ANG AKALA ko ay sa palengke na kami didiretso, pero hindi pala. Umuwi muna daw ako sa bahay nila sabi ng matandang babae na tawagin ko na lang daw na lola Tasya. Magpahinga muna daw ako ng maayos doon at maligo.
Siguro nga ay dumi na talaga ng itsura ko, kaya kahit si lola Tasya ay hindi na masikmura.
Pinasama ni lola Tasya sa akin ang apo nyang si Jaqui, iyong maputing bilugan ang mukha. Ang isa nya pang apo na babae na si Jazi ay isinama nya sa palengke.
Pagdating sa bahay ay agad na itinuro sa akin ni Jaqui ang magiging kwarto ko. Nasa ikalawang palapag iyon ng bahay. Limang kwarto ang nasa palapag na iyon, ayon kay Jaqui. Isa sa kanya, kay Jazi, kay lola Tasya at sa akin. Ang isa ay bakante.
"Doon naman sa baba ay may dalawang kwarto pero nirerentahan 'yon ng dalawang tindero din sa palengke." Paliwanag ni Jaqui habang naglalakad kami sa hagdan.
Tinuro nya ang dalawang pinto sa dulo. Tumango-tango lang ako dahil ang totoo ay wala naman akong pakialam. Magtatrabaho at matutulog lang naman ako dito habang nag-iisip ng paraan kung paano mahahanap ang engkantong hinahanap ko.
"Dito ang banyo. Dalawa lang ang banyo kaya naman salitan sa paggamit." Daldal pa din ni Jaqui. Binuksan nya ang ilaw at sinenyasan akong pumasok na.
Inabot nya sa akin ang ilang piraso ng tela.
"Iyan munang kay ate Jazi ang gamitin mo. Mukhang kakasya naman sa'yo." Sabi nya.
"Sige." Iyon lang ang nasabi ko at isinara ko na ang pinto ng banyo.
Mabilis din naman akong natapos sa paliligo dahil wala naman kahit anong bulaklak doon na pwede kong gamitin pang-linis ng buhok ko. Napaisip tuloy ako kung hindi ba naglilinis ng buhok ang mga tao.
Pero nang lumapit si Jaqui ay napansin ko ang nakapusod nitong buhok na makinang. Ano kayang bulaklak ang gamit nya?
Bago ko pa maitanong ay hinila nya ako papasok sa isang pasilyo.
"Kumain na muna tayo. Sigurado gutom ka na." Sabi nya at pagpasok namin sa kusina ay nag-angat ng tingin ang dalawang lalaki na kumakain doon.
Nabitawan ng isang lalaki ang kutsara nya at napanganga naman ako sa pagkabigla.
Anong ginagawa ni Geo dito??
"B-bakit kasama mo 'yan, Jaqui?" Halatang gulat na tanong ni Geo.
Putok ang gilid ng labi nito at may nakatapal na maliit na bagay sa ilong. Siguro ay doon ito napuruhan kahapon. Napa-ismid ako. Buti nga sa'yo, sa isip ko.
"Magkakilala ba kayo, kuya Geo?" Tanong ni Jaqui. Mas lalo akong nagulat sa tinawag ni Jaqui kay Geo.
"Kuya? Magkapatid kayo?" Kunot-noong tanong ko.
Natawa si Jaqui sa tanong ko bago umiling.
"Hindi, ate. Sila 'yong tinutukoy ko kanina na nagrerenta sa dalawang kwarto. Si kuya Geo at kuya Adler." Pagpapakilala ni Jaqui sa dalawa.
Sabagay, ay wala silang pagkaka-hawig na dalawa. Maganda si Jaqui, hindi ko sinasabing pangit si Geo. Sige, gwapo din naman sya pero hindi nga sila magkamukha o magkahawig man lang.
Pero teka, ibig-sabihin dito nakatira si Geo? Napapikit ako nang mariin. Kung minamalas ka nga naman talaga, napalapit pa sa peste.
Hindi kaya nilalapit talaga ako ng tadhana kay Geo para mahanap ko na ang engkantong pakay ko? Tama. Maaaring gano'n nga. Tiningnan ko si Geo na kunot-noong nakatingin sa akin.
"Ang sabi ni lola, dito muna titira si ate... ano nga pala ang pangalan mo?" Maya-maya ay tanong ni Jaqui.
"Clara." Mabilis na sagot ko. Hindi ko gustong sabihin ang totoo kong pangalan kaya naman mabilis akong nag-isip ng pekeng pangalan.
"Dito muna titira si ate Clara. Makakasama din natin sya sa palengke." Patuloy ni Jaqui.
"Ha? Bakit? Ano naman ang gagawin nya don?" Sunud-sunod na tanong ni Geo na halatang tutol sa ideya na 'yon.
"Syempre tutulong. Bakit, kuya, ayaw mo ba?" Nagtatakang tanong ni Jaqui. Pati ang katabi ni Geo na si Adler ay mukhang nagtataka din.
Hindi naman sumagot si Geo at nagpatuloy sa pagkain.
"Hala! Naiwan ko nga palang nakabukas ang mga ilaw sa itaas. Magagalit si lola nito." Bulalas ni Jaqui sabay takbo. "Babalik ako!" Sigaw nito habang papalayo.
Naiwan akong nakatayo sa harap nila Geo. Asiwang ngumiti sa akin si Adler.
"Upo ka." Sabi nito habang tinuturo ang upuan sa tapat nila.
Naupo ako doon habang nakatitig kay Geo na mukhang nawalan na ng gana sa pagkain. Pinipilit nitong iwasan ang tingin ko pero sa huli ay bumigay din ito.
"Ano? Bakit ka nakatingin?" Sigang tanong nya. Siniko sya ni Adler pero hindi nya ito pinansin.
Sige, tutal ay nandyan ka at nandito ako, gagamitin kita para mahanap ang engkantong kailangan ko para maibalik ang kapangyarihan ko.
Nginisian ko sya pero hindi ako sumagot.
"Sabi ko sa'yo eh. Baliw 'yan. Iyan 'yung kinu-kwento ko sa'yo kahapon." Sabi nya kay Adler sabay subo ng pagkain na hindi ko alam kung ano.
Nagliwanag naman ang mukha ni Adler.
"Ah! Sya 'yung tumulong sa'yo!" Natatawang sabi nito. "Salamat sa pagtulong mo sa kaibigan ko. Madalas talaga itong nasasabit eh." Dagdag pa ni Adler habang hindi nawawala ang ngiti.
Nasasabit? Anong ibig nyang sabihin? Lagi ba syang may kaaway?
"Anong tulong? Hah!" Pasigaw na sabi ni Geo. "Kung hindi 'yan nakialam, nabugbog ko 'yung tatlo na 'yun."
Napangisi ako sa kayabangan nya.
"Kung wala ako doon, baka pinaglalamayan ka na ngayon." Sabi ko. Nabulunan sya sa kinakain nya pero nanahimik na.
"Sabi ko naman sa'yo, pre, tigilan mo na kasasama sa grupo nila Nato. Pati 'yang pagsali mo sa underground fighting." Sermon ni Adler sa kaibigan.
"Underground fighting?" Usisa ko. Biglang tumayo si Geo dala-dala ang plato nya.
"Wala ka na do'n." Sabi sa akin sabay alis.
BINABASA MO ANG
Veda: Engkanto Series 3
FantasyPagkatapos ng mahabang laban sa pagitan ng Pravo at Luvac, nawala ang lahat ng kapangyarihan ni Veda. Hindi sya pwedeng mabuhay ng wala ito dahil sya ang heneral ng kanilang hukbo, sya ang inaasahan ng kanilang kaharian para mamuno sa mga laban. Sa...