"Ano?! Sasama ka?!"
Inis na inis si Ate Bobby no'ng nagpaalam ako sa kanilang magcacamping kami roon sa kilalang Lake. Pumayag naman si Papa, si Mama medyo alangan at ngayon si Ate nama'y para nahihimigan kong ayaw pumayag.
Umismid nga ako at iginilid ang mga inihandang gamit para mamaya. Susunduin na lang daw ako ni Kevin para nama'y pareho kaming hindi mahihirapan.
"Ano?! Gaga ka talaga! Kapag ikaw nabuntis!" Inis na inis na sigaw ni Ate Bobby, hinihila-hila pa ang ilang hibla ng buhok ko.
Ako na naman ang nainis at tinulak ito bahagya. Mas nag-init ang ulo nito, parang may nakikita akong invisible na usok doon sa tuktok ng ulo nito.
"Di ka talaga nag-iisip ano?! Nakakainis ka, Hanana! Ikaw na nga ang bobo dito sa pamilyang 'to, sumasama-sama ka pa diyan!"
Pagkabaling sa kanya ay nanlalaki ang mga mata ko sa inis. Iyon bang parang ang sarap manuntok. Kung makapanlait 'to parang siya ang nagpapaaral sa akin.
"Ate, ganyan ba talaga ang tingin mo sa akin?! Fyi, may dala akong sariling tent—" tinuro ko naman ang pahabang lalagyan doon sa gilid, "—may pepper spray at stun gun ako rito, wag kang judgmental!"
Padabog ko ngang nilayasan at tumambay na lang ako sa tapat ng bahay. Hindi ko naman narinig na nag-aalburuto ito ulit. Tahimik ang bahay, at ayaw ko ring tumambay doon dahil iritado ako. Baka kung ano-ano pa ang maging sumbatan naming mag-Ate. E ang tamad-tamad nga noon, ako lagi ang gumagawa ng trabaho rito sa bahay. Kaya talagang wag niya akong makanti-kanti.
Alas doce pa lang eh sinundo na ako ni Kevin. Sabi pa ay kakain daw muna kami ng lunch bago bumyahe. Napagkasunduan na rin naming sa ibang tent ako matutulog, pumayag naman at hindi nagreklamo. He should be 'no! Nag-aaral pa kaya ako...
"Dadaanan muna natin si Greg pagkatapos ang girlfriend nito bago tayo bumyahe." Tumango ako nang nagpaalam siyang ganoon ang magiging set up. Wala akong problema roon, okay naman...
"Hi, Hanana..." iyon ang bati ng girlfriend ni Greg, malambing saka napakamasayahin. Maganda at katamtaman ang tangkad, morena ito pero siguro mas nakakaattract iyong katotohanan na napakalambing niyang tao. Natutunan niya rin kasi raw dahil nagtratrabaho sa isang remittance center.
"Matagal na ba kayo? Lowkey lang kayo ano? Di kayo PDA." Hagikhik nito nang tumigil na kami sa paanan ng bundok...
"Ah," natatawang tigil ko at napaisip kung ilang buwan na nga ba talaga kami ni Kevin, sa totoo niyan nakalimutan ko!
Palakuwento rin ito, kaya siya talaga ang madalas kong kakuwentuhan habang paakyat. Yong iba kasi mukhang iba naman ang trip. Malalala pa nga at may isang puro arte ang binubuka ng bibig. Mula sa paanan hanggang sa tatlong oras na akyat, puro reklamo nito ang naririnig ko. Kaya minsan hindi ko maiwasang mangunot ang noo. Mukhang nababasa naman ni Ysabelle kasi makahulugan ang tawa habang malalim ang titig sa akin.
"Oy, mag-iiba kayo ng tent?" Tanong ni Ysa pagkakita pa lang sa ginagawa namin ni Kevin. Tinulungan ako ng boyfriend ko kahit sinabi kong kaya ko na iyon, pinag-aralan ko kaya...
"Bata pa 'to, Ys... alam mo naman kakakolehiyo pa lang niyan. Mahirap na." Maginoong sabi ng boyfriend ko na nginitian na lamang ni Ysa. Pagkatapos ay nakitulong din ito kahit na ginagawa pa ni Greg iyong tent nilang dalawa.
Alas sais nang nag-umpisa ng bumaba ang sikat ng araw. Nagtipon-tipon ang lahat sa gitna habang naghahanda ng kalan. Magluluto pa kami maliban sa ilang pagkaing dala. Bukas raw ay mamamangka kami sa gitna ng lake, sisisid sa mababaw— pagkaamoy ko pa nga lang kanina eh parang ako na ang nandiri— masyadong malangsa.
"O, konting pampainit ng gabi..." naglabas ng tatlong malalaking beer iyong kasamahan ni Kevin at pinagpasa-pasahan para malagyan ang lahat. Ngiwi naman ako habang tumutungga. Tawang-tawa si Kevin na hinaplos pa ang ulo ko at bumulong kung kaya ko pa ba iyon.