HINDI KO alam kung bakit, pero pagkatapos ng pag-amin sa akin ni Geo ay mas lalo akong nailang. Sa bawat kilos ko, sa bawat pag-uusap namin tungkol sa mga simpleng bagay lang naman, sa bawat tingin nya sa akin. Noon ay wala din naman akong pakialam kung ano bang itsura ko sa maghapon, pero ngayon ay hindi ko maiwasan mapatingin sa maliit na salamin na nakasabit sa pader sa tuwing madadaanan ko ito.
Ano bang nangyayari sa akin? Posible bang magka-gusto din ako kay Geo?
Napatigil ako sa pag-aayos ng buhok nang pumasok sa isip ko 'yon. Tumalikod ako sa repleksyon ko at madiin na tinikom ang bibig ko. Iniisip ko ang mga posibilidad nang biglang sumulpot sa harap ko si Geo.
"May problema ba?" Tanong nya. May pag-aalala sa mukha nya kaya mabilis akong umiling.
"Wala. Aalis na ba tayo?" Tanong ko.
"Oo. Pero kung ayaw mong pumunta ay pwede naman." Sabi ni Geo.
"Hindi. Pumunta na tayo, sigurado ay inaasahan ka din makita ng mga kaibigan mo doon."
At isa pa, kailangan kong makausap si Charles. Kung sya nga si Javin ay kailangan nyang malaman ang sadya ko sa kanya. At ito ang pagkakataon para magkausap kami.
Tama, kailangan kong pumunta.
"Hmm." Pag-angat ko ng tingin ay nakatitig pa din pala sa akin si Geo. Humalukipkip sya at parang binabasa ang ekspresyon ko.
"Siguro naman ay hindi si Charles ang dahilan kaya gusto mong pumunta 'no?"
"Hindi ah!" Paano nya nalaman? Imposibleng nababasa nya ang iniisip ko. Tama nga sya pero mali ang iniisip nyang dahilan kung bakit gusto kong makita ang kaibigan nya.
"Wag ka na masyadong magpaganda dyan sa salamin, at baka pati engkanto dito sa probinsya ay magka-gusto pa sa'yo." Biro nya bigla sabay talikod.
Ha? Anong mali kung magka-gusto sa akin ang isang engkanto, eh engkanto din naman ako? Pero bigla akong natigilan. Ang engkanto sa engkanto ay makatotohanan, pero paano naman ang engkanto sa tao?
Inalis ko sa utak ko ang isipin na 'yon. Kailangan kong mag-pokus sa layunin ko kung bakit ako naparito sa mundo ng mga tao. Hindi dapat ako magpadala sa emosyon ko.
Sinundan ko na si Geo palabas.
Ilang minuto lang kaming naglakad at nakarating na kami sa bahay na sadya namin. Sa malayo pa lang ay dinig na dinig na agad ang masaya at malakas na musika, lalo pa nang makapasok na kami sa bakuran ng mang Tonyo na tinatawag nila Geo.
At tama nga si Geo, ang daming taong dumalo. Karamihan ay halos mga kasing-edad nila Geo o mas bata pa, pero marami-rami din naman na matatanda na sumasayaw sa gitna sa saliw ng mabilis na tugtog. Nakakaaliw silang panoorin.
Sa magkabilang gilid ay may mga lamesa at upuan na nakalaan para sa mga bisita at sa gitna naman ay mahabang lamesa na puno ng mga pagkain at inumin.
"Geo!" Tawag ng isang boses babae. Sabay kaming lumingon ni Geo sa tumawag sa kanya. "Buti at nakapunta ka. Kumusta ka na?" Matamis ang ngiti ng babae sabay kapit sa braso ni Geo.
Hindi ko alam kung bakit bigla akong tinamaan ng hiya. Pakiramdam ko ay isa akong taga-labas na istorbo sa kanilang dalawa.
"A-ayos lang naman, Ruby. Ikaw ba?" Sagot ni Geo at nakita kong pasimple nyang tinatanggal ang pagkaka-kapit ng babae, pero mas lalo lang hinigpitan nito ang hawak sa kanya.
Dalawang kamay na nito ang nakakapit sa braso nya. Bigla akong nasamid dahil sa agresibong galaw ng babae.
Napatingin sa akin si Geo at parang namutla ang mukha nya.
"Ruby, may kasama nga pala ako. Si Clara." Sabi nya at hinarap ako. Nawala ang ngiti sa mukha ni Ruby nang mapansin ako. "Clara, ito nga pala si Ruby. Isa sa mga kababata ko."
Ngumiti ako ng tipid pero hindi ako pinansin ni Ruby.
"Halika, hinihintay ka ni tatay. Siguradong matutuwa sya kapag nakita ka." Sabi ni Ruby sabay hila kay Geo palayo.
"P-pero— " Piglas ni Geo pero wala na syang nagawa. Hindi sya pinapakinggan ni Ruby. "Clara, dyan ka lang ha! Hintayin mo ko!" Sigaw nya sa akin.
Tinanguan ko lang sya at pinanood silang pumasok sa loob ng bahay.
"Ang cute nilang tingnan, di ba?"
Halos mapatalon ako sa biglang pagsulpot ni Charles sa tabi ko. Ngumiti sya at nang tumingin sya sa akin ay nagliwanag na kulay pula ang dalawang mata nya. Naramdaman kong nanlaki ang sariling mga mata ko.
"Ikaw si Javin." Bulalas ko. Bahagya syang natawa.
"Hayaan mong ipakilala ko ulit ang sarili ko." Sabi nya at humarap sa akin. "Ako si Javin, dating Heneral ng Pravo. Ikinagagalak kong makilala ka ng personal, Heneral Veda."
Napalunok ako dahil sa narinig.
"Dati kang Heneral ng Pravo? Teka, paano mo nalaman kung sino ako?" Kuryosong tanong ko. Ang may pagmamalaking ngiti ni Charles o Javin ay unti-unting napalitan ng malungkot na ngiti.
"Kung gano'n ay hindi pala nila ako nabanggit sa'yo?" Balik nya sa akin. Lalo akong naguluhan.
"Nino? Anong ibig mong sabihin?"
Naramdaman kong biglang nagbago ang paligid. Nawala ang ingay, nawala ang mga tao at dumilim ang paligid. Sa isang kurap ay nasa masukal na parte na kami ng barangay na iyon. Pagharap ko ulit kay Javin ay iba na ang itsura nito. Nawala na ang kabataan at kakisigan nito, sa halip bumungad sa akin ang tunay nyang itsura.
Isa na syang matandang engkanto na mahabang-mahaba ang puting buhok. Napaka-tulis ng mga tenga at mahaba ang mga kuko. Kulubot na rin ang mga balat nya pero ang mga mata nya... maningning pa din nang tumingin sa akin.
"Tinatanong mo kung bakit kita kilala?" Tanong nya. Naroon pa din ang malungkot nyang mga ngiti. "Ako ang ama mo, Veda."
Nabingi yata ako sa parteng iyon.
BINABASA MO ANG
Veda: Engkanto Series 3
FantasyPagkatapos ng mahabang laban sa pagitan ng Pravo at Luvac, nawala ang lahat ng kapangyarihan ni Veda. Hindi sya pwedeng mabuhay ng wala ito dahil sya ang heneral ng kanilang hukbo, sya ang inaasahan ng kanilang kaharian para mamuno sa mga laban. Sa...