Veda: 1

133 5 10
                                    

PABAGSAK kong nilapag ang espada ko sa ibabaw ng kahoy na mesa at iritadong umupo sa batong upuan. Kasunod kong pumasok ang dalawang pusa—— isang kulay abo at isang kulay itim. Pagsara ng pinto ay mabilis silang bumalik sa tunay nilang anyo. Tulad ko ay mga engkanto din sila na kung minsan ay nagpapalit ng anyo.

"Nagsayang lang tayo ng oras doon kay Pitang." Kakamot-kamot sa ulong sabi ni Kali, ang kulay abong pusa.

"Sus! Sabi sa'yo inuuto lang tayo no'n eh." Sabi naman ni Vali, ang itim na pusa.

"Aba, malay ko bang manloloko pala iyon!" Sigaw ni Kali sa kapatid nyang lalaki.

"Pwede ba?! Tumigil na kayo!" Bulyaw ko sa kanilang dalawa at pareho silang tumahimik. Mula sa gilid ng mga mata ko ay nakikita kong nagse-senyasan pa sila.

Hindi ko na sila pinansin. Masyado na akong nabubwiset! Ilang araw na akong walang kapangyarihan. At ilang araw na rin kaming naghahanap ng kung sino mang makakapag-panumbalik ng kapangyarihan ko, pero hanggang ngayon ay wala pa din.

Kung saan-saang kaharian na kami nakarating sa pag-asang may engkanto o engkantadang makakatulong sa problema ko, pero palagi kaming bumabalik na pagod lang ang nakuha. Hayyy, paano ba nangyari sa akin ang kamalasan na 'to?

Ako ang Heneral ng Pravo, ang ikalawa sa pinaka-malaking kaharian sa lupa ng mga engkanto. Pagkatapos ng malawakang pananakop namin sa ibang kaharian, nagising na lang ako isang araw na hindi magamit ang kapangyarihan ko. O mas tamang sabihin na nawala ito. Ang sabi ng isa sa mga nakatatandang engkanto namin, marahil ay dahil ito sa sobrang paggamit ko ng lakas ko.

Sinubukan na namin magpunta sa mga kilalang healer sa loob at labas ng Pravo pero wala sa kanila ang makapagsabi ng dapat kong gawin para bumalik ito.

"Tsk!" Hindi pwedeng ganito na lang ako habambuhay.

Kahit mga ordinaryong mamamayan ng Pravo ay may mga simpleng kakayahan, tapos ako na Heneral ng hukbo ay ganito na lang?

Hindi ako makakapayag!

"Pero alam nyo ba, may narinig akong interesante..."

Kanina pa nag-uusap ang magkapatid pero ngayon ko lang napansin dahil busy ako sa sarili kong iniiisip.

"Ang isa sa mga matatandang engkanto daw ng Pravo ay nakatira sa mundo ng mga tao." Patuloy ni Kali.

"Hah! Kanino mo na naman narinig 'yan?" Naka-ismid na tanong ni Vali.

"Kay tata Muring. At ang sabi nya pa, maaaring ito ang makakatulong kay Heneral Veda."

Napalingon ako sa kanila dahil sa narinig ko. Pareho silang nagulat.

"Anong pangalan ng matandang engkanto na tinutukoy mo?" Tanong ko. Umayos muna ng upo si Kali bago sumagot.

"Javen?" Tila hindi siguradong sambit ni Kali. Tinaasan ko sya ng kilay at mabilis syang tumingin sa itaas, iniiwasan ang mata ko. "Javon?"

Minsan talaga ay ang sarap sakalin ng babaeng 'to.

"Utu-uto ka talaga." Nakangising sabi ni Vali habang iiling-iling sa kapatid.

"Hindi ah! Kilala nyo si tata Muring. Bakit naman nya ako uutuin o pagsi-sinungalingan? Isa sya sa mga magagaling nating engkanto." Pangungumbinsi pa din ni Kali.

Naupo ako at nag-isip. May punto sya. Hindi si tata Muring ang tipo ng engkantong nagbibigay ng mali o walang basehan na impormasyon. Malaki ang tyansa na totoo ang sinasabi nito.

"Hindi ako sigurado sa pangalan pero ito ang sigurado ako. Ibon." Mayabang na sabi ni Kali.

"Anong ibon?" Pagtataka ni Vali na animo'y nasisiraan na ng bait ang kapatid nya.

"May pilat na hugis ibon ang mortal na taong makakapagdala sa'yo sa engkantong tinutukoy ni tata Muring." Nakangising sabi ni Kali.

Tumango-tang ako at ngumisi din.

"Wag mo sabihing—" Umpisa ni Vali. Lalong lumapad ang ngisi ko.

Tama ang iniisip ni Vali. Pupunta ako sa mundo ng mga mortal na tao.

MADALING ARAW na at naglalakad kami papunta sa malaking puno ng akasya. Iyon kasi ang lagusan na nagko-konekta sa Pravo at mundo ng mga tao. At as usual, nakasunod sa akin ang magkapatid.

Sa daan-daang myembro ng hukbo, ang dalawang ito ang masasabi kong pinaka-matapat at malapit sa akin. Marami na kaming pinagsamahang mga laban at naiintindihan ko kung bakit sila nagkaka-ganito ngayon.

"Heneral, pag-isipan mo munang mabuti." Sabi ni Vali habang tinatabas ang matataas na talahib.

"Heneral, hindi pa natin alam kung ano nga ba ang tunay nyang pangalan. M-mahihirapan kang hanapin sya." Dagdag pa ni Kali.

"Ni hindi nga din natin alam kung ano bang itsura nya eh." Naiiling na sabi ulit ni Vali. "Kasalanan mo 'to eh! Kung anu-ano kasi ang sinasabi mo." Baling nito sa kapatid nya.

Hindi naman nagsalita si Kali. Lumingon ako at mukhang naiiyak na ito. Nagpakawala ako ng malalim na paghinga at tumigil sa paglalakad.

"Kahit ano pang sabihin nyo ay buo na ang pasya ko, kaya wag na kayong magtalo, pwede ba? Naririndi na ang tenga ko." Kunwari ay naiiritang sabi ko. Napatigil na din sila sa paglalakad.

"Delikado ang gagawin mo. Delikado sa mundo ng mga tao." Sabi ni Vali.

Natawa ako ng sarkastiko sa sinabi nya.

"Sa dami ng nakaaway ko, hindi ba't mas delikadong manatili dito nang wala akong kalaban-laban?" Parang natauhan naman si Vali dahil sa sinabi ko.

"Pero—"

"Ilang beses na akong nakapunta sa mundo ng mga tao. Nakuha ko na nga ang ibang pananalita nila. Walang mangyayaring masama sa akin na hindi pwedeng mangyari sa akin dito sa Pravo." Paliwanag ko.

Nakita kong nagpunas ng luha si Kali, habang napabuntong-hininga na lang si Vali.

"Kailangan kong gawin 'to para sa sarili ko." Patuloy ko pa.

"Hindi ba kami pwedeng sumama?" Tanong ni Vali. Umiling ako.

"Kayo lang ang mapagkakatiwalaan ko dito habang wala ako. Bantayan nyo ang hari at reyna." Sabi ko.

Tumalikod si Vali at sinipa ang batong nasa paanan nya.

"Mag-iingat ka, Heneral Veda." Sabi ni Kali.

Tumango lang ako at nagpatuloy na sa paglalakad. Hanggang makarating kami sa puno ng akasya ay wala na ulit nagsalita. Halatang masama ang loob ni Vali pero wala akong magagawa. Hindi ko sila pwedeng isama at hindi pwedeng hindi ko subukan.

Kahit anong mangyari sa akin sa labas ng lupa ng mga engkanto, ako ang may gawa no'n. Pero hindi ako mananatili dito nang walang ginagawa.

Veda: Engkanto Series 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon