Kabanata 14

659 30 3
                                    

Kung nakakabutas lang ang titig, matagal nang butas ang kisame sa mahigit isang oras kong pagtitig. Kung halik lang sana ang nangyari, iyon lang ang tanging tatakbo sa isipan ko ngayon. Pero hindi. Hindi lang iyon ang nangyari.

Matapos niya akong halikan, pinaalis niya ako. Hindi ko alam kung anong nangyari o anong nagawa ko. Bigla na lang siyang nag-iba matapos ang halik na 'yon. At base sa mukha niya, kitang-kita ko ang pagsisisi.

Simula no'n hindi na kami nagkausap ulit. Minsan, kapag bumababa ako at nagkita kami sa pasilyo, umiiwas siya. Maglalakad nang mabilis nang hindi man lang ako tinatapunan ng tingin. At hindi na siya tumapak pang ulit dito sa unit ko. Gano'n palagi hanggang sa umabot na... nang isang buwan.

Nagpatuloy naman ako sa pag-aaral ko at sobrang dami ko nang natutunan. At isang buwan nalang, matatapos ko na ang buong elementarya. Pero hindi ako nakukuntento. Sa gabi, ginagamit ko ang laptop ko para mag-aral pa. Galing kina Zella 'tong laptop at sila na rin ang nagturo sa akin kung paano ito gamitin. Kung ano ano na lang ang inaaral ko dahil gusto kong alisin sa utak ko ang ginawa sa akin ni Macsen.

Naiinis ako sa kanya. Unang-una, bakit niya iyon ginawa? Ang halikan ako kahit hindi ko hiningi. Oo, hindi ko itatangging may naramdaman ako sa halik na 'yon at hindi ko alam kung ano 'yon. At higit sa lahat, ang paalisin ako nang gano'n na lang.

Malalim ang bawat paghinga naming dalawa, lalo na siya. Hawak niya pa rin ako sa beywang at ang isang kamay ay nasa pisngi ko. Sa bawat buga niyang hininga ay parang gumagapang sa buong katawan ko ang init. Ang init...ng buong katawan ko.

Dahil sa sobrang lapit namin, malaya kong nakikita ng malapitan ang buong mukha niya. Ang bawat sulok, kung gaano ka ganda ang mga mata niya, lalo na ang kulay nitong magkahalo. Malaya ko ngang nakikita ang mga mata niya, pero wala akong makita.

May nakaharang at hindi ko ito mapasok.

Galing sa malumanay na mga mata hanggang sa naging dismayado. Binitiwan niya akong agad at tumayo siya palayo sa akin. Naiwan akong naguguluhan habang nakatingin sa kanyang likuran.

"Get out," aniya at kumunot ang noo ko.

Tumayo ako. "Macsen..." tawag ko, hindi ko maintindihan kung bakit pinapaalis na niya ako.

"I said, get out." Marahan pero punong puno ng pinalidad ang boses niya na para bang buong buo na ang desisyon niya.

Pagalit kong kinuha ang mga gamit ko at nagmadaling lumabas sa unit niya. Hindi ako umiyak. Galit ako. Galit na galit. Nakakainsulto ang ginawa niya sa akin. Para bang, hindi ako karespe-respetong tao. Bakit? Dahil wala akong pinag-aralan? Kulay putik ang balat ko? Hindi ako nasasapi sa mundo nila?

Kahit ano na lang ang naiisip kong dahilan para magalit sa kanya dahil wala akong nakuhang eksplenasyon. Mas mabuti pa nga siguro kung sinabi niya sa aking nandidiri siya kaya niya ako pinaalis. Pero wala. Kaya ang makita siya at makasama sa iisang lugar ay delubyo sa akin.

"Prospy! Come on. Sayaw tayo!" anyaya sa akin ni Amalia habang nagsasayawan sila. Nandito kami sa bahay nila Taiden dahil kaarawan niya. At napaka imposibleng wala si Macsen. Mas possible pa nga na wala ako kaysa siya.

Magkalayong mesa kaming mga babae sa kanilang mga lalaki at ipinagpapasalamat ko iyon. Medyo marami rin ang tao kaya nalilipat ko sa ibang bagay ang utak ko kahit na mas madalas sa walang hiyang lalaking 'yon.

Kumaway lang ako at ngumiti. Mas mabuti pang tubuan ng ugat dito sa mesa kaysa sumayaw. Nakita kong papalapit si Amalia sa mesa namin at naupo sa tabi ko, medyo pawis.
Napansin ko rin ang pagtaba niya. Matagal mula nang huli kaming magkita.

"Hindi ka nababagot? Kanina ka pa dito sa upuan. Party 'to ha, hindi simbahan."

Napatawa ako nang bahagya. "Hindi naman ako mahilig niyan," sabi ko.

Love and Hate Collide Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon