Chapter 4.1

258 4 0
                                    

Sa lawak ng hintayan dito sa hotel, sa estratehiya ng ayos at dami ng mga mesa at upuan, pati na ang mga aranya na tila nakalutang sa kisame, malulula talaga ang kahit sino.

Hinihintay ko ang tawag ni Mrs. Bith para sa posisyon na hindi ko pa sigurado kung ano. Hindi ko alam kung bumaba na mula sa penthouse niya si Rafael. Nahihiya rin naman akong magtanong sa mga empleyado na nakapuwesto sa Reception Area.

Ilang sandali lang at nagpakilala sa akin ang kagalang-galang na si Mrs. Bith. Nakapusod ang buhok niya at may suot siyang salamin sa mata. Medyo hindi yata maganda ang kondisyon niya dahil nakaguhit ang gitla sa pagitan ng kaniyang noo.

"Anong alam mo sa mga gawain sa hotel?" masungit na tanong ni Mrs. Bith sa akin.

"Uh, Agrikultura po ang natapos ko. Pero handa naman po akong matuto ng kahit anong gawain," paliwanag ko sa kaniya.

Abot-langit ang taas ng mga kilay niya. "Ibig sabihin ay wala kang alam sa mga pamamalakad sa hotel?" pangmumukha niya sa akin.
Pinamulahan agad ako ng pisngi. May mga nakarinig din kasing mga empleyado sa paligid.

"Mas bagay ka sa GL Department. Hanapin mo si Lucas. Nandoon siya sa may swimming pool sa 3rd floor," mataray niyang turan bago ako tinalikuran. "Saan na naman ba 'to nakilala ni Rafael? Palagi na lang!" Kahit naglalakad na siya palayo ay narinig ko pa rin ang mga huling sinabi niya.

Malungkot akong napangiti. Bilang may-ari ng hotel –kahit pa sinabi ni Rafael na hindi niya pinangungunahan ang desisyon sa pagpili ng mga manggagawa rito– siguradong marami na siyang nairekomenda upang makapasok dito.

Pinalis ko ang nasa isip at hinanap iyong Lucas sa ikatlong palapag.
Ang GL ay Gardening and Landscaping Department pala ang ibig sabihin. Si Sir Lucas ang namamahala sa naggagandahang mga tanim na nakapalibot sa buong hotel. Sinamahan niya ako sa buong paligid habang tinuturuan ng mga kailangang gawin. Medyo naasiwa lang ako sa tingin niya sa akin kanina. Nasa trenta anyos na siguro siya at may asawa. Pero may pagkamahalay at lantaran kung makatingin sa binti ko. Hindi ko naman kasi alam na magsisimula na ako agad, at dito sa GL Department mapupunta. Akala ko ay mabibigyan ako ng posisyon sa tanggapan o kahit saang opisina rito. Nagsuot tuloy ako ng damit pang-opisina. Ang pang-itaas ko ay puting spaghetti strap na pinatungan ko ng itim na kardigan. Samantalang hanggang hita ko lang ang itim na palda at mabuti na rin na nakapatag na sapatos ako.

Magtatanghali nang turuan ako ni Sir Lucas kung paano gumamit ng lawn mower. Kasama namin si Mang Fidel na siyang tagagupit ng damo sa buong paligid upang mapanatili sa tamang tabas. Pinahawak nila sa akin ang pamutol ng damo. Madali lang naman dahil itutulak lang iyon. Nagtatalsikan sa katawan ko ang mga nagupit na damo pero hindi ako puwedeng magreklamo.

Pinanonood nila ako nang may tumawag kay Sir Lucas at Mang Fidel. Naiwan tuloy ako sa gawain at nahiya na hindi ipagpatuloy ang pagtabas ng damo. Nagdesisyon akong ituloy iyon habang hinihintay sila.

Katanghaliang tapat kaya tirik na ang araw rito sa tabi ng swimming pool. May mangilan-ngilan na naliligo at nagpapahinga pero malayo naman sila sa puwesto ko kaya hindi nakaiistorbo.

Hinubad ko muna ang kardigan na suot ko dahil pinapawisan na ako. Ipinatong ko iyon sa ibabaw ng pimpin ng halamanan. Itinaas ko na rin ang buhok ko na may mangilan-ngilan na hiblang tumakas.

Isang grupo ng mga tagapagpaganap ang dumating at tumalon agad ang puso ko nang mamataan kong kasama si Rafael.

Teach Me, Use MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon