramdam niya ay umiiwas ito.

At ayaw naman niyang magpumilit. Naisip niyang kung nasaktan siya ay hamak na mas nasaktan si Ted sa pagpanaw ni Don Maximo. At gusto niyang igalang ang paraan nito ng pagdadalamhati.

Sa libing ni Don Maximo ay hindi rin sila nagkalapit ni Ted. Magkaiba sila ng kotseng sinakyan nang ihatid ang bangkay sa memorial park. Nang buksan ang kabaong bilang huling pagsulyap sa namayapa, nakita niyang tumangis si Ted.

Gustong-gusto niya itong yakapin, aluin. Subalit hindi niya alam kung paano. Ayaw nitong magpahawak kahit kanino kung kaya't lalong naging kahabag-habag tingnan ang pagtangis nito.

Tumahan na silang lahat pero nanatili pa rin sila doon habang sineselyuhan ang nitso. Payapa na rin si Ted. Magkadaop ang mga palad nito habang tiim-bagang na nakamasid sa nitso. Bahagyang tango lamang at tipid na pasasalamat ang isinusukli nito sa mga nakipaglibing na nagpapaalam na mauuna nang umuwi.

"Ted, hijo, hindi pa ba tayo uuwi?" banayad na tanong dito ni Sylvia. Sila na lamang ang naroroon. Maging ang nagsara ng nitso ay nakapagligpit na ng gamit nito at umalis na rin.

"Mauna na kayo," sagot nito.

Tumingin sa kanila si Sylvia, partikular sa kanya.

Siya naman ang lumapit sa binata. "U-Umuwi na tayo, Ted."

"Iwan ninyo na ako dito. I would like to stay a little longer," tugon nito na ni hindi tumingin sa kanya.

Gusto niyang masaktan sa malamig na pagsagot nito pero inunawa pa rin niya ang binata. Bagaman pakiramdam niya ay napahiya siya, hindi na lamang siya kumibo. Bumaling siya kina Sylvia at Shirley.

"Mauna na lang tayo."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

JessicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon