Part 5

1.4K 59 1
                                    

"SINAMPAL mo ang isa sa mga audience?" hilakbot na sabi ni Mrs. Leynes.

"At hindi lang basta audience. Si Teodoro Legaspi iyon," sabi ni Barbie, wala na ang mukhang magiliw sa kanya kanina. Ang nasa mukha nito ay pagkondena.

"N-narinig ninyo naman siguro ang sinabi niya. Nakakinsulto."

"You could pretend you heard nothing!" galit namang sabi ni Mady. "My, God, Jessica. Alam mo ba kung sino ang taong iyon? Isang magaling at kilalang negosyante. Hindi mo lang alam kung gaano ako nataranta nang makita ko siyang nanonood ng fashion show ko. Pakiramdam ko, presidente na ng Chamber of Commerce ang bisita ko."

"I'm so sorry," mababa ang tinig na sabi niya.

"Sorry?" singhal sa kanya ni Mrs. Leynes. "Na-realize mo ba ang damage na ginawa mo? Mabubura ba ng basta sorry lang iyon?"

"Nasira ang fashion show," pabuntong-hiningang sabi ni Barbie. "I'm sure, laman ng mga diyaryo bukas ang kapalpakan ng show."

"At masisira ang pangalan ko," mangiyak-ngiyak subalit galit pa ring sabi ni Mady.

"I can't believe this, Jessica," tiim-bagang naman na wika ni Mrs. Leynes. "Nagtiwala ako sa iyo. Alam mo ba, sa back stage ay nag-uusap na kami nina Barbie at Mady. May likas kang talento sa pagmomodelo. Iba ang dating mo sa rampa. Nagkakaisa kami sa pagsasabing i-build up ka bilang ganap na modelo. Pero ikaw ang mismong nagtapon ng oportunidad na iyon sa iyo."

"Alam mo ba kung ano ang ginawa mo sa akin?" halos manlisik ang mga matang sabi ni Mady. "Pinaasam mo ako sa isang tagumpay. Isang iglap na lang at maaabot ko na ang tagumpay pero ano ang ginawa mo? Sinira mo ang lahat. You gave me the worst nightmare I never imagine that could happen to me! Sino ka ba? Isa ka lang kahera ng bar na ito para gawin sa akin iyan!" histerikal nang wika ni Mady.

"Calm down, Mady," dalo dito ni Barbie at tiningnan siya nang matalim ng bakla at inirapan.

Napailing si Mrs. Leynes. "Kulang pa ang patalsikin kita sa trabaho sa kahihiyang ibinigay mo sa bar na ito at a mismong fashion show, Jessica. Mabuti pang umalis ka na bago pa bumitiw ang hinahon ko. You're fired. At huwag ka nang makabalik-balik pa sa lugar na ito." Ikinumpas nito ang kamay na para bang isa siyang langaw na binubugaw.

Yuko ang ulo niyang tumalikod. Hinanap niya ang damit niya at mabilis iyong isinuot. Natanaw niya si Lorie na tahimik lang na nakamasid sa kanya. Hindi niya alam kung naninisi rin ang tingin nito o nakikisimpatya. Sa babae niya iniabot ang perlas na bikini na suot niya kanina.

Walang kibo na tinungo niya ang locker room ng mga empleyado ng bar. Pawang nakatingin lang sa kanya ang mga kasamahan niya doon. Sa itsura ay alam na rin ng mga ito ang nangyari. At ni isa ay wala man lang nagtatangkang makipag-usap sa kanya.

Kinuha niya sa locker niya ang iilang personal niyang gamit pagkatapos ay lumapit siya sa supervisor.

"Eto ang susi ng locker," tipid na sabi niya.

"Jessica," banayad na wika ng supervisor, sa tono ay nakikisimpatya sa kanya. "May ilang araw ka pang susuwelduhin. Sasabihin ko kay Mrs. Leynes na ibigay iyon sa iyo dahil pinaghirapan mo rin iyon. Kapag naayos na iyon, ipapahatid ko na lang sa bahay ninyo."

Nakuha niyang ngumiti kahit na hindi niya maunawaan kung ano ang eksaktong nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. "Salamat."

Naglalakad na si Jessica sa makitid na kalye sa Tayuman patungo sa maliit na bahay na inuupahan nila ng madrasta niya nang tila mabuhay ang galit sa dibdib niya.

Tumigas ang kanyang mukha. Binalikan niyang muli ang pangyayari sa fashion show na iyon. At ngayon niya higit na naisip, wala siyang kasalanan. Masama bang ipagtanggol ang kanyang dignidad? Nainsulto siyang talaga sa sinabi ng lalaking iyon. Kung alam lang ng mga tao roon kung gaano ang hiyang bumalot sa kanya sa pagrampa niya nang halos hubad.

Hinding-hindi niya makakalimutan ang pagmumukha ng bastos na lalaking iyon.

"Maryosep, Jessica, bakit ka naman ginabi?" salubong sa kanya ng Tita Shirley niya. Nasa tindahan ito na suki nilang utangan at sa wari ay nangutang na naman. May hawak itong bigas at lata ng sardinas. Sa isang kamay ay mayroong kandila at posporo.

"Aanhin ninyo iyang kandila?" sa halip ay sagot niya.

"Ano pa? Di, pinutulan tayo ng Meralco. Sabi ko naman sa iyo kanina, due date na ang kuryente, di ka pa nag-iwan ng pambayad. Tara na doon. Hinihintay lang kita kaya ako nasa labas."

"Eh, bakit ho hindi pa kayo pumasok? Mag-a-alas dos na ng madaling-araw."

"Aano naman ako sa bahay samantalang ang dilim-dilim? Ayoko namang magsindi ng kandila at nang makatipid. May pera ka ba? Magbayad na tayo ng kuryente bukas. Sayang din iyong kinikita kong ekstra sa pananahi. Di ko iyon magagawa kung walang kuryente."

Itinulak nito ang lawanit nilang pinto at dumiretso na sa kusina. "Pasensya ka na, ngayon lang ako magsasaing. Naghaharimunan ako na baka may uwi kang pagkain. Eh, wala ka namang dala kaya maghintay ka na lang ng kaunti. Sandali lang naman ito."

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

JessicaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon