Veda: 4

42 4 10
                                    

INABUTAN NA ako ng malakas na ulan sa kalsada. Madilim na din at halos wala ng tao sa labas. Sumilong ako sa isang malaking puno ng mangga pero hindi sapat iyon para manatili akong tuyo.

"Malas." Bulong ko sa sarili ko.

Una ay nagsayang ako ng oras sa Geo na 'yon. Tapos ngayon ay inabutan naman ako ng ulan. Bwiset na buhay 'to!

Napatingin ako sa langit, malakas pa din ang buhos ng ulan. Mukhang matatagalan bago pa ito tumila. Kailangan kong maghanap ng matinong masisilungan.

"Ay, susmaryosep!" Dinig kong bulalas ng isang boses. Paglingon ko sa pinagmulan no'n ay nakita ko ang isang may-edad na babae na nakaluhod sa kalsada.

Mabilis ko syang nilapitan. Tumapon ang dala nyang mga prutas at pinupulot nya iyon isa-isa.

"Salamat, hija." Sabi ng matanda nang tulungan ko sya sa pagpupulot. "Malas na ulan, kung kailan ako hindi nagpasundo ay tsaka naman bumuhos nang malakas." Sabi nito.

Tuloy lang ako sa pagdampot hanggang mailagay ang lahat sa dala nyang malaking bayong.

"Magpatila muna ho kayo ng ulan." Payo ko sa kanya sabay turo sa puno na pinagtataguan ko kanina. Umiling sya.

"Naku, hindi na. Basa na din naman ako at isa pa, malapit na ang bahay ko dito." Sabi nya. Binuhat nya ang bayong na dala na mukhang mas mabigat pa sa kanya.

Maliit at payat na babae kasi sya. Isa pa ay may edad na kaya talagang mahihirapan sya. Kinuha ko ang bayong na dala nya at binuhat iyon.

Kailan pa ako naging mapag-kawanggawa?

"Saan ho ba ang bahay nyo?" Tanong ko imbes na sabihin ang nasa isip ko. Nakangiti nya naman na tinuro ang daan.

Tama nga sya, malapit lang ang bahay nya. Ilang minuto lang ay nasa tapat na kami ng isang bahay na may kalakihan. Sa tingin ko ay dalawang palapag ang bahay na ito. Ibinaba ko sa tapat ng pinto ang dala kong bayong.

"Salamat, hija. Taga-saan ka ba? Pumasok ka muna kaya at magpatila ka ng ulan sa loob?" Alok nito.

Nagtalo ang isip ko ng ilang segundo. Kailangan ko ng matutuluyan pero mas umiral ang pride ko bilang isang Heneral. Hindi ko kailangan ng tulong o ano mang kawanggawa galing sa mortal na tao.

Kaya naman imbes na tanggapin ang alok nito ay nagpanggap akong may uuwian at nagpaalam na ako.

Ilang minuto akong nagpalakad-lakad sa gitna ng ulan hanggang sa unti-unti itong tumila. Sa wakas. Naupo ako sa isang mahabang upuan na yari sa kahoy at agad akong nakaramdam ng pagod.

Kung nasa Pravo ako, masarap sana ang tulog ko sa sarili kong kwarto. Iyon ang mga bagay na bihira kong maranasan dahil madalas ay nasa labanan kami ng aking hukbo.

Tama, iisipin ko na lang nasa laban ako ngayon. Mas malala pa nga dito ang mga naranasan ko noon. Ang kaibahan nga lang ay may kapangyarihan ako ng mga panahon na 'yon.

Ngayon ay wala.

Nahiga ako sa upuang kahoy at pumikit. Magiging maayos din ang lahat, sa isip ko at nagpatangay na sa antok.

Putok na ang araw nang magdilat ako ng mata, pero imbes na araw ang makita ko ay tatlong pares ng mga mata ang nakatingin sa akin.

"Hija, dito ba ang uuwian na sinabi mo?" Usyoso ng matandang babae. Ito yung matandang tinulungan ko kagabi.

May kasama syang dalawang babae na mas maliit sa akin at mukhang mga bata pa.

"Sya ba yung kinukwento mo kagabi, lola?" Tanong ng maputing babae na naka-pusod ang itim na buhok.

Bilugan ang mukha at mga mata nito na nagni-ningning ang tingin sa akin.

"Ang ganda mo naman. Bakit dito ka natutulog? Nawawala ka ba?" Tanong ng isa pang babae na medyo kayumanggi ang balat at hugis puso ang mukha.

May nawawala pero hindi ako, kundi ang kapangyarihan ko.

Pero imbes na sabihin iyon ay umiling lang ako.

"Aysus kang bata ka. Sana ay sa bahay ka na lang nagpalipas ng gabi. Delikado sa lugar na 'to lalo't babae ka pa naman." Sabi ng matandang babae na mukhang stress na. "Taga-saan ka ba?" Tanong nito ulit.

Hindi ko alam ang isasagot. Hindi ko naman pwedeng sabihin na taga-Pravo ako, isang kaharian sa lupa ng mga engkanto. Bukod sa hindi nila dapat malaman na engkanto ako, eh hindi rin naman nila alam kung saan ang Pravo.

"Hmm. Naglayas ka siguro 'no?" Taas-kilay na tanong ng babaeng hugis ang mukha pero bakas ang tinatagong ngiti sa labi nya.

"Hindi ah!" Mabilis na tanggi ko. Tuluyan na itong natawa.

"Lumayas ka siguro para makipagtanan sa boyfriend mo 'no?" Singit ng maputing babae.

Boyfriend? Nobyo? Ni hindi pa nga ako nagkaka-nobyo, kanino naman ako makikipag-tanan??

"Puro kayo kalokohan magkapatid. Tumigil na kayo." Awat ng lola nila. Mabuti naman dahil baka sakalin ko na ang dalawang apo nya. "May tutuluyan ka ba? Iyong totoo." Tanong nito habang nakatingin sa mga mata ko.

Hindi naman talaga ako sinungaling kaya umiling ako.

"Sya sige, halika na." Sabi nito at akmang tatalikod na pero dali-dali akong tumayo.

"Hindi po ako tumatanggap ng libreng tulong." Matigas na sabi ko at pare-pareho silang napatingin sa akin dahil sa sinabi ko.

"Pero ikaw pwede tumulong ng libre?" Tanong nito nang makabawi.

Ako naman ang nabigla. Hindi ko inaasahan na ibabalik nya sa akin iyon. Tama sya, kaya kong tumulong nang walang kapalit pero kapag sa akin, pakiramdam ko ay ang laking kasalanan sa sarili ko.

Napangiti nang matipid ang matanda sabay iling. Iniwasan ko ang tingin nito.

"Pwede mo kaming tulungan sa palengke hangga't sa amin ka nakatira at hindi mo pa gustong umuwi sa inyo, kung naglayas ka nga." Maya-maya ay sabi nito.

Tiningnan ko ang matandang babae nang kunot-noo, sinisipat kung seryoso ba ito sa sinasabi nito. Pero nakangiti lang ito sabay naglakad na palayo.

"Tara na."

"Sigurado ay marami ng tao sa palengke." Yakag sa akin ng magkapatid.

Veda: Engkanto Series 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon