Veda: 7

43 3 8
                                    

TIRIK NA ang araw nang magising ako. Araw ng linggo at araw din ng pahinga sabi ni lola Tasya. Ibig sabihin ay wala kaming tinda ngayon. Pero kung kami ay walang tinda, sila Geo ay may mga bubuhatin pa din sa palengke.

Hindi lang kasi kay lola Tasya sila nagtatrabaho.

At dahil wala kaming tinda, hindi ko din masusundan ang galaw ni Geo. Alangan naman sundan ko sya sa palengke kahit wala naman kaming trabaho doon. Baka lalo nilang isipin na sinusundan ko si Geo.

Sabagay, totoo naman na sinusundan ko sya. Pero mali ang iniisip nilang may gusto ako sa kanya 'no.

Kaya naman buong maghapon, wala akong ginawa kundi maglinis, panoorin si lola Tasya magluto, si Jazi mag-aral at si Jaqui mag-ayos sa maliit nyang hardin.

"Maganda ba, ate?" Tanong ni Jaqui habang inaayos ang isang paso na nakasabit. Nakatanim doon ay puting orchids.

Nakangiti akong tumango sa kanya. Kung alam nya lang kung gaano kasaya ang mga lamang-lupa sa tuwing makakakita ng mga bulaklak at halaman.

Mabagal ang oras dahil wala akong magawa. Nang gumabi na ay bumaba ako para lumabas at magpahangin. Nakasalubong ko sa sala si Geo na mukhang bagong paligo at palabas din ng bahay.

Saan kaya pupunta ito?

"Saan ka pupunta?" Nagulat ako nang itanong nya sa akin ang nasa isip ko. "Gabi na, delikado sa labas." Dagdag nya pa.

"Ha? Dito lang ako. Magpapahangin." Sagot ko. Hindi na  sya nagsalita ulit at lumabas na ng bahay.

At hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay dapat ko syang sundan.

SA ISANG malaking garahe kami dinala ng mga paa ni Geo. Syempre, hindi nya pa din alam na sinusundan ko sya. Mga tatlong metro ang pagitan namin at dahil wala akong suot na sapin sa paa ay hindi nya naririnig ang mga hakbang ko. Sa tuwing lilingon sya ay agad naman akong nagtatago sa kahit anong pwedeng pagtaguan.

Bukas ang garahe. Hindi kailangan kumatok para makapasok at mukhang wala rin tao doon.

Tumigil si Geo sa paglalakad at ganon din ang ginawa ko. Parang may hinihintay sya dahil panay ang lingon nya sa paligid. Nagtago ako sa isang sulok na maraming tambak na malalaking drum.

Ilang minuto pa ay may narinig akong mga hakbang ng sapatos. Paano kung katulad ito noong grupo nila Nato? Paano kung bubugbugin na naman sya?

"Kumpleto ba 'yan?" Tanong ng malalim na boses. Sa timbre ng boses ay mukhang matanda na ito.

"Oo, boss. Check mo na din." Sabi ni Geo.

May inabot sya ditong hindi ko makita kung ano. Sinuri ng lalaki at tumango-tango. May inabot sya kay Geo at sa pagkakataong ito, sigurado akong pera iyon.

"Salamat, boss." Sabi ni Geo at naghiwalay sila. Pinalampas ko ulit ng ilang metro si Geo bago sumunod.

Ang sumunod na destinasyon ay likod naman ng eskwelahan. Ganon din ang nangyari. May lumapit na lalaki at may inabot si Geo doon.

"Ito lang??" Galit na tanong ng lalaki.

"Yan lang ang pinadala, boss, eh." Sabi ni Geo. Inis na umiling ang lalaki sabay bato kay Geo ng maliit na plastik.

Nahulog ito sa lupa. Ano 'yun?

"Sabihin mo kay Nato, ayoko ng tira tira at puro buto." Sabi nito sabay talikod.

"Pero boss, 'yung—"

Hindi pa tapos magsalita ay sinapak ng lalaki si Geo. Hindi handa si Geo kaya nawalan sya ng balanse. Handa na akong sumugod, pero hindi naman din hinintay ng lalaki na makabangon si Geo, mabilis itong naglakad palayo.

"Tsk. Yabang." Bulong ni Geo. Pinulot nya ang plastik at nilagay sa bulsa ng jacket nya.

Pagtalikod nya ay nagulat sya dahil nakatayo na ako sa harap nya.

"Put—" Pumikit sya at bumuntong-hininga. "Anong ginagawa mo dito?"

Pero hindi ko sya pinansin. Pinasok ko ang kamay ko sa bulsa ng jacket nya at kinuha ang plastik na nilagay nya doon.

"Hoy, teka nga—" Piglas nya at nahulog sa lupa ang tatlong plastik. Dinampot ko iyon at nakitang dahon na naka-bloke ang laman.

Sigurado akong dahon dahil ang isang plastik ay durog.

"Ano 'to?" Tanong ko. Ang totoo ay alam ko ito dahil nakikita ko ito sa ibang kaharian. Ginagawa nila itong gamot sa iba't-ibang karamdaman.

Pero anong ginagawa ng mga tao sa dahon na ito? May sakit ba ang mga pinagbibigyan ni Geo?

Hinablot ni Geo ang mga plastik sa kamay ko at ibinalik sa bulsa ng jacket nya. Magka-salubong ang mga kilay nya nang tumingin sa akin.

"Umuwi ka na. At 'wag mong ipagsasabi ang nakita mo, kung hindi pareho tayong mapapahamak." Sabi ni Geo at nagsimula na ulit maglakad.

"Bakit naman tayo mapapahamak? Tsaka bakit mo ginagawa pa 'yan kung mapapahamak ka pala?"

Mabilis ang mga hakbang ni Geo kaya naman pinilit kong makahabol. Nakaramdam ako ng hapdi sa paa ko pero hindi ko iyon pinansin.

"Bakit hindi mo tigilan 'yan kung ayaw mong mapahamak?!" Sigaw ko. Doon lumingon sa akin si Geo at kung kanina ay inis lang ang nakikita ko, ngayon ay galit na sya. Napatigil ako sa paglakad.

"Tigilan? Tingin mo gano'n kadali?" Mapait ang ngiti ni Geo. "Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko! Kailangan kong kumita ng pera sa kahit na anong paraan." Sabi nya.

"Kahit ikapahamak mo? Bakit?" Tanong ko sa kanya. "Marami pang ibang paraan."

"Kahit ikamatay ko." Seryosong sagot nya. "Maraming ibang paraan? Siguro. Pero sa tulad kong walang tinapos, iilan lang ang paraan. At siguro hindi mo maiintindihan kasi wala kang pamilya, naglayas ka di ba? Sarili mo lang ang iniintindi mo ngayon kaya 'wag mong kwestyunin ang mga ginagawa ko, kasi hindi mo alam."

Napa-awang ang bibig ko dahil sa sinabi nya. Hindi ako naglayas pero tama sya, wala akong pamilya na dahilan ng lahat ng pagsisikap ko. Pinalaki ako ng hari at reyna, buong buhay ko ay alipin nila ako hanggang sa magkaroon ako ng mataas na katungkulan pero para kanino?

Para sa sarili ko.

Sa isang iglap, parang namanhid ang buong katawan ko.

Hindi ko napansin na umiiyak pala si Geo habang magkausap kami. Marahas syang nagpunas ng luha at iniwan ako sa madilim na kalsada. Naglakad ako at naupo sa gilid ng kalsada kung saan may konting liwanag galing sa poste at ilang beses na humugot ng malalim na hininga.

Siguro nga hindi ko naiintindihan ang buhay ng mga tao.

Ilang minuto akong nakaupo lang doon nang makita ko si Geo na naglalakad pabalik sa kinalalagyan ko. Walang bakas ng galit o inis sa mukha nya kaya naman nagtaka ako nang bigla syang tumigil sa harap ko.

"B-bakit?" Tanong ko sa kanya.

"Nakapaa ka lang." Sabi nya at napatingin din ako sa tinitingnan nya.

Dumudugo ang isang talampakan ko. Siguro ay ito 'yung mahapding nararamdaman ko kanina.

"Wal—"

Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil biglang lumuhod si Geo sa lupa, paharap sa akin ang malapad nyang likod.

"Tara na. Umuwi na tayo." Sambit nya.

Veda: Engkanto Series 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon