"SOBRANG INIT." Sabi ni Jaqui sabay pahid ng pawis nya. Napatingala ako sa langit. Tirik na tirik ang araw.
Sobrang init nga talaga. At hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko. Mainit ang panahon pero pinagpapawisan ako nang malamig. Nanunuyo din ang mga labi ko, dahil siguro sa uhaw.
Pagpasok namin ng palengke ay maraming mga namimili pero sa pwesto namin ay iilan lang ang customer. Nandoon din si Geo at Adler na mukhang pagod na pagod habang umiinom ng tubig.
"Saan kayo galing?" Salubong ni Geo. Tinapon nya sa malapit na basurahan ang plastik na boteng hawak nya sabay abot ng dala-dala kong paper bag. "Ano naman 'to?"
"Binigay 'yan no'ng tindero sa bigasan kay ate Clara." Nakangiting sabi ni Jaqui.
"Sino do'n? Tsaka bakit ka naman nya binigyan ng ganito?" Tanong pa din ni Geo sabay angat sa manikang kuneho na laman ng paper bag.
Nakasimangot syang nakatingin sa akin, pero hindi ko sya sinagot. Naupo ako sa loob ng tindahan at nagpunas ng pawis.
"Siguro ay nagandahan iyon kay ate Clara. Lagi kong napapansin 'yon na nakatingin kay ate kapag napapadaan tayo doon eh." Gatong naman ni Jazi.
Sinundan ako ni Geo sa loob at nilapag sa harap ko ang manika. Nakatulala lang ako doon. Nagsimula nang umikot ang paningin ko.
"Kaya din kitang bilhan nyan eh. Mas malaki pa..."
Hindi ko na masyadong naintindihan ang sinasabi ni Geo. Narinig ko pang nagtatawanan sila pero napayuko na ako sa inuupuan ko.
"Ate!"
"Clara! Anong problema? May sakit ka ba?"
Boses ni Geo ang huli kong narinig bago ako nawalan ng malay.
Pagdilat ko ay nasa loob na ko ng kwarto ko sa bahay ni lola Tasya. Maliwanag pa pero hindi na gano'n kainit. Sa katunayan, hindi na din masama ang pakiramdam ko. Pagbangon ko ay nahulog mula sa noo ko ang basang bimpo.
"Ayos na ba pakiramdam mo?" Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ang boses ni Geo.
Nakatayo sya sa may pinto at may dalang plangganita na may tubig.
"Anong ginagawa mo dito?" Tanong ko din sa kanya. Lumapit sya at nilapag sa sahig ang hawak. Kinuha nya ang bimpo na hawak ko at hinugasan iyon sa plangganita.
"May sakit ka pala, hindi ka nagsasabi. Nag-alala sila lola Tasya." Seryosong sabi nya. Lumapit sya sa akin at pinunasan ang mukha ko.
"A-ako na." Sabay agaw sa kamay nya ng bimpo. Hindi ko alam kung para saan ito, pero ako na ang gagawa dahil baka mas lalo akong magkasakit sa sobrang lapit ni Geo sa akin.
Dahan-dahan naman syang lumayo nang mapansin ang pagka-ilang ko.
"Anong nararamdaman mo? Bigla ka na lang hinimatay kanina eh." Sabi nya maya-maya.
Tama. Hinimatay nga ako. Ito yata ang unang pagkakataon na nakaramdam ako ng ganito. Dahil pa din ba ito sa pagkawala ng kapangyarihan ko? Nanghihina na ba ang katawan ko? Nag-angat ako ng tingin kay Geo. Paano nya ako dadalhin sa engkanto na hinahanap ko kung hindi nya alam iyon? Pero dapat ko bang sabihin sa kanya? Baka pagtawanan nya lang ako at hindi sya maniwala.
O baka matakot sya sa akin kapag nalaman nya kung ano o sino talaga ako.
Mas kumirot ang puso ko dahil sa huli kong naisip. Mas matatanggap ko pa yatang pagtawanan nya o hindi maniwala sa akin kesa naman matakot sya. Pero bakit? Anong pakialam ko kung matakot sya?
Tsk, wala akong pakialam!
"Naniniwala ka ba sa engkanto?" Tanong ko. Tiningnan ako ni Geo na para bang nababaliw na ako.
"Wag mo sabihing... nae-engkanto ka?" Seryosong tanong nya. Umiling ako agad.
"Geo, maniniwala ka ba kung sasabihin kong... engkanto ako?" Lakas-loob na tanong ko.
Tatlo, limang, sampung segundo ang lumipas. Nakatingin lang si Geo sa akin. Nagsisimula nang manikip ang dibdib ko sa kaba. Nagalit ba sya? Natakot? Hindi ko alam dahil walang reaksyon ang mukha nya. Tapos ay bigla nyang hinawakan ang noo ko.
"Nahihibang ka yata, Clara." Seryosong sabi nya.
Inis na tinabig ko ang kamay nya at natawa naman sya nang malakas. Imposibleng mag-seryoso ang isang 'to!
"Magpahinga ka na muna. Kung may kailangan ka ay nasa baba ako. Mamayang gabi pa naman ang punta ko sa gym." Sabi nya at tumayo na.
"Gym?"
"Oo. Nagsisimula na akong mag-training. Kinuha ako ng isang agency na kasali sa MFC." Nakangising sabi ni nya. "Sasabihin ko sana sa'yo kaso busy ka pala makipag-ligawan doon kay Pugo sa palengke." Tila may pagtatampo sa boses nya nang sabihin nya 'yon.
"Sinong Pugo?" Tanong ko. Iiling-iling naman syang naglakad palabas ng kwarto ko.
Pugo? Wala naman akong nakikitang pugo sa palengke.
"Baliw." Bulong ko at nahiga na lang ulit.
MABILIS ANG mga araw na dumaan. Umayos naman na ang pakiramdam ko at abala pa din sa palengke. Bihira ko makita si Geo dahil ayon kay Adler ay malapit na ang debut fight nito sa MFC. Kahit sa bahay ay hindi kami nag-aabot. Kapag pauwi kami ay paalis naman sya, at kapag paalis kami ay natutulog naman sya.
Ewan ko ba kung bakit hinahanap-hanap ko ang presensya nya. Siguro ay nasanay lang akong lagi syang nakikita at lagi syang nandyan lang sa tabi-tabi, kahit anong oras na makita ako ay aasarin ako.
Masaya ako para sa kanya dahil alam kong pangarap nya ang ginagawa nya. Siguro ay dapat gumawa na din ako ng paraan para mahanap ang pakay ko nang hindi umaasa sa kanya.
Gano'n na lang ang inisip ko. Hanggang sa isang gabi, habang nagpapahinga na ako sa kwarto ay may kumatok doon. Pagbukas ko ng pinto ay si Geo ang tumambad sa harap ko. Nakasuot sya ng lagi nyang sinusuot sa training— puting tshirt at itim na track pants. Mukhang bagong ligo din ito dahil basa pa ang magulong buhok.
"K-kumusta?" Bungad nito na may alanganing ngiti sa mga labi.
"Buhay ka pa pala." Matabang na sabi ko. Umangat ang isang sulok ng labi nya, pinipigilang matawa.
Anong nakakatawa? Pero imbes na 'yon ang sabihin ay tinanong ko kung may kailangan ba sya.
"Ano kasi, bukas, ano debut fight ko." Sabi nya na hindi mapakali ang tingin.
"Alam ko, nabanggit ni Adler." Sabi ko. Doon sya nag-angat ng tingin sa akin.
"Pupunta ka ba?"
"Bakit naman ako pupunta?"
Humalukipkip sya at ngumuso sa akin. Para talaga syang bata kapag ginagawa nya 'yan. Napakalaking bata.
"Porket may Pugo ka na, ganyan ka na saken."
Natigilan ako sa sinabi nya. Ang Pugo pala na sinasabi nya noon pa ay iyong tindero sa bigasan na nagbigay sa akin noon ng manikang kuneho. Lagi din bumabati sa akin 'yon hanggang ngayon. Pero paano nya nalaman? Eh hindi naman kami nagkikita sa palengke.
Tila nabasa naman nya ang nasa isip ko dahil matalim nya akong tiningnan.
"Lagi kitang sinisilip sa palengke at ilang beses ko kayong nakikita ni Pugo." Paliwanag nya. "Ano, boyfriend mo na ba 'yong pangit na 'yon?"
Nanlaki ang mga mata ko dahil sa tanong nya. Unang-una, kinakausap ko lang si Pugo dahil kinakausap nya ako at mabait naman sya sa akin. Pangalawa, hindi ko naman 'yon gusto.
"Hindi 'no. Alam mo ikaw, ang dumi talaga ng utak mo."
"Okay. Bukas pumunta ka ha. Kapag wala ka do'n, makakatikim ng uppercut 'yang Pugo na 'yan." Walang pagdadalawang-isip na sabi nya, may kasama pang action kung paano ang gagawin nya kay Pugo.
Hindi nya na hinintay ang sagot ko at dumiretso na sa hagdanan.
BINABASA MO ANG
Veda: Engkanto Series 3
FantasyPagkatapos ng mahabang laban sa pagitan ng Pravo at Luvac, nawala ang lahat ng kapangyarihan ni Veda. Hindi sya pwedeng mabuhay ng wala ito dahil sya ang heneral ng kanilang hukbo, sya ang inaasahan ng kanilang kaharian para mamuno sa mga laban. Sa...