Chapter 3.2

275 3 0
                                    

UMILING si Rafael. Alam kong pinag-aaralan niya ang reaksiyon ko ngayon. Alangan naman na umiyak ako sa harapan niya. Hindi ko kailangan na ipakita sa kaniya ang kalungkutan ng pinagtaksilan at niloko. Kaibigan niya si Toby. Baka nga kampihan pa niya iyon dahil pareho lang naman sila. Parang hindi sila mabubuhay ng walang babaeng naikakama. Baka nga pinayuhan pa niya si Toby kung paano ako lolokohin. Kilala si Rafael sa husay magpaikot ng babae. Napatiim-bagang ako dahil sa naisip ko.

Kung gamitin ko rin kaya si Rafael para bumalik sa akin si Toby? Tutal ay pareho naman silang manggagamit, 'di ba?

"If you want to talk about it..."

Halos mahilo ako sa pag-iling. Ayaw kong pag-usapan si Toby. "Matutulungan mo ba 'ko, Rafael?" pag-iiba ko ng usapan.

Tinitigan niya ako. Nang hindi ako nagpatinag sa titig niya ay sa sobreng hawak naman tumingin. "This... This money..."

"Hindi namin kailangan ng abuloy. Buhay pa kami, malakas, at hindi nawawalan ng pag-asa." Bakit ba niya ipinipilit ang pera niya?

"Hindi ba sumagi sa isip mo na magnegosyo ng iba? Huwag nang ipagpatuloy ang pag-aani ng mangga? It's not stable, Maze. Kikita ka paminsan-minsan pero hindi palagi."

Kinuyom ko ang mga kamao ko. "Hindi ko bibitiwan ang nakalakihan ko. Hindi ako kagaya mo na iniwan ang pagsasaka pati na ang pamilya..."

"Hindi sila ang tunay kong pamilya—"

"Pero sila pa rin ang nagpalaki sa 'yo..." giit ko.

"Kaya nga tumatanaw ako ng utang na loob," mariin niyang sabi. "Pagbabayaran ko ang lahat ng ginawa nila sa akin. Lahat ng nagastos nila sa pagpapalaki sa akin."

"Hindi lang naman pera ang mahalaga, Rafael!" Bahagyang tumaas ang boses ko. Bumilis din ang paghinga ko. Kinupkop lamang siya ng mga magsasaka. Namatay sa hindi ko malaman na dahilan ang mga magulang ni Rafael. Lumaki siyang tampulan ng tukso at kutya ng mga kalaro. Alam ng lahat ng kanayon namin na inampon siya at dahil hirap sa buhay ang mga magsasakang iyon ay ipinamigay rin siya sa hasiendero ng mga mga Monte Carlo. Simula noon ay iginalang na siya dahil mataas at kilala sa nayon ang sumunod na kumupkop sa kaniya. Mahirap ang mga pinagdaanan niya, alam ko. Kumpara kay Toby, mas batak sa buhay si Rafael. Pinatibay na siya ng mga karanasan niya. Pinatigas na ng mga karanasan na iyon ang puso niya.

Tumayo ako para makaiwas sa kanya nang muli niyang hilahin ang kamay ko at mapaupong muli sa kanyang tabi.

Dumikit ang hita ko sa hita ni Rafael. Ang kuryenteng kanina lang ay naglaho, ngayon ay unti-unti na namang nabubuhay.

Gumalaw ako palayo. Kailangan kong lumayo. Hindi ko maunawaan itong kakaibang damdamin na nararamdaman ko. Dahil ba dalawa lamang kami rito? Dahil ba sa mga titig niya sa katawan ko?

God! Parang gusto kong kumandong sa kaniya ngayon at paglaruan sa mga daliri ko ang buhok niya. Nagbuga ako ng hininga.

Pansin ko ang pagsalubong ng mga kilay ni Rafael. "Wait here," utos niya. Tumayo siya at tinalikuran ako. Kinuha niya ang cell phone sa bulsa ng kaniyang pantalon. Ilang minuto lamang ay may kausap na siya.

Sinamantala ko ang pagkakataon na iyon upang hawakan at pakalmahin ang dibdib ko. Rafael Monte Carlo will always be a temptation to me. Kaya noon ay iniiwasan ko siya, lalo na kapag magkasama kami ni Toby. Ayaw kong magkasala. Ayaw kong isipin niya na nanghinayang ako dahil hindi naging kami noon. Si Toby ang masigasig na nagtapat ng pag-ibig. Si Toby ang halos manilbihan. Nahulog ako sa ipinakitang tiyaga ni Toby. Pero ihuhulog din pala niya ako sa huli. Bibitawan din pala niya ako.

Ngayon na kaharap kong muli si Rafael, bakit nandito na naman ang pakiramdam na ito na akala ko ay naglaho na?

Teach Me, Use MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon