Veda: 15

27 2 0
                                    

"CHARLES, PRE!" Masiglang bati ni Geo sa bisita nya nang lumabas sya sa sala nila. Ngumiti ng matipid ang lalaking tinawag nyang Charles.

Charles? Kung gano'n ay nagtatago din pala sya sa ibang katauhan. Napaisip tuloy ako kung ito ba ang tunay nyang anyo o binago nya ang panlabas nyang itsura para humalo sa mga mortal na tao.

Tulad ni Geo ay matangkad ito, pero mas matangkad ng isa o dalawang pulgada siguro si Geo. Maputla ang balat nito na parang bihira maarawan. Ang buhok din ay iba ang kulay, parang abo.

"May kasama ka pala, Geo." Sambit ni Charles pero hindi inaalis ang mga mata sa akin. Mabilis naman akong nilapitan ni Geo.

"Clara, si Charles nga pala. Sya 'yong kababata ko na nai-kwento ko sa'yo dati." Pakilala ni Geo sa kaibigan.

Lalo lumakas ang pakiramdam ko na sya nga si Javin. Sya ang nagbigay kay Geo ng peklat na hugis ibon. Hindi pa din inaalis ni Charles ang tingin nya sa akin, parang pinag-aaralan nya ang bawat anggulo ng mukha ko.

"Pre, si Clara nga pala. Uh, k-kaibigan ko sa Maynila."

"Clara." Ulit ni Charles sa pangalan ko, at kung hindi ako namamalik-mata ay sigurado akong nginisian nya ako.

Bahagyang kumunot ang noo ko. Tiningnan ko si Geo na hindi aware sa tensyon na namumuo. Nakangiti lang sya doon na parang baliw. Pero mabuti na din iyon dahil kung magtatanong man sya kung anong nangyayari ay wala din akong isasagot sa kanya.

"Tamang-tama ang uwi mo. May kasiyahan bukas sa bahay nila mang Tonyo, nakapasa kasi bilang doktor ang anak nya at iniimbita tayo." Nakangiting sabi ni Charles.

"Gano'n ba? Siguradong maraming tao nyan. Anong oras daw ba?" Tanong ni Geo.

"Alas-syete. Pumunta kayo ha, isama mo din si Clara para makilala ng ibang mga kaibigan natin." Sabi nito at muling bumaling sa akin. Pinilit kong ngumiti kahit na alanganin.

"Sige, pre. Pupunta kami." Si Geo. Tapos ay nagpaalam na din agad si Charles.

May maliit silang bakod, ilang hakbang mula sa mismong bahay, at hanggang doon ay hinatid nya si Charles. Nang medyo makalayo ito ay sumunod din ako sa labas.

"Mukhang iba ang tingin sa'yo ng kaibigan ko ah." Nakangising sabi ni Geo na nasa harap ko.

"A-ano?" Pagpapatay-malisya ko. Napansin ba nya? Alam ba nya? Bigla akong kinabahan sa ideyang baka nga alam nya.

"Siguro ay nagandahan sa'yo. Na-love at first sight."

Napataas ang dalawang kilay ko dahil sa sinabi nya.

"Ano??" Natawa ako sa sinabi nya pero unti-unti ding naglaho iyon nang makita kong seryoso syang tumingin sa akin. "Ano bang sinasabi mo dyan? Naapektuhan ba ng mga suntok 'yang utak mo?"

"Sabagay, mahal mo pa nga pala ang ex mo kaya imposibleng magkagusto ka sa iba, di ba?" Nakangusong tanong nya sabay talikod sa akin. Akmang papasok na sya sa bahay nang magsalita ako.

"Anong ex ba ang sinasabi mo? Ni hindi pa nga ako nagkakaroon ng nobyo!" Inis na sabi ko sa kanya. Natutop ko ang bibig ko nang lumingon sya ulit sa akin na parang hindi makapaniwala sa sinabi ko.

"Pero sabi mo... kamukha ko ang ex mo na hinahanap mo?"

Inikot ko ang mga mata ko at tsaka bumuntong hininga.

"Ikaw lang ang nagsabi nyan." Bulong ko pero sapat pa din para marinig nya. Dali-dali syang lumapit sa akin.

"Ibig mong sabihin, may pag-asa kung liligawan ka ni Charles?" Tinulak ko sya palayo dahil sa kalokohan na sinasabi nya.

"Ano ba 'yang sinasabi mo? Nahihibang ka ba?"

"Eh a-ako?" Patuloy nya na parang kinakabahan. Naguluhan naman ako sa ibig nyang sabihin.

"Anong ikaw?"

"Kung ako ang... m-manliligaw sa'yo, may pag-asa ba ko?" Tanong nya sabay lapit ulit sa akin.

Sa pagkakataong ito ay nakatingin sya nang diretso sa mga mata ko at pareho kaming hindi kumukurap man lang. Pakiramdam ko ay tumigil ang oras pero nararamdaman ko pa din ang bilis ng tibok ng puso ko. Parang hindi ako makahinga sa sobrang bilis nito.

"Geo..." Sambit ko sa pangalan nya pero hindi ko na alam ang dapat na isunod.

"Nagugustuhan na kita, Clara. Kung totoong wala kang ibang mahal o nagugustuhan, payag ka bang manligaw ako sa'yo?"

Bigla akong nasamid dahil sa sinabi nya. Hindi ko akalain na ganito sya ka-diretso magsabi ng nararamdaman nya. Hindi ko alam ang sasabihin! Mag-isip ka, Veda!

Binuka ko ang bibig ko para magsalita pero wala akong maisip na sabihin. Parang nabura ang lahat ng salitang alam ko at na-estatwa na lang ako doon.

"Hindi pa din ako nagkakaroon ng girlfriend, pero sisiguraduhin kong magiging mabuti ako sa'yo." Tuloy pa nya.

"Pero Geo—"

Bago pa ko makapagsalita ng kahit ano ay bigla nya nang kinuha ang isang kamay ko. Nagpapawis ang palad ko pero parang hindi nya naman iyon napansin.

"Okay. Pumayag ka na." Nakangiting sabi nya sabay hila sa akin. "Pumasok na tayo sa loob."

Wala na akong nagawa kundi magpatangay sa kanya pabalik sa bahay nila.

Anong nangyari? Pumayag ba akong magpaligaw kay Geo? Sa isang tao??

Veda: Engkanto Series 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon