"KASING-BAIT din kaya ni Don Maximo ang apo niya?" sabi sa kanya ni Shirley nang nasa kuwarto na sila. Magkatabi ang kuwartong ibinigay sa kanila. Kung sila nga nag masusunod ay kahit share na lamang sila sa isang silid subalit mas ipinilit ng matanda na magtig-isa na sila tutal ay marami namang bakanteng kuwarto sa bahay na iyon.
Nasa kuwarto niya si Shirley. Para silang mga bata na isa-isang sinusukat muli ang mga ipinamili sa kanila. Sa resibo ng mga damit, minsan pa ay nalula na naman sila sa halagang iyon.
"Four thousand nine hundred ninety-nine na ang bestidang ito?" manghang sabi ni Shirley. "Sa ukay-ukay, iyong ganito ay mababarat ko pa ng singkuwenta pesos!"
"Tita, sa ukay-ukay iyon. Kita mo naman, bagong-bago ito."
"Ang laking pera ng limang libo, Jessica. Aba'y sa halaga lang ng isang damit na iyan, kung dinala natin sa Divisoria ay marami na tayong mabibili. Baka nga maibigay pa nating pahulugan sa mga kapitbahay natin sa Tayuman ang iba."
Natawa siya. "Mami-miss natin ang Tayuman, Tita."
"Oo naman. Ako nga, iniisip ko, kung kumuha pa rin kaya ako ng gagawing basahan? Mukhang maiinip ako sa bahay na ito. Kahit saan ka lumingon, may katulong. Gusto ko mang tumulong sa pagluluto, dala-dalawa ang kusinera."
"Baka naman hindi magustuhan ni Lolo na mananahi ka pa rin ng basahan. Hindi ba, mababago na nga raw ang buhay natin mula ngayon?"
"Medyo nag-aalala lang ako, Jessica. Paano kung hindi pala niya kasing-bait ang kanyang apo? Baka mata-pobre iyon at mapagsabihan tayong oportunista?"
"Aba, di umalis tayo dito. Hindi naman natin ipinipilit ang sairli natin dito. Siguro kung mangyayari iyon, ang hihilingin ko lang kay Lolo Maximo ay bigyan niya ako ng trabaho. Alam mo na, para makatapos ako sa pag-aaral. Kapag nakatapos na ako, mas madali nang maghanap ng trabaho."
"Oo nga," ayon nito. Dinampot nito ang isa pang damit at hinaplos iyon. "Para pa rin akong nananaginip, Jessica. Oo nga at wala ka na palang mamanahin sa namatay mong lolo pero maamo pa rin ang kapalaran sa iyo. Aba kung, pepresyuhan mo ang ipinamili sa iyo ngayon, ang laking pera na nito. Tapos binilhan ka pa ng kuwintas. Ilanpung libo rin iyan!"
Niyuko niya ang kuwintas. Iyon ang pinakahuling binili ng matanda sa kanya bago sila tuluyang umuwi. Simpleng white gold chain lamang iyon. Ang pendant ay hugis-puso na natataniman ng maliliit na batong brilyante. Nang bayaran iyon ng matanda, hindi niya akalaing kay laking halaga niyon.
Nahiya siyang tanggapin iyon subalit ipinilit iyon ni Don Maximo. Isinuot iyon sa kanyang leeg upang hindi na siya makatanggi pa.
"Jessica," tawag ni Sylvia buhat sa may pintuan.
Si Shirley ang mabilis na tumayo at binuksan iyon. "Halika, pasok ka."
"Hindi na. Pinapaalala lang ni Don Maximo ang hapunan. Eight o'clock. Kausap ko na rin si Ted. On the way na daw dito."
"Ted?" sabad niya na lumapit din.
"Ang kanyang apo," ani Sylvia at nagpaalam na sa kanila.
"Lalaki pala ang apo niya," halos sabay nilang wika ni Shirley.
LABINLIMANG minuto bago ang alas otso ay bumaba na sila ni Shirley. Suot nila ang isa sa mga damit na pinamili sa kanila ni Don Maximo. Slacks na beige at pulang blouse ang suot ni Shirley. Ang step-in sandals ay beige din, kasali sa mga bago nilang kagamitan.
Isang casual na bestida naman ang pinili niyang isuot. Sleeveless iyon at hanggang ibaba ng tuhod ang haba. Preskong tingnan sa pastel na kulay nito at mumunting bulaklak na siyang print niyon. Kulay rosas ang sandals niya na may mababang takong. Katerno iyon ng mga flower prints.
Nagdalawang-isip siya kung isusuot pa rin niya ang kuwintas. Totoong maganda iyon at bagay sa kanyang leeg. Ang kaso ay nag-aalalangan siya. Nasa bahay lang naman siya bakit pa siya mag-aalahas ng ganoon?
Pero nang maisip niyang baka hanapin iyon ng matanda at ma-offend ito kung makikitang hindi niya suot at isinuot na lang din niya ang kuwintas.
At naisip ni Jessica na mabuti na lang at nagbihis sila nang maayos. Nang makaharap nila si Don Maximo ay desente rin ang bihis nito. Makintab na makintab pa nga ang suot nitong sapatos.
"Maghintay lang tayo nang kaunti at darating na ang aking apo," wika nito sa kanila. "Gutom na ba kayo?"
"Naku, hindi ho. Nagmeryenda pa nga ho tayo kanina," sagot ni Shirley.
"Ang dami nga po naming nakain," dagdag naman niya.
"Good. Ang pagkain ay para sa lahat kaya huwag kayong mahihiya." Inagaw ng isang busina ang sasabihin pa sana ng matanda. Sabay-sabay silang napatingin sa labas. Isang bagong-bagong kotse ang pumasok sa malapad na driveway. "Nariyan na si Ted," ani Don Maximo.
Nagkatinginan silang magtiya. Hindi maikakailang may pagkaasiwa sa kanilang naging kilos.
Kumilos si Don Maximo. Tinungo nito ang main door upang salubungin ang apo samantalang sila ni Shirley ay nanatili naman sa kanilang kinatatayuan.
Nang bumukas ang main door ay inliuwa niyon ang isang lalaki. Matangkad, guwapo at matikas ang tindig.
Sa isang segundo ay nakadama si Jessica ng kagyat na atraksyon dito. Pero sa sumunod na segundo at napanganga siya. Natutok ang kanyang mga mata dito at parang nanigas ang kanyang mga binti.
"Jessica, ipinapakilala tayo ni Don maximo sa kanyang apo," untag sa kanya ni Shirley.
"Hija," tawag naman sa kanya ng matanda. "Are you all right?" concerned na tanong nito.
"Palagay ko ay hindi," ang lalaking dumating ang sumagot. At sa tinig nito ay tila mayroong pailalim na pagtatawa. "Lolo, siya ba ang sinasabi mong sorpresa?"
"Jessica, ano ka ba?" gigil na tapik ni Shirley sa kanyang braso.
Tila noon pa lang siya ganap na natauhan. Ang tila pagkagulat niya ay napalitan ng ibang ekspresyon. Tumitig siya sa lalaki. At ang simpleng titig na iyon ay napalitan ng talim sa loob lamang ng isang saglit.
Sinalubong naman ng lalaki ang matalim niyang tingin. At sa wari ay balewala dito iyon. Nakapagkit sa mga labi nito ang tila nakakalokong ngiti nang bumaling ito sa matanda.
"Lolo, hindi ko akalaing mag-i-interes ka pa ring magka-girlfriend," tila may halong insultong sabi nito. "At masyado yatang bata?"
"Ted, you're kidding," natawa namang wika ng matanda, hindi marahil nahimigan ang pagtuya sa tinig ng apo. "Siya si Jessica. Ang nawawalang apo ni Luciano."
"No," puno ng pagtutol na sabi nito.
Iyon naman ang tila gumatong sa galit na nararamdaman ni Jessica kanina pa.
"Nagdududa ka?" ulos niya. "Available ang aking birth certificate. Lehitimong anak ako ni Felipe Anzures, anak ni Luciano Anzures."
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Jessica
RomanceI don't know what hit me. But when we kissed, I felt some magic touch my heart. I even had sleepless nights. I was so restless. All I think was the magic of our kiss. Sampalan agad ang eksena nang unang magtagpo sina Jessica at Ted. Para sa kanya...