TAPOS nang basahin ni Don Maximo ang huling report na ibinigay sa kanya ng detective na inupahan niya. Tapos na rin ang kanyang pasya. Dinampot niya ang intercom at tinawagan ang mayordoma sa mansyon.
"Sylvia, pumunta ka rito at may iuutos ako sa iyo."
Itinago niya ang report pero hindi ang litratong kasama niyon. Stolen shot iyon. Nasa tindahan ang dalawa. May edad na si Shirley subalit may mababakas pa ring ganda. At si Jessica, bata pa at talagang maganda bagaman payak ang damit. At sa mga mata nito ay parang nabubuhay ang matalik niyang kaibigang si Luciano. Kuhang-kuha ng dalaga ang mga mata ng Anzures.
"Don Maximo," bigay-galang ng mayordoma nang bumungad ito sa pinto.
Sinenyasan niya itong lumapit. "Ipalabas mo kay Narding ang kotse. Puntahan ninyo ang lugar na ito. Magpakilala ka kay Shirley at Jessica bilang tauhan ko. Sabihin mong iniimbitahan ko sila sa isang hapunan. Sila ang magsabi kung anong araw sila puwede at ipasusundo ko sila. Mahalagang makilala ko sila lalong-lalo na si Jessica." Ipinakita niya rito ang litrato ng dalawang babae.
"Opo, Don Maximo." At nanlaki ang mga mata nito nang matitigan ang litrato. "Kamukha ho ni Don Luciano ito."
"Siya ang nawawala niyang apo." Hinila niya ang drawer at kumuha roon ng pera. "Dumaan ka sa supermarket at ipamili mo sila ng kaunti bilang pasalubong."
"Opo."
"Sige na, lumakad ka na."
GUSTO nang panghinaan ng loob ni Jessica. Walang-wala na siyang pera ay hindi pa rin siya makahanap ng trabaho. Nauubos ang perang inutang nila sa kapapamasahe niya subalit wala namang nangyayari.
Tumawag siya sa Chaser Bar at nagtanong doon kung makukuha pa niya ang ilang araw niyang suweldo. Subalit ayon sa supervisor ay galit pa rin si Mrs. Leynes sa kanya. Apektado ang bar sapagkat tumumal daw ito nang mga sumunod na araw kaya huwag na raw niyang asahang ibibigay pa ang suweldo niya sapagkat siya pa nga daw ang sinisisi ng manager.
Pero dahil nakikisimpatya naman sa kanya ang supervisor, nangako itong bibigyan siya ng kaunting pera kapag sumweldo ito. Tulong daw iyon para magamit niyang pamasahe man lang habang naghahanap ng ibang trabaho.
"Hoy, Jessica, dalian mo ang lakad at baka maubusan ka!" sabi sa kanya ng isnag kapitbahay na may dalang plato ng pansit.
"Bakit?" nagtatakang tanong niya.
"Aba'y nagluto ng sangkaterbang pansit si Shirley. Sinagot yata ang meryenda ng mga taga-Tayuman. Umuwi ka sa inyo at nang makita mo. Nagkakagulo."
Sangkaterbang pansit? Paano mangyayari iyon samantalang wala nga silang pera? Bumilis ang lakad niya. At napatunayan niya, puno ng tao sa bahay nila. Bawat lumalabas doon ay may umaapaw na pansit sa platong dala.
Busy si Shirley sa pagsasalin ng pansit sa plato. Ang mukha ay mukhang nanalo sa lotto. Masayang-masaya ito.
"Tita, nanalo ka ba sa lotto?" tanong niya tuloy.
"Jessica, nariyan ka na pala. Naku, may dumating na suwerte. Sandali at tatapusin ko lang ito. Mamaya sasabihin ko sa iyo kung bakit. Maupo ka muna at mamahinga."
Nagtataka man ay iyon na nga ang ginawa niya. Tutal, hindi rin naman sila makakapag-usap na magtiya sa dami ng taong nag-aabang na masalinan ng pansit ang plato.
"Jessica, salamat sa pansit, ha!" wika ng kapitbahay bago ito umalis.
Ngumiti lang siya. Hindi nga niya alam kung saan galing ang madaming pansit na iyon. Sandali lang at naubos ang dalawang bilaong pansit. Naubos na rin ang mga tao sa kanila at silang dalawa na lang ng madrasta nag natira. Nagkatinginan sila at nagkatawanan.
"Mabili ang pansit ko," sabi ni Shirley. "Ipinagtabi kita, huwag kang mag-alala. Ano, gusto mo na bang kumain?"
"Saan ho ba galing iyan?"
"Kay Don Maximo Legaspi. Pinadala niya sa tauhan niya."
"Sino iyon?"
"Kumain na tayo at saka natin pag-usapan. Halika, masarap kumain kapag may magandang balita."
Napangiti siya. Bakas sa mukha ni Shirley na masayang-masaya ito. Masigla nitong iniligpit ang mga bilao at inihain ang itinabing pansit para sa kanya. At noon lang din niya napansin, may mga grocery items pang nakasupot sa isang tabi.
"May grocery pa?" aniya.
"Oo. Sabi sa akin ni Sylvia, iyong tauhan niyang nagdala dito ng mga iyan, iniimbitahan tayo ni Don Maximo sa isang hapunan. Gusto ka raw niyang makilala."
"Bakit?" At sumubo ng pansit. "Ang sarap, ah!"
"Siyempre, special iyan. Mabalik ako sa sinasabi ko, matalik siyang kaibigan ni Don Luciano Anzures. At kung hindi mo na natatandaan, si Don Luciano ang papa ng papa mo. Lolo mo iyon."
Nabitin siya sa pagkain ng pansit. "Bakit hindi ang mismong lolo ko ang magpakilala sa akin?"
"Eh, patay na rin pala."
Natigil siyang saglit. Kinapa sa sarili kung ano ang mararamdaman sa nalaman pero wala. Siguro ay dahil ni hindi niya iyon nakilala kahit pa nga sabihin lolo niya iyon.
"Iniwan ni Sylvia ang numero ng telepono. Tawagan ko daw siya kung nakapagpasya ka nang paunlakan ang imbitasyon ni Don Maximo sa isang hapunan."
"Ako lang ba ang magdedesisyon?"
"Aba'y kung ako ang tatanungin mo, wala naman sigurong masama. Malakas ang kutob ko, magandang kapalaran itong lumalapit sa iyo, Jessica."
Mabilis siyang nag-isip. "Kungsabagay, hindi pa nga ako nakakahanap ng trabaho. Baka kapag nakilala ko itong si Don Maximo, matulungan niya akong makahanap ng trabaho."
"O baka naman may iniwang mana sa iyo ang lolo mo?"
Nagkatinginan sila ng madrasta. "Kaya?" aniya.
"Malay mo."
Tumawa siya. "Kapag meron, hati tayo!"
At nagtawanan sila.
--- itutuloy ---
Maraming salamat sa pagbabasa.
Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor
Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza
Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor
My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals
BINABASA MO ANG
Jessica
RomanceI don't know what hit me. But when we kissed, I felt some magic touch my heart. I even had sleepless nights. I was so restless. All I think was the magic of our kiss. Sampalan agad ang eksena nang unang magtagpo sina Jessica at Ted. Para sa kanya...