Ilang minuto na ang nakalipas mula nang umalis si Macsen pero hindi pa rin ako pumapasok ng kwarto. Pakiramdam ko kasi ayaw niya ako dito. Mabuti pa yatang doon na lang ako kina Amalia.
Naglakad na ako papasok ng kwarto ko at diretso na ako sa kama. Kinuha ko ang remote ng aircon at pinindot iyon. Tinitigan ko alin nga ba iyong para lumamig siya pero nakalimutan ko! Ah, bahala na. Umaandar naman na siya kaya ayos lang 'yan.
Hindi nagtagal ay nakatulog na rin ako sa pagod. Nagising lang ako nang malalim na ang gabi dahil sa sobrang lamig. Nasa ilalim na ako ng kumot ngunit pumapasok pa rin ang lamig! Hindi naman ganito ka lamig noong nando'n ako kina Zella. Pero bakit parang dito sumobra naman yata sa lamig?
Pinilit kong matulog ulit habang nakatago sa ilalim ng kumot pero hindi ko na talaga kaya ang lamig kaya lumabas na ako ng kwarto para doon na lang matulog sa sala. Ngunit paglabas ko, laking gulat ko na ang lamig din sa sala. Napasapo na lang ako sa noo ko nang makitang hindi ko rin pala napatay ang aircon doon.
Kaya imbis na doon matulog ay pumunta ako sa kabilang kwarto at sobrang tuwa ko nang maramdamang hindi malamig doon. Wala na akong balak pang paandarin ang aircon! Agad akong nahiga sa kama at natulog na ulit.
Nagising ako at sobrang bigat ng mga mata ko, inaantok pa ako. Pero nakita kong umaga na kaya't nag unat na ako. Laking pagtataka ko nang maramdamang malamig ang kwarto at sakto lang naman ang lamig. Hindi kagaya do'n sa kabila. Pinaandar ko ba ito kagabi?
Nagmadali ako sa pagbangon at lumabas ng kwarto. Nakita ko doon na may mga lalaki na hindi ko kilala at parang may inaayos sa aircon.
"Wala namang sira, sir. Talagang nasobrahan sa baba ng temperature kaya gano'n kalamig nang pumasok tayo," sabi noong isang inaayos na ang gamit niya sa bag.
Tumawa naman ang isa. "Parang freezer kanina, e pagpasok natin," tumawa siya ulit. "Baba na kami, sir."
Hindi ko narinig na may sumagot pero alam ko kung sino ang kausap nila. Naglakad na ako palapit sa sala at naroon nga si Macsen, pinupunasan ang salamin ng bintana na basa. Bakit basa ang bintana?
Tumikhim ako kaya napalingon siya sa akin saglit. Sobrang saglit lang! Nagpatuloy na siya sa ginagawa niya.
"Ahh...Bakit basa 'yan?" maingat kong tanong.
Hindi siya sumagot at patuloy lang sa ginagawa. Lumapit pa ako sa kanya at ginaya ang pagkakaupo niya. Napalingon siya sa akin at masama na naman ang tingin niya sa kung paano ko ginaya ang pagkakaupo niya. Sa huli, nag-iwas siya nang tingin at nagpatuloy sa ginagawa.
"Umulan ba? Kaya...basa 'yan?" tanong ko ulit dahil hindi niya ako sinagot kanina.
"Hindi," iyon lang ang sagot niya at walang ka buhay buhay pa ang tonog no'n.
Sa halip na kulitin pa siya sa mga katanungan sa utak ko, mas mabuti pa siguro na tulugan ko siya sa ginagawa niya. Kinuha ko sa kamay niya ang basahan at nakita ko ang gulat niya sa ginawa ko.
"Ako na dito," sabi ko habang pinupunasan na ang bintana.
Akala ko, hindi siya papayag. Pero tumayo na siya at umalis siya papuntang kusina. Nagkibit-balikat na lang ako. Hindi pala siya pala kaibigan, parang ang sama ng timpla niya kapag kausap niya ako. Nagpatuloy na lang ako sa ginagawa at hindi nagtagal ay naamoy ko ang masarap na pagkain. Nagutom tuloy ako.
Nagmadali akong punasan lahat ng bintana at nagpunta na agad sa kusina. Laking tuwa ko nang makitang nagluluto siya. Lumapit ako sa kanya at tiningnan ang niluluto niya.
"Ano 'yan?" turo ko sa piniprito niya pero inalis niya agad ang kamay ko kaya napawi ang ngiti ko. Napatingin ako sa kanya dahil sa ginawa niya.
"Mapapaso ka. Umalis ka diyan," aniya at may kinuha sa hindi ko alam ano tawag no'n pero plato ang kinuha niya.
BINABASA MO ANG
Love and Hate Collide
Romance- Dangerous Roads Series #3 In this world that is slowly changing day after day, there's still a place that haven't change for decades. Like no signs of moving forward, of discovering new things. Iyon ang munting pangarap ni Prospy sa munting tribu...