"SIGE, LAPIT!" Nanghahamon na sabi ni Geo habang sinesenyasan ang mga kaaway.
Nginisian sya ni Nato bago sumugod ulit kasabay ang dalawa pa nitong kasama. Naging mabilis ang mga pangyayari. Pareho silang nagpakawala ng mga suntok at sipa. Ilang beses tinamaan ni Geo ang talo pero tatlo sila at nag-iisa lang sya.
Lalong naging hindi patas ang laban nang umunday ulit ng saksak si Nato. Nakita ko ang pagtulo ng dugo ni Geo mula sa nadaling braso nya na ginamit nyang pang-depensa.
Napangiwi sa sakit si Geo pero hindi iyon naging dahilan para bumagal ang kilos nya. Sinunggaban nya si Nato at pareho silang natumba sa lupa.
"Sige, puruhan mo!" Bulong ko mula sa pinagtataguan ko. Hindi ko namalayan na masyado na pala akong nadadala ng mga pangyayari. Dapat na akong umalis. Hindi naman ito ang ipinunta ko dito eh.
Tatalikod na sana ako pero naalala ko ang pilat sa likod ni Geo. Posibleng sya nga ang tinutukoy ni tata Muring pero paano ako makakasigurado? Sinilip ko ulit sila at nakita kong pinagtutulungan na sya ng tatlo.
"Eh ano naman kung pagtulungan sya ng mga yan? Kung sya man ang tinutukoy ni tata Muring, hindi bale na. Kaya kong hanapin ang pakay ko nang mag-isa. Hindi dapat ako makisali sa gulo ng mga tao."
Bumuntong-hininga ako. Bakit ko ba kinukumbinsi ang sarili ko? Bakit pakiramdam ko ay ang laking kasalanan kung hahayaan ko na lang syang mamatay dito gayong hindi naman kami magkakilala? Kung isa sya sa myembro ng aking hukbo ay walang pagdadalawang-isip na tutulungan ko sya pero...
"Aaahhh!" Napatigil ako nang marinig ko ang sigaw na 'yon. Nakita ko ang patalim ni Nato na malapit nang malaslas ang leeg ni Geo.
"Mukhang ito na ang magiging libingan mo, Geo." Nakangisi na parang demonyo si Nato. Tatawa-tawa naman ang dalawang kasama nito na nakahawak sa kamay at paa ni Geo.
Akmang ididiin ni Nato ang patalim kaya naman mabilis akong dumampot ng malaking bato.
"Bahala na!" Sigaw ko sabay takbo palapit sa apat. Kahit wala ang kapangyarihan ko ay may natural akong liksi kaya naman mabilis akong nakalapit sa kanila.
Pinukpok ko sa ulo ni Nato ang bato na hawak ko at wala na itong panahon para makapag-react dahil agad itong nawalan ng malay. Napatayo sa gulat ang kalbo habang ang matangkad na payat ay dinaluhan ang lider nila.
"Sino ka?!" Tanong ni kalbo. Hindi ko sya pinansin.
"Tayo!" Utos ko kay Geo na mukhang naguguluhan pa din sa nangyari. "Bilis!" Dagdag ko at noon lang sya kumilos.
"Aha! Nagdala ka pa ng back-up ha?" Nakangising sabi ni kalbo. Nginisian ko din sya.
"Ano? Sugod na." Sabi ko at ganon nga ang ginawa ni kalbo. Mas mataas sya sa akin at higit na mas malaki ang katawan pero hindi sya uubra sa akin.
Iyon ang akala ko.
Hinarangan ko ang suntok nya at mabilis akong lumipad palayo. Paanong...
Pati ang pisikal na lakas ko ay wala? Ramdam ko ang sakit ng likod ko dahil sa pagbalandra ko sa lupa. Gulat na nakatingin si Geo sa akin pero hindi ko sya pinansin. Tumayo ako at sumugod. Sinipa ko si kalbo at tinamaan naman ito, pero parang hindi ito nasaktan man lang sa ginawa ko.
Napanganga ako sa gulat nang hawakan nito ang binti ko. Bago pa makabawi si kalbo ay tinadyakan ni Geo ang tagiliran nito. Nang humagis ito ay hinawakan ni Geo ang braso ko.
"Takbo!" Sigaw nya at sabay kaming tumakbo. Hindi na ako nakapiglas dahil kahit ako ay nagulat sa nangyari.
Paano nangyari 'to? Paanong nawala sa akin lahat ng lakas ko? Pati ang pisikal na lakas ko? Napatigil ako sa pagtakbo. Paano kung hindi totoo ang engkantong sinasabi ni tata Muring? Paano kung wala naman palang makakatulong sa akin? Paano kung habambuhay na akong walang silbing Heneral?
Napahawak ako sa dalawang tuhod ko. Pakiramdam ko ay masusuka ako dahil sa dami ng tanong na tumatakbo sa isip ko.
"Bilisan mo!" Sabi ni Geo sabay hablot ulit sa braso ko. Tiningnan ko sya nang masama at tinanggal ang kamay nya. Rumehistro ang gulat sa mukha nya pero agad iyong napalitan ng inis.
"Maaabutan nila tayo dito. At kapag naabutan nila tayo, pareho tayong mayayari." Sabi nya pero hindi ako natinag sa kinatatayuan ko.
"Umalis ka na." Mahinang sabi ko.
Humarap sya sa akin sabay hablot sa sariling buhok nya.
"Hindi pa ligtas—"
"Ang sabi ko umalis ka na! Wala ka naman maitutulong sa akin eh!" Bulyaw ko sa kanya. Paano kung kasinungalingan lang pala ang tungkol sa pilat na ibon? Nagsayang lang ako ng panahon para tulungan sya.
Naka-awang ang bibig ni Geo dahil sa gulat. Ilan beses syang umatras-abante at nagkamot sa kilay nyang makapal na parang linta.
"Teka nga." Panimula nya. "Sino ka ba? Wala akong maitutulong sa'yo? Oh bakit ka nakialam sa away namin tapos ngayon parang may utang na loob pa akong dapat bayaran sa'yo?" Halata sa tono ng boses nya ang pagka-irita.
Pero wala akong pakialam. Naiinis din ako!
"Maghiwalay na tayo!" Sigaw ko at lalong umasim ang mukha ni Geo sa sinabi ko.
"Anong maghiwalay? Girlfriend ba kita??" Sarkastikong tanong nito.
Tulad ng sinabi ko noon, hindi na ako baguhan sa mundo ng mga mortal na tao kaya naman pamilyar na akong sa ibang mga salita nila. Alam ko ang girlfriend. At kung umasim ang mukha ni Geo sa sinabi ko, ako naman ay parang maduduwal dahil sa sinabi nya.
"Maghiwalay ng landas!" Sigaw ko ulit sabay martsa palayo sa kanya.
"Hah! Talaga! Akala mo naman pipigilan kita. SIge, bumalik ka kina Nato!" Sigaw nya pabalik at naglakad patungo sa kabilang direksyon.
Nakasimangot ako habang naglalakad. Hindi ko na alam kung saan-saan ako lumusot. Basta naglakad lang ako hanggang sa makarating ako sa sementadong kalsada. Paglabas doon ay lalo kong naramdaman na malayo na talaga ako sa Pravo. Mausok ang kalsada dahil sa mga maitim na usok ng mga sasakyan. Maraming tao ang abala sa pagparoon at parito. May mga batang naghahabulan at ilang mga tambay na naninigarilyo sa gilid ng daan.
Habang naglalakad ako ay palinga-linga ako sa mga tao. Ganon din naman ang ibang tao, pinagmamasdan nila ako. Siguro ay para akong batang paslit na nawawala sa paningin nila. Pero hindi naman iyon nalalayo sa katotohanan. Pakiramdam ko ay nawawala ako sa malawak na mundo ng mga tao.
"Saan ako mag-uumpisa maghanap ngayon?"
BINABASA MO ANG
Veda: Engkanto Series 3
FantasyPagkatapos ng mahabang laban sa pagitan ng Pravo at Luvac, nawala ang lahat ng kapangyarihan ni Veda. Hindi sya pwedeng mabuhay ng wala ito dahil sya ang heneral ng kanilang hukbo, sya ang inaasahan ng kanilang kaharian para mamuno sa mga laban. Sa...