Sinulit namin ang gabing hindi pa kami parehong abala. Nang sumunod kasi na araw ay para bang walang nangyari at halos hindi na magtagpo ang landas namin ni Pentagon. Sa bahay naman wala ako masyadong ginagawa since ilang Linggo pa bago ang pasukan. Minsan nga natutulala na lang ako dahil wala namang magawa, wala na rin naman akong trabaho at ang tagal pa ng pasukan. Minsan iniisip kong tawagan si Pentagon. Sa sobrang bored siguro kaya nakakaramdam ako ng lungkot.
Iyon nga lang ang nakakalungkot, minsan hindi na nito nasasagot ang mga tawag ko. At madalas unattended din. Ewan ba, bago pa lang naman pero nararamdaman ko na ang hirap. Mali yatang—ewan.Sa halip na magmukmok ay nakisabay ako sa paanyaya ni Ma’am Bessy. May ilang araw daw itong leave, medyo nastress daw sa bagong Mayora. Medyo magkasalungat daw kasi ang ugali nito kay Pentagon.
“Ewan ko nga ba at kung paanong nanalo iyon. Bali-balita pa naman noon pa lang na sadyang bastusin at may ugali iyang bagong halal na Mayor. Siguro bayad ang mga bumoto diyan.”
Natawa na lang ako at inabot ang inumin, hinihintay na lang namin ang ibang katrabaho. Since weekend bukas ay siguro napapayag ni Ma’am Bessy na sumama sa lakad namin.
Actually, nagbigay na rin ako ng contribution dahil nga hindi naman kay Ma’am Bessy lahat ng gastusin. Mabuti nga e nakapagpadala si Mama, gawin ko raw ay maglibang muna. Alam yata nitong nastress ako sa nangyaring pagsibak.
Ala otso nang nagsidatingan na ang mga sasama. Sa malapit lang naman kami, maliligo sa dagat pagkatapos ay bago umuwi kakain muna doon sa unli seafoods malapit sa City. Okay na iyon kesa mabagot sa bahay at wala naman kaming gagawin kundi ang tumunganga. Mas lalo ko lang mamimiss si Pentagon.
Nakakalungkot ang ganoon, at ilang araw ko ring tiniis na lagi na lang akong natutulala.
Hindi rin naman nito nasasagot ang mga tawag ko at minsan iniisip ko, istorbo na yata ako. Syempre, matic din na hindi ko na talaga hawak ang oras niya. Hindi niya responsibilidad na sa akin lang ang lahat ng oras niya.
Nakakasenti nga lang at bakit ba ako pumasok sa ganitong relasyon?Napapatanong na lang din ako kung bakit masyado yata akong nagkagusto talaga kay Pentagon at hindi man lang iniisip ang sitwasyon?
“Naks naman o! Ang lalim naman yata ng iniisip ng isa dito?”
Doon lang ako natauhan lalo na sa kaonting tukso galing sa isang nakilalang katrabaho namin dati ni Ma’am Bessy. Si Ma’am Karen. Mabait naman ito, iyon lang alaskador din tulad ni Ma’am Bessy. Hindi ko na lang masyadong pinansin ang panunukso nito. Tinawanan ko bago sumunod sa kanila papasok sa isang nirentahang van. Isang oras ang byahe at habang nasa byahe ay puro chismis ang nasasagap ko. Gayong hindi ko naman kilala ang mga naging paksa nila. Nagiging attentive lang ako kapag tungkol sa bagong Mayora ang pag-uusap. Ngayon pa nga lang, puro negative na ang naririnig ko. Hindi yata iyon maiiwasan kung isang katulad ni Mayor ang nakahalal.
“Miss ko na si Mayor, nakakamiss ang pagiging strikto at the same time pagiging mabait niya. Sana naman sa susunod tulad na ni Mayor ang manalo.”
Natigagal ako mula sa paghahalungkat ng suklay sa loob ng bag. Biglang nainis akong naririnig ang pangalan ni Mayor. Baka kamo sana sa susunod wag na talaga itong tumakbo. Nawawalan na nga ng oras sa akin, alam kong makasarili ang iniisip ko ngunit paano naman daw ako ano? Wala ba akong karapatan na magreklamo? O kaya humingi man lang ng kaonting oras? Kasi girlfriend niya rin naman ako ah.
“Speaking of, nabalitaan niyo na ba?”
Sabay-sabay kaming lahat na napalingon kay Ma’am Karen. Ang pilya ng pagkakangiti niya at alam kong may panibago itong balitang nasagap. Naghintay kami hanggang sa bumuka ang bibig nito na halos ikinalaglag ko sa upuan. Wala sa isipan ko na may makakatuklas samantalang kapag nasa labas ay doble ang ingat namin ni Mayor.