Sa dinami-dami ng mga babaeng nandito sa lugar namin, ako yata ang tinamaan ng kamalasan. Halos saluhin ko na nga ang lahat... sabi nila maswerte raw ako kasi naging maalwan ang buhay namin noon. Naranasan ko man lang ang maging mayaman sandali. Sandali. Mula January hanggang December, at naging bato ng sumunod na taon.
Paano ba naman kasi, si Papa nalulong sa sugal. Siguro nasilaw sa salapi kaya kung ano-ano na lang ang pinapasok. Sunod-sunod ang talo kaya pati bahay na pinag-ipunan ni Mama noon, nakasangla na sa bangko ngayon. Para bang 1 day millionaire, at naging dukha ng sumunod na mga araw.
Kaya siguro di rin ako masisisi ni Ate Bobby kung bakit galit na galit ako kay Papa. Siya naman ang puno't dulo kaya nanganganib ang pagpapaaral sa akin sa kolehiyo. Graduate na ako ng highschool noong isang araw at iniisip na lang namin ni Ate Bobby ngayon ay kung paano ang enrollment sa Kolehiyo.
"Tumigil ka na lang kaya muna," suhestyon nito na sinamaan ko ng titig.
Palibhasa kasi graduate na, may stable job pa, samantalang kakaumpisa pa lang ng buhay ko. Madali lang sabihin iyan kasi tapos na siya... ako nama'y sumasalo sa lahat ng kamalasan.
"Gagawan ko ng paraan, wag mo'kong patigilin Ate. Hindi maganda sa pandinig."
Akala yata nito e nagbibiro lang ako. Samantalang nagrerebelde ang utak ko sa mga suhestyon nitong nahuhulog lang sa 'safe place'.
Kaya ng sumunod na araw ay umalis ako ng bahay, pumunta sa mga school. Nagbabakasakali ng scholarship. Pero dahil boba ako e wala ako ni isang naipasa. Diba nakakapanghina pero sabi ay wag daw akong mawalan ng pag-asa.
Kaya kinabukasan pinagbuntungan ko si Papa na parang binging walang narinig. Panay pa rin ang kain mula sa budget na ipinadala ni Mama. Sa inis ko ay padabog akong umalis ng hapagkainan. Mabuti wala si Ate, walang magbubunganga sa akin. Si Papa nama'y dahil guilty ay parang wala ring pakialam sa akin.
Umalis akong muli, bitbit ang isang maliit na bag na may lamang pera, ballpen, pulbo at cellphone.
Patingin-tingin din ako sa Municipal Board, baka may offer na nakaligtaan. Kahit ano, kukunin ko, kahit tagawalis sa plaza... okay lang, para sa scholarship.
"Naghahanap ka ba ng trabaho ineng?" Tanong ng empleyado ng Munisipyo. May dala itong mga papel, papapalitan yata ang nasa board. Para namang sa ninja ang mga mata ko at panay silip doon.
"Hindi po Ma'am, scholarship po kasi ang hanap ko." Paliwanag ko rito.
Ngumiti ito, ngiting parang may ginhawa.
"Sakto, hiring sa office ni Mayor. Kailangan ng part time... may scholarship na kasama iyon." Tulak nito sa akin na ikinaningning ng mga mata ko.
"Paano po?"
Sinabi nito sa akin ang mga kailangan. May summer job na mangyayari dahil nga summer pa lang at hindi pa pasukan. Habang bakasyon, magtatrabaho ako... at kapag school time na, maghahati ang oras dahil nga hindi naman daw grade ang pagbabasihan kundi trabaho.
Pagkakuha sa mga requirements ay tumungo na ako at nagpapicture ng 2x2 saka gumawa ng resume sa isang masikip na cafe. Pagkabalik sa Munisipyo ay bahagya akong nanghina dahil humaba bigla ang pila. Napasilip tuloy ako sa board at nakitang may mga nagbabasa na roon. Mukhang ipinaskil kaya ngayon biglang ganito.
Tiniis ko ang tagal, ang gutom at haba ng pila. No'ng ako na ay bigla akong nanlamig. Unang beses na makikita ko sa personal ang Mayor. Hindi naman ako nakaboto noong huling eleksyon dahil kaka-17 ko lang noon, kaya kabado ako ngayon. Ng tinawag na nga ang susunod ay para bang hindi maipinta ang mukha ko habang mahigpit ang pagkakahawak sa folder.
At minus points ako sa langit dahil talagang pinagnasaan ko kaagad ang kapogian ni Mayor. Palibhasa kasi bata pa saka single kaya siguro maraming tangang babae ang naghahabol dito. Masyado nga lang seryoso sa buhay.