Veda: 13

28 3 0
                                    

"CONGRATS!" BATI ng mga kaibigan ni Geo nang lumabas sya mula sa event hall. Putok ang labi at kilay, may pulang marka sa kanang mata at balot ng benda ang kanang binti.

Sigurado pati sa iba't-ibang parte ng katawan nya ay may mga pasa syang sumasakit. Pero parang hindi nya naman iniinda ang mga 'yon. Masaya syang bumati din sa lahat ng mga nakakasalubong na bumabati sa kanya.

May ilan pa ngang babae na nagpakuha ng litrato kasama sya.

"Geo!" Tawag ko sa kanya matapos silang magkuhaan ng litrato. Nagsimula syang maglakad papunta sa direksyon ko. "Ang galing mo kanin—"

Hindi ko natapos ang sinasabi ko dahil hindi nya ako pinansin. Nilampasan nya lang ako at diretsong naglakad. Hinabol ko naman sya agad.

"M-masakit ba ang mga sugat mo? O baka nagugutom ka?" Tanong ko.

"Hindi."

Kung kanina ay ang lapad ng ngiti nya sa mga nakakasalubong, bigla naman naging malamig ang pakikitungo nya sa akin. Napatigil ako sa paglalakad dahil sa pagka-gulat sa pagbabago ng asal nya at pinanood ko syang maglakad palayo. Nilapitan nya si Adler at masaya silang nagbatian.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig.

Anong nangyari? May nagawa ba ako?

Gusto ko syang habulin at batukan, itanong kung may nagawa ba ako pero tila nakadikit ang mga paa ko sa kalsada.

Bakit ganito kasakit sa akin na nagawa nya akong hindi pansinin?

Pagdating sa bahay ay hindi nya pa din ako pinapansin. Sinalubong sya nila lola Tasya, Jaqui at Jazi na masayang-masaya sa pagka-panalo nya. Ipinalabas daw pala sa TV ang laban nila kaya naman nakapanood din sila.

Hinayaan ko na sila sa kasiyahan nila at dire-diretso nang umakyat sa kwarto. Magpapahinga na lang ako kung ayaw nya akong kausapin. Nagpalit ako ng damit at tahimik na nahiga sa kama.

Pumikit ako para matulog pero magha-hatinggabi na ay hindi pa din ako dalawin ng antok.

"Kainis!" Sigaw ko sa hangin sabay bangon.

Hindi mawala sa isip ko ang itsura ni Geo kanina. Pati ang tono ng boses nyang napaka-lamig ay hindi rin makalimutan ng utak ko.

Padabog akong bumangon at binuksan ang pinto para sana kumuha ng inumin, pero laking gulat ko nang si Geo ang nabungaran ko doon.

Nakataas ang isang kamay nya na animo'y kakatok sa pintuan ko. Hindi ko tuloy alam kung isasara ko ba ang pinto para maka-katok sya o lalabas ako at hindi din sya papansinin. Bago pa ako makapag-desisyon ay pumasok na sa loob ng kwarto ko si Geo.

"A-anong ginagawa mo?" Kabadong tanong ko nang ilock nya ang pinto.

Sumandal sya doon at tumingin sa akin. Ilang beses syang humugot ng malalim na hininga. Sa itsura nya ay parang may gusto syang sabihin na hindi nya alam kung dapat nya bang sabihin.

"Geo?" Naiilang na ako sa tingin nya.

Bigla nyang kinuha ang dalawang kamay ko at tumingin sa sahig. Ang lamig ng mga kamay nya.

"Sorry." Bulong nya.

"Ha?"

"S-sorry sa inasal ko kanina. Mali ako, Clara. Ininvite kita doon tapos ay sinungitan kita. N-nahihiya ako sa inasal ko." Pautal-utal na sabi nya.

"Ah, iyon ba? Wala 'yon." Kunwari ay wala lang pero ang totoo ay iyon ang dahilan kaya hindi ako makatulog.

At ngayon na nandito na sya sa harap ko, wala naman akong lakas ng loob na itanong sa kanya ang dahilan. Binawi ko ang kamay ko at lumayo ng konti sa kanya.

"Ang totoo nyan..." Umpisa nya. "Hindi ako makapag-focus dahil sa'yo."

Nagtataka akong nag-angat ng tingin sa kanya. Sinalubong nya naman ang tingin ko.

"Sa akin? Bakit, may nagawa ba ako?"

Ilang beses syang lumunok at nakita ko ang pagkagat nya sa ibabang labi nya.

"Nababaliw na yata ako, pero ayokong tumitingin ka sa iba." Bulalas nya.

Napaawang ang mga labi ko dahil sa sinabi nya. Hindi agad ito rumehistro sa utak ko.

"Ano?"

"Kung sinu-sino ang tinitingnan mo kanina habang nakikipag-laban ako. Hindi ko maiwasan tingnan kung sino bang sinisilip mo. Hindi ako makapag-focus." Paliwanag nya.

Kung gano'n... kaya panay ang bagsak nya at kaya muntik na sya matalo ay dahil sa akin? Bakit?

"Gusto ko sa akin lang ang atensyon mo, Clara. Sa akin ka lang tumingin." Diretsong sabi nya.

Hindi ko namalayan na napasapo na pala ang kamay ko sa dibdib ko at ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko doon. Ilang minuto kaming nakatayo at nakatingin lang sa isa't-isa.

"Clara." Basag nya sa katahimikan. "Magsalita ka naman. Para na akong tanga dito." Dagdag nya.

Iniwasan ko ang tingin nya. Tumingin ako sa sahig, sa pinto, sa pader. Kahit saan wag lang sa mukha nya. Para akong mawawalan ng hininga.

"P-pero..." Sabi ko na nanginginig ang boses. Tumikhim ako at sinubukan ulit. "Pero wala naman akong sinisilip o tinitingnan na iba."

Teka, bakit parang mali? Pakiramdam ko ay kasintahan ko syang pinagtaksilan ko. Nag-init ang mukha ko dahil sa naisip ko.

"Alam ko. At isa pa, pinalakas mo ang loob ko kanina noong nilapitan mo ako sa ring. Salamat at nagpunta ka." Sabi nya.

Tumango lang ako. Hindi ko na alam ang sasabihin.

"Hindi ka na ba galit?" Tanong nya habang kakamot-kamot sa batok nya.

"Hindi naman." Sagot ko. Agad syang ngumiti at bumalik na ang makulit na Geo na kilala ko.

"Plano ko nga palang bumisita sa pamilya ko sa probinsya. Gusto sana kitang isama." Masayang sabi nya.

"Ha? Bakit naman ako sasama? Isa pa, baka hindi ako payagan ni lola Tasya dahil may trabaho—"

"Pinag-paalam na kita. Bukas ng umaga ang alis natin, okay? Sige, magpahinga ka na. Goodnight, Clara." Sunud-sunod na sabi nya at lumabas ng kwarto ko.

Naiwan na lang akong nakatulala doon. Naguguluhan kung ano bang nangyari.

Veda: Engkanto Series 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon