SANA KASI AKO NA LANG ULIT.
Ipinilig ko ang aking ulo. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na iyong nagpaulit-ulit sa isip ko. Parang sirang plaka na paulit-ulit kong naririnig ang mga katagang iyon noong yakap-yakap niya ako.
Nang dahil sa mga sinabi iyon ni Macoy ay hindi ako makatulog. Kahit ayaw ko ay nababalisa ako.
Bakit ba kasi sinabi niya pa iyon? At bakit ba kasi narinig ko pa ang sinabi niya?! Bakit kailangang maguluhan ako? Bakit?!
Puro pangga-gago talaga ang alam ng hinayupak na iyon. Wala na talaga siyang matinong idinulot sa buhay ko!
Bumangon ako sa aking kinahihigaan. Tiningnan ko ang screen ng aking cellphone. May mga missed calls.
Ito na naman iyong unknown caller na hindi ko nasagot. Tinawagan ko kung sino iyon at baka importante ang sadya.
Sumagot ito sa kabilang linya. "Hello mabuti naman at ikaw na ang tumawag. Wala na kasi akong load."
Uy, boses babae. Boses dalaga. Pero sino ba ito? At bakit kung manalita siya ay parang close kaming dalawa?
"Bakit ka pala tumatawag sa akin?" tanong ko.
"Nakita ko yung post mo tungkol sa paghahanap mo ng PA."
"Nag-aapply ka?" Napatuwid ako ng upo. Sa wakas may applicant na para maging Personal Assistant ko.
"May gusto lang akong itanong." Hindi niya sinagot ang tanong ko.
"Ano yun?"
Tumikhim muna siya. "Why should I choose you?"
Grrr! Ako ba ang aplicant? "W-well... I've got a big company to work with." Bakit ko ba siya sinagot?
"Why should I hire you?"
Nagtagis ang mga ngipin ko. "As far as I remember, ako ang naghahanap ng PA at hindi ikaw–"
"Okay. Tanggap na ko."
"Ha?"
"Kelan ako mags-start?"
Ibang klase ang babaeng ito. "Nakita mo ba sa post ko yung mga requirements?"
"Yes. Don't worry, na-meet ko lahat yun. Actually I'm over qualified."
"You have a car, right?" Tanong ko.
"May sasakyan ako. Ang pinakamabilis na sasakyan sa balat ng lupa."
Ano kayang tinira ng babaeng ito? "Good. Anong pangalan mo?"