Gutom na gutom na ako dahil hindi ko nadala ang mga pagkaing kinuha ko kanina sa baba. Mas pinangunahan ako ng inis kaya ito, nagugutom na ako.
Kahit mabigat ang loob ko dahil sa pagtatalo namin kanina ni Macsen ay pinilit kong maghanap ng makakain. Binuksan ko ang ref at namili kung alin do'n ang puwedeng kainin agad.
Nakita ko ang mga itlog. Masarap sanang ilaga iyon pero natatakot akong gamitin ang stove at baka masunog ko pa ang buong gusali. Kung sana nasa amin lang ako, mabilis lang itong lutuin.
Kumakalam na ang tiyan ko at napansin ko ang mga prutas. Iyon na lang ang kinain ko. Nasa kalagitnaan pa ako ng pag-kain nang biglang tumunog ang pintuan. Narinig ko rin ang pagbukas at pagsarado nito.
Bumalik siya? Gumuhit ang saya sa dibdib ko na agad ding nawala.
"Oo na, hindi ako ang gusto mong makita. Kailangan ba talagang ipakita sa mukha?" Nilapag niya sa harap ko ang mga dala niya. "Pagkain 'yan. Alam kong gutom ka na," ngumiti si Elton sa akin.
"Paano mo nalamang gutom ako?" kuryoso kong tanong.
Nilabas niya ang mga pagkain at napahinga ng malalim. "Nautusan lang ako. Alam mo naman na siguro kong sino," may mapang-asar siyang ngiti sa labi.
Si Macsen ang nag-utos sa kanya? Bakit niya na naman gagawin iyon, e, hindi pa matagal matapos kaming magtalo?
Hindi ko pinansin ang pagkain kahit sobrang bango sa harapan ko at nakakatakam silang tikman. Iniwas ko na lang ang mga mata ko at nagpatuloy sa pagkain ng mansanas.
"Kain ka na," aya sa akin ni Elton pero hindi ako nag-angat ng tingin sa kanya. Ramdam ko ang titig niya sa akin.
"Ano bang nangyari?" kalmado niyang tanong at para bang handa siyang makinig sa mga sasabihin ko.
Ngayon sa tanong niya, tinubuan ako ng hiya dahil sa mga pinagsasabi ko kay Macsen. Ngayon ko lang naisip na tama naman talaga siya. Hindi ko 'to teritoryo, hindi ko kabisado ang mga tao dito. Dahil na rin siguro na nasa pangangalaga niya ako kaya gano'n na lang ang sinabi niya. Napagtaasan ko pa siya ng boses. Hindi ko naisip na para sa kapakanan ko lang ang sinabi niya.
Tumayo ako agad at nagulat doon si Elton, nagtataka sa ginawa ko. Itinuro ko ang mga pagkain at kumunot ang noo niyang napatangin doon.
"Puwede ko bang ibalot ang mga 'yan ulit?" tanong ko sa kanya. Mas lalo siyang nagtataka sa tanong ko.
"Dadalhin ko kay Macsen. Busog naman na ako," sabi ko dahil dalawang mansanas na ang naubos ko. Naisip ko dahil sa tanong ni Elton na hindi naman masama ang sinabi sa akin ni Macsen, pinoprotekhan niya lang ako dahil bago pa lang ako sa lugar na ito.
Kargo de konsensiya nila akong lahat kung ano mang mangyari sa akin lalo na siya dahil nandito ako sa gusali niya nakatira.
Napahawak siya sa ilong niya at umiling. "Ang sakit n'yo sa ulo," sabay tango niya at ngumiti ako agad sabay ligpit ng mga pagkain na dala niya.
"Kung ano man ang nangyari sa inyo, o kung ano man ang sabihin niya sa 'yo, huwag mong mamasamain 'yon. Hindi 'yon marunong gumamit ng mga salita kaya minsan, nami-misinterpret..."
Kumunot ang noo ko at dahan-dahang tumango. "M-is...Misinter..."
"Misinterpret," dugtong niya. "Ngayong linggo na magsisimula ang pag-aaral mo 'di ba? Kaya maintindihan mo rin 'yan," naglakad siya paalis at napatigil bago lumingon ulit sa akin. "Sana, ikaw na," aniya at umalis na agad.
Sana ako na? Anong ibig niyang sabihin?
Hindi ko na masyado inisip pa ang huling sinabi ni Elton at nagmadali na ako sa pagpunta sa unit ni Macsen. Bitbit ang mga pagkain sa kamay ko, kasabay ng kaba sa dibdib ko.
BINABASA MO ANG
Love and Hate Collide
Romance- Dangerous Roads Series #3 In this world that is slowly changing day after day, there's still a place that haven't change for decades. Like no signs of moving forward, of discovering new things. Iyon ang munting pangarap ni Prospy sa munting tribu...