"MAY pera ka ba, anak? Naubos na kasi iyong pera namin ng papa mo na galing sa pension." Ani Mama habang kumakain kami.
Nakayuko lang si Papa at walang imik.
"Sorry, Ma. Wala pa po, e. Hindi pa po nag-start iyong project ko." Ang huling modeling job ko kasi ay pumalpak. Ito namang bago ko ay hindi pa nag-i-start. Iyong kinita ko naman sa online encoding job ko ay naibayad ko na sa bills namin. Saka nagbayad din ako sa inutangan ko noong naospital si Macky dahil sa UTI noong nakaraan.
Napapikit na lang si Mama.
"Puwede po siguro tayong manghiram muna kay Ate Nita? Babayaran ko na lang po sa next cut off ng salary ko trabaho. O kung mauna man ang modeling project ko."
Nakita ko ang paglungkot ng mukha ni Papa. Kapag ganitong namo-mroblema kami sa pera ay nadi-depress ito lalo.
Napakamot ako. "Hayaan nyo po. Gagawa po ako ng paraan."
Nilapitan ako ni Mama. "Kailan ba kayo magpapakasal ni Donald?"
Napayuko na lang ako. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko na itong narinig sa kanila. "Hinihintay ko lang pong magpropose siya."
"Pss. Gusto ka ng pakasalan, pero hindi pa nagpopropose? Ikaw na kaya ang magpropose."
"Po?"
Humawak sa kamay ko si Mama. "Ikaw na kaya ang magpropose, anak?"
"Ha?" Hindi ko alam ang isasagot ko sa kanila. Hindi ko yata kaya iyon.
Tumunog ang aking cellphone. Sinagot ko ang tawag nang makita ko sa screen ang pangalan ni Ate Nita. "Hello?"
"Kumusta dyan, Pamela?"
Inagaw ni Mama ang cellphone sa akin. "Ate mo ba ito?"
"Opo." Tumango ako.
"Hello, anak?" Malambing na nagsalita sa Mama sa cellphone. "Kumusta ka dyan? Kumain ka na ba? Maayos ba ang kalagayan niyo dyan? Mabuti naman at mukhang napapadalas ka na diyan sa bahay ng asawa mo. Mukhang mahal na mahal ka na niya."
Nakipag-agawan si Papa ng cellphone kay Mama. "Hello, mahal kong anak. Si Papa mo ito. Mag-iingat ka palagi dyan, ha? Kailan ka makakauwi dito?"
Ganito sila kapag tumatawag si Ate. Aakalaing ilang taon nang nawala. Eh palagi naman dumadalaw dito iyon sa bahay. Dumadalaw para alamin kung ano na ang status namin ng manok niyang si Donald.
Madalas pa nga ay dito si Ate sa bahay. Halos dito pa rin nakatira.
Kahit walang okasyon, parang meron kapag nandyan na si Ate. Samantalang ako, noong nagkaroon ako ng project sa Tarlac para magmodel ng planggana at tabo, isang linggo ako dun, pag-uwi ko ay parang wala lang. Nautusan pa akong magsaing.