Chapter 3.1

290 4 0
                                    

MAHIGIT sampung bombilya marahil ang nakalagay sa chandelier na nasa gitna ng penthouse ni Rafael. Itinutok ko roon ang tingin upang huwag niyang mahalata ang kabang namamayani ngayon sa dibdib ko.

Pinilit ko ang tumawa. "Hindi ako magtatagal, Rafael."

Nilagyan niyang muli ng wine ang basong ininuman ko at doon siya uminom. Sa parte na nabahiran ng lipstick ko. Para na rin niyang nilasahan ang labi ko.

He's teasing me, right? Ang lagkit din ng tingin niya sa akin. Makailang ulit na akong napamura sa utak ko dahil sa tingin niyang iyan.

Umupo ako sa napakaluwag na sopa dahil nanghina ang mga tuhod ko. Hinila ko pababa ang damit ko nang umangat ito.

"I also have spare clothes if you need..." he emphasized. Lantaran na siyang nakatingin sa mga hita ko.

Sinubukan kong huminga nang ilang ulit upang kalmahin ang mabibilis na pintig ng puso ko. "Hindi kailangan, Rafael. Komportable naman ako rito sa suot ko," pagsisinungaling ko.

Tumaas ang kilay niya. Hindi siya naniniwala sa sinabi ko kaya tinanggal ko ang kamay sa laylayan ng aking suot na pilit kong ibinababa kanina.

Nanigas yata ako nang tumabi siya sa kinauupuan ko. "So, gusto mo kong makita?" simula niya.

"Ah! Iyong ipinunta ko ay dahil dito." Kinuha ko ang sobre mula sa bag ko at iniabot iyon sa kaniya. "Ito."

"What's this?" nagtatakang tanong niya habang salubong ang mga kilay.

"Iyan iyong perang ipinadala mo kina Tatay at Nanay. Ibinabalik ko na sa 'yo."

"Maze–"

Tinaas ko ang kamay ko upang pigilan siyang magsalita. "Pakinggan mo muna 'ko, Rafael." Tumikhim ako. "Alam kong gusto mo kaming tulungan. Pero ayaw ko ng pera mo. Kung gusto mong makatulong, bigyan mo 'ko ng trabaho rito sa hotel mo. Kahit ano. Magsisimula ako sa ibaba. Hindi ako hihingi ng malaking sahod..." Natigilan ako sa tono ng pananalita ko. I sound so desperate. Pero iyon naman ang totoo. Kailangan ko ng mapapasukan dito sa Manila. Mauubos na ang budget ko, lalo na at umuwi muna si Aida. Ibig sabihin, mag-isa akong magbabayad ng renta sa apartment na tinutuluyan namin. Kung hindi sana dumaan ang malakas na bagyo, hindi namin kakailanganin ng mas malaking halaga upang makapagsimula sa probinsiya. Sa dami ng mga natumbang puno ng mangga at inanod sa baha na mga bunga, mahihirapan kaming makabawi agad.

"I'm sorry for what happened," he said.

Huminga ako nang malalim. "Ganoon talaga. Hindi naman natin mapipigilan ang pagdating ng delubyo. Darating na lang ng hindi inaasahan. Ang importante ay kung paano ang pagbangon." Kahit sinabi ko iyon ay hindi ko rin talaga alam kung paano ang pagbangon. Hihinto rin muna si Acer sa pag-aaral kahit na graduating na sana siya sa taon na ito. Kaya nga kailangan kong makaipon agad. Pero hindi sa paraan na hihingi ako ng pera o suporta gaya ng ginagawa ni Rafael. Marami siyang tinulungan na mga kanayon namin. Ngunit kahit ano pa ang sabihin niya, hinding-hindi ko matatanggap ang pera niya.

"I'm sorry about you and Toby..." he drawled.

Napaawang ang labi ko. Parang may ipinatak siyang kalamansi sa naghihilom ko na sanang sugat sa puso. Heto na naman ang sakit.

"P-Paano mo nalaman? Sinabi niya ba sa 'yo?" Mapait ang naging ngiti ko sa kaniya.

Umiling si Rafael. Alam kong pinag-aaralan niya ang reaksiyon ko ngayon. Alangan naman na umiyak ako sa harapan niya. Hindi ko kailangan na ipakita sa kaniya ang kalungkutan ng pinagtaksilan at niloko. Kaibigan niya si Toby. Baka nga kampihan pa niya iyon dahil pareho lang naman sila. Parang hindi sila mabubuhay ng walang babaeng naikakama. Baka nga pinayuhan pa niya si Toby kung paano ako lolokohin. Kilala si Rafael sa husay magpaikot ng babae. Napatiim-bagang ako dahil sa naisip ko.

Kung gamitin ko rin kaya si Rafael para bumalik sa akin si Toby? Tutal ay pareho naman silang manggagamit, 'di ba?

Teach Me, Use MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon