6:00 PM. Napahinto ako sa paglalakad habang palabas ako ng gate sa school namin. Hindi ba ako namamalik-mata lang? Si Macoy ba talaga ang nakikita ko na nakatayo sa 'di kalayuan?
Tangina talaga, kung kailan nag-mo-move na ang tao saka naman siya eepal nang ganito?!
Naka-shades siya at naka-black na hoody, ripped jeans sa pang-ibaba at white Balenciaga sneakers. Nakayuko siya para walang makakilala sa kanya. Ang mga lumalabas sa campus ay napapatingin sa kanya. Matangkad kasi ang lalaki at kahit itago niya ang hitsura niya sa suot na hood ay obvious naman na guwapo siya.
Panandalian akong naestatwa. Hindi ko inaasahan na magkikita pa kami pagkatapos niyang hindi magparamdam ng mahigit isang buwan. Hindi ko ito napaghandaan kaya hindi ko alam ang gagawin ko.
Napaangat siya nang mukha nang makita niya akong parating. So, he was really waiting for me?
Kinusot ko pa nga ang mata ko dahil baka naman nagkakamali lang ako. Pero hindi ako puwedeng magkamali lalo pa't nasamyo ko na ang swabe at mamahalin niyang pabango nang isang dipa na lang ang layo ko sa kanya. Kabisado ko ang amoy niya.
Gayunpaman, hindi ko nakakalimutan na wala na kami. Yumuko ako at nagpatuloy sa paglalakad. Nilampasan ko siya.
"Baby, wait!" habol niya sa akin.
Baby? Kami?
Napahinto muli ako sa paglalakad. Nasa gilid kami ng kalsada. Marahan akong humarap sa kanya. Hindi ko siya magawang tingnan sa kanyang mukha. Baka kasi masuntok ko siya.
"How are you?" malat ang boses niya.
Tumingala ako sa kanya. "Ewan ko sa 'yo." Pagkasabi ay tinalikuran ko siya. Lakad-takbo ang ginawa ko para makarating agad sa sakayan ng jeep.
"Pamela, sandali!" Hinabol niya ulit ako.
Mabuti na lang at may dumaan agad na jeep kaya sumakay agad ako kahit puno na ng pasahero. Nakisiksik ako.
Pero mahaba ang biyas ni Macoy kaya mabilis niya akong naabutan. Kasunod ko lang siyang sumakay sa jeep na sinakyan ko. Sumabit siya sa may pinto.
"Wala na bakante, pogi!" sigaw ng konduktor sa kanya na katabi ng driver sa harapan ng jeep.
"Pasensiya na, boss. Kailangan ko lang kausapin girlfriend ko." Halos paluhod siyang pumasok sa loob at nang makita ako ay nag-squat sa aking harapan. Ang kamay niya ay ikinapit niya sa hawakan sa itaas.
Nagbulungan tuloy ang ilang pasaherong babae habang nakatingin sa kanya. Pati iyong driver at konduktor ay panay ang sulyap sa rearview mirror. Kasi naman, hindi normal na ganito kaguwapo ang magtitiis na naka-squat sa sahig ng isang punuan, mainit at pampublikong jeep. Parang nanonood tuloy ng shooting ng isang artista ang mga pasahero.
Mabuti na lang at karamihan sa jeep ay maedad na. Hindi rin gaanong nanonood ng mga international band. Hindi nila makikilala si Macoy, pero ang ibang pasahero ay tila namumukhaan siya. Hindi nga lang mag-iisip ang mga ito na siya nga iyon.