Hindi lang dalawang beses na inaya akong makipagdate ni Kevin, at sa lahat ng yon, pinagbigyan ko talaga! Kaya umandar ang pagiging chismosa ni Ma'am Bessy, mapanukso ang mga tanong habang kumakain kami ng lunch. Hindi nga maganda ang umaga ko, nadatnan ko na naman kasi si Mayor. Nitong mga nakaraang araw, lagi itong tambay sa sariling opisina. Busy nga ito eh, walang paki sa paligid, pero naaalibadbaran ako.
"Sinagot mo na ba? Selos na selos si Lopez, Han... ang daya mo raw."
Tuwang-tuwa yata ito sa mga nangyayari sa buhay ko. Panay ang panunukso sa mga bagay na alam kong kaiinisan ko lang din. Lalo na siguro kapag nalaman nitong naging kami ni Mayor, ng ilang araw lang... baka maglupasay sa kakatawa. May tendency pa man din ang ugali na mangbully. Binubully nga ng harap-harapan si Kevin na parang nahihiya na lang habang nakatitig sa akin.
"Isa pa yan, te... mahaba na ang pila, bakit pinaiyak mo naman?" Parinig nito, not sure kung sa akin o sa isang lalaking na nadaanan namin. Makatitig din naman kasi ay wagas.
Sumimangot na lang ako at saktong kalalabas lang ni Mayor mula sa isang opisina. Mas lalo tuloy akong napasimangot na nginitian lang nito. Na para bang hindi sumama ng sobra ang loob ko sa bigla nitong pakikipagbreak. Kung laro lang pala ang hanap nito, sana hindi niya na nito ako dinamay pa. Di ako willing victim!
Susko day!
Panira ng araw, busangot pa ako habang naglilinis ng file at binabasa ang isang case. Di ko naman maintindihan kung anong stand ko rito, hindi ito reflection paper na kailangan ng komento ko!
Kaya ng nag-alas tres e nagbinat-binat na ako habang sinisilip sa labas si Mayor. Matayog pa rin ang file na binabasa nito isa-isa. Parang hindi nauubusan. Para bang walang pahinga. Madalas pa itong overtime na talagang hindi ko na hinihintay.m, dahil kamo, wala na ako roon. At nasasakal ako kapag nasa iisang space lang kami! How much more kapag humaba pa iyan.
"Mayor," tawag ko, kinapalan na ang mukha dahil nakakahiya pa rin naman na may dala akong meryenda mamaya pagkatapos hindi man lang natanong kung gusto rin ba nito.
"Yes?" Nakataas ang mukhang tanong nito. Klaro iyong guhit ng ka-mature-an sa gilid ng labi nito. Pagkatapos malalim pa ang mga mata. Matured na matured! Pero akala naman nito nakalimutan ko na ang ginawa nito! Pwes, hanggang sa susunod na eleksyon talagang dala-dala ko pa rin iyon!
"Bibili ako ng meryenda, gusto mo?"
Ngumiti ito at dumukot ng pera. Medyo naningkit ang mga mata ko sa ginagawa nito.
"Bili ka rin noong cassava do'n malapit sa Jollibee..." dagdag pa nito.
Malungkot naman akong tumango at bumaba. Nagtricycle na lang ako dahil medyo malayo iyon, pagkatapos tahimik naman akong naghihintay sa mahabang pila. Mga kinse minutos ang hinintay ko bago ang turn.
"Dalawang tapioca nga rin po."
Pagkatapos noon ay bumalik na ako sa munisipyo at naabutan pa ako ni Lopez yata yon, not sure, hindi pa kasi kami nag-uusap kaya hindi ako sigurado kung ito ba iyong tinutukso ng isang pulis noon.
"Hi Ma'am," bati nito, hindi nakangiti pero parang hindi rin naman gaanong seryoso.
"Good afternoon po Sir,"
Bati ko na lang, sumunod ito paakyat... na medyo ikinailang ko dahil pumapantay pa sa lakad ko na para bang magkaibigan lang kami.
"Kayo na ba ni Bermudez?" Bulong nito sa tanong.
Mabilis akong umiling-iling. Natuwa yata sa nalaman dahil ang lapad ng pagkakangiti. Pagkatapos medyo nagulat ako noong nag-ayang makipagdate. Di ko naman alam kung ano ang idadahilan... medyo na-caught off guard ako roon. Kaya siguro inakala nitong pumayag ako, di na kasi ako nakasagot dahil pagkatungtong sa third floor e bumaba rin kaagad ito.
Problemado tuloy ako habang inaabot kay Mayor ang mga binili ko. Na tinawag pa ako kaso dahil lutang e parang hangin na lumabas iyon sa kabilang tenga ko.
Pagdating ng Linggo, kay Kevin lang ako may contact, kaya akala ko siya lang ang madadatnan ko sa meeting place namin. Malapit sa Van papuntang City. Nandoon din si Lopez na sadyang ikinailang ko dahil para bang mga matang lawin ang mga ito at malalim ang titig sa akin.
"You're gorgeous..."
"Ang ganda mo..."
Magkanabay na komento ng dalawa. Ngiwi naman ang sagot ko. Nakamini dress lang naman akong mint green. Bandang gitna ng hita ang haba, pagkatapos sleeveless. Binili ko sa ukay noon, at ngayon lang nahukay sa pinagtaguan.
Paligsahan ang dalawa, parehong nagpapaimpress. At mabuti naman hindi ganoon kalala ang mga ginagawa, kundi nakakahiya sobra. Pinagtitinginan na nga ako ng mga tao, dalawa ba namang matatangkad na lalaki ang ka-date? Sinong hindi magtataka?
Syempre, pagka-Lunes, nagkagulo... hindi naman gaano. Pero magulo pa rin. Para bang nagmamataas ang dalawang nakauniporme, BJMP at Police... parehong nagmamayabang sa nangyaring date.
Narinig ni Ma'am Bessy kaya halakhak ng halakhak. Papasok na kami sa loob ng Munisipyo ng sumabay si Mayor. Bumati si Ma'am Bessy, kunwari ganoon din ako kahit naiinis na ako kanina pa. Dumagdag pa ito!
"What did you do to those two?" Turo nito sa likod.
Umiling ako, nakasimangot pa rin habang si Ma'am Bessy e naubo sa pagpipigil ng tawa.
"Mayor, pinag-aagawan lang naman po iyong sekretarya niyo."
Sinamaan ko ng titig si Ma'am Bessy na hindi naman napansin iyon, titig na titig kay Mayor na seryoso noong una hanggang sa natawa. Pansin kong may nagbago kay Mayor, nagpagupit yata kaya parang medyo tumikas. Ngunit dahil galit pa rin ako sa ginawa niya eh napairap na lang ako, na saktong ikinalingon niya.
"Sabagay, maganda naman talaga itong si Hanana... sa SK nga, ipanglaban natin 'to." Ngisi nito, na ramdam kong may kasamang panunukso.
Mas lalong lumakas ang tawa ni Ma'am Bessy, samantalang pulang-pula naman ang pisngi ko. Mainit kasi. Di ko alam kung ano ang irereact. Lalo na at sabay pa kaming umakyat sa itaas. Si Ma'am Bessy naiwas na sa Lobby, may papasok na rin kasing mga taong. Magkocomplain yata o kung ano.
"Hindi ko na nakakasama iyang si Lopez, kaya di ko alam kung he's good for you or not. Mukhang mabait naman si Bermudez, madalas kong makausap yon. You should made up your mind who you do like most." Komento nito habang tinutulak ang pintuan.
Umismid ako, naghalo ang inis at hiya. Naiintindihan ba nito ang sinasabi? Parang pinagtutulakan ang ex na hanggang ngayon bitter pa rin sa nangyari.
Hindi ako nagkomento, hanggang sa tumigil na ako sa pakikipagdate sa dalawa. Ipinaliwanag ko namang pasukan na kaya kailangang pokus ako roon. Mukhang naiintindihan naman ng dalawa, dumistansya na nga eh. Lalo na at hindi na ako roon naglalunch, sa school na, bago dumiretso sa Munisipyo.
At medyo nakakahinga na ako sa bagong schedule, kahit papa'no hindi ko na masyadong dinadatnan si Mayor. Kahit papa'no hindi na masyadong sumisikip ang dibdib ko sa kinahinatnan. Okay na siguro ako not until...
"Chismis!" Tawang-tawa si Ma'am Bessy nang isang araw nagkita kami sa National Bookstore, doon sa City, may mga binili akong gamit na kailangan sa school. Patapos na kasi ang sem kaya todo kayod na sa pag-aaral. Nakakahinga na nga ako kahit papa'no sa mga gastusin at syempre allowance, di ko alam na may kakarampot na sweldo palang ibibigay sa akin. Akala ko pa naman scholarship lang, okay naman ako kung yon lang talaga. Kaya laking tuwa ko noong natanggap ang unang sweldo pagkatapos ng summer.
"Alam mo bang may nakakita kay Mayor na may ka-date dito sa Slerritt," turo nito sa katapat ng bookstore.
Namilog ang mga mata ko at bahagyang sumikip ang dibdib, halos hindi ako makahinga. Pero itong si Ma'am Bessy, hindi alintana iyon at kuntodo kwento pa kung gaano kaganda iyong babae, morena, at sabi-sabi ay Attorney. Hindi yata ako makahinga kaya napahawak na ako sa sariling dibdib. Gabutil ang pawis at doon lang din napansin ni Ma'am Bessy ang sitwasyon ko.
"Hoy! Napapa'no ka?" Natatarantang tawag nito sa isang nagbabantay. Inabutan nga kaagad ako ng tubig at pinainom. Doon naman ako kumalma.
Naiiyak ako kaso ayaw ko namang makita iyon ni Ma'am Bessy. Baka isipin niyang patay na patay ako sa Mayor namin. Bahala na! Mahimatay man ako rito, nuncang aaminin ko ang isang sekretong bagay. Tapos na ako sa era na yon.
"S-salamat po, sa panahon siguro." Dahilan ko kaagad.
Nakatutok sa akin si Ma'am Bessy, namumutla, natatakot yatang baka bigla na lang akong mahimatay. Malumanay pa rin ang ngiti ko hanggang sa inaya ko itong kumain sa Greenwich, ayaw ko nga sana dahil gusto ko munang mapag-isa, kaso ayaw ko namang maging bastos. Madalas akong ilibre nito noon kaya dapat siguro ako naman ngayon ang taya.
Nagcatch up muna kami, tinanong ako ng tinanong sa mga bagay na hindi nito alam, kasi nitong mga huling buwan bihira na talaga magkatagpo ang mga landas namin. Diretso na kaagad ako sa 3rd floor pagkatapos ng lunch at klasi.
"Naku, si Kevin. Bukang bibig ka pa rin! Anong pinakain mo at patay na patay yon sa'yo?"
Simpleng ngiti lang ang sagot ko rito. Hindi ko alam, text pa rin ng text ang isang yon. Hindi ko na nirereplyan, pag ginawa ko nama'y parang binibigyan ko ng maling hope iyong tao.
"Pati si Lopez, panay ang tanong sa'kin bago nadestino sa ibang lugar. At may dumagdag pa! Kompleto rekado na Han, si Sir Darius, sa BFP." Hagikhik nito.
Hindi ko naman kilala pero para ngang may dumaang Darius sa friend request ko noong isang araw. Kaso dahil bumukas na naman iyong sugat sa puso ko e parang hilaw na pagkain na lang na dumaan sa buhay ko ang mga nagpapansin.
Alas tres yata kami natapos sa kuwentuhan. Si Ma'am Bessy ang dami niyang baong kwento. Mabuti hindi na nito inulit ang tungkol kay Mayor. Hindi pa kasi talaga ako handa, kailangang mag-ensayo ako mamayang gabi para maging normal sa harap ni Mayor. Kung totoo man ang chismis.
Totoo nga yata. Lingunan ang mga lalaki habang nagkukumahog ako papasok ng Munisipyo. May nauna sa'king babae, matangkad, amoy pabango, moren at makintab ang straight na straight na buhok. Balingkinitan pa at talagang makurba ang katawan! Napanganga tuloy ako habang nakabuntot sa kanyang kumekembot-kembot. Klaro sa hapit na mermaid dress iyong ganda ng katawan. Nainggit nga ako eh! Payat na payat ito, samantalang medyo may laman naman ako!
Kaya lang natigilan din ako noong kumatok ito sa Mayor's office. Nakapwesto ako sa hagdan, kaya naghihintay sa mangyayari. At ganoon na lang ang gulat ko ng tumingkayad ito at hinalikan sa labi si Mayor.
Naninikip na naman ang dibdib ko kaya sa halip na umakyat e bumaba ako at nagmamadaling pumasok sa restroom doon sa lobby. Nagsituluan ang mga luha ko at mabilis ko iyong pinalis ng may pumasok na empleyado. Marahil nagtataka ito sa ginagawa ko roon. Kunwari na lang naghuhugas ako. Kaso suminghap ako ng lumabas na ito st nagsituluan na naman ang mga pesting luha 'to. Para bang gripo, ayaw tumigil, sumisikip na naman ang puso ko.
Kaya lang naman ako kumalma ng nakarinig ng ingay mula sa labas. Mabilis akong naghilamos at kumuha ng wet tissue at pinunasan ang mukha. Medyo mugto na ang mga mata kaya naglipstick na lang ako ulit. Saktong bumukas ang pintuan. Nag-excuse naman ako at umakyat ulit.
Nanginginig pa rin ang mga daliri ko kaso scholarship nga ang ipinunta ko rito! Hindi ang balasubas na Mayor na iyon! Tse!
Nagdadalawang isip ako sa pagpihit, paano kapag nakita ko ang dalawang naglalampungan? Kakayanin ko ba?
Ganoon na lang ang ginhawa ko ng pagpasok ay wala ang dalawa. Dali-dali na lang akong pumasok sa maliit na silid, mahirap na... pinilit ko talaga ang sarili. Hanggang sa nalaglag ang hawak kong ballpen, awang ang labi, at mulagat ang mga mata habang nakatitig sa dalawang kalalabas lang mula restroom. Lukot ang bandang dibdib ni Mayor, samantalang patawa-tawa naman ang babae at nagsmudge ang make-up!
Nagsituluan na naman ang mga luha ko. Pesting luha! Di ba 'to nauubos?