Chapter 1.4

291 6 0
                                    

HALATANG namamangha ang lahat sa kung anuman ang sinasabi niya. May hawak siyang kopita na marahil ay mamahaling alak ang laman habang nagsasalita.

Parang gusto nang umatras ng mga paa ko. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kapag nandiyan si Rafael. Hindi ako mapakali. Hindi ko siya matingnan nang diretso at madalas ay tinatarayan ko siya kahit wala naman siyang ginagawang masama.

Huminga ako nang malalim at saktong may waiter na may dalang tray ng inumin na inalok agad ako. Complimentary drinks daw kaya naman nilagok ko agad iyon. Muntik ko pang mabugahan iyong waiter dahil ang pait at nakapapaso ang ipinainom niya sa akin! Hindi pa naman ako sanay uminom.

Uminit agad ang pakiramdam ko dahil sa alak. Dinama ko pa ng palad ang pisngi ko. Parang may sinat nga ako. Kinagat ko ang labi habang naghahanap ng tamang daan upang mapalapit kay Rafael. Kailangan na siya ang makakita sa akin. Alam kong marami na naman ang haharang sa akin kapag ako mismo ang lalapit sa kaniya.

Ilang talampakan na lang ang layo ko kay Rafael nang sumabit ang takong ng sapatos ko sa carpet dahilan upang mawalan ako ng balanse. Sabi na nga at hindi talaga ako sanay magsuot ng takong! Napakapit ako sa likod ng silya na may nakaupong babae na iinom sana ng juice niya. Muntik siyang sumubsob sa kaniyang mesa dahil naitulak ko ang upuan nang hindi sinasadya. Kahit pala maganda at elegante ang suot, pumapangit ang hitsura kapag nagmumura.

Sino ba naman ang hindi mapapamura kapag nabuhusan at namantsahan pa ng pulang juice ang suot na puting bestida?
"I-I'm sorry. Hindi ko sinasadya..." nahihiya kong hingi ng paumanhin sa babae na ang talim agad ng pag-irap sa akin.

"Anong hindi sinasadya? Waitress ka ba rito? You're so clumsy!" Sinubukan niyang punasan ng paper tissue ang nabasang suot. "Stupid!" sabi pa niya.
Nanliit ako sa sinabi niya. Tumungo ako dahil marami nang mga matang nakatingin sa akin na parang sinasang-ayunan ang sinabi ng babae. Kinagat ko ang labi dahil sa kahihiyan at upang pigilan ang panginginit sa aking mga mata.

"Maze?"

Awtomatikong nagtayuan ang mga balahibo ko nang marinig kong may tumawag sa pangalan ko.

Napamura ako sa isip ko. Hindi sa ganitong paraan ko gustong magpakita kay Rafael. May ibang araw pa. May ibang pagkakataon pa.

Run Maze. This is not your world.
Kahit hiyang-hiya ay hinubad ko ang mga sapatos na suot saka binitbit iyon. Nanginginig ang mga paa na tinungo ko ang elevator upang makalayo. Ngunit bago pa sumara ang pinto ay may malakas na kamay na pumigil doon.

"Wait, Maze!"

Nagsalubong ang mga tingin namin ni Rafael. Hindi ko maintindihan ang pagkislap sa kaniyang mga mata. The very same spark I see every time he looks at me.

Teach Me, Use MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon