Levana Hera Nyx's Point of View
"Ate, tingin mo ay ayos lang kaya si Kuya Thunder?" Tanong ni Levin habang pinapaypayan si Thuner na hanggang ngayon ay wala pa ring malay. Nang marinig kasi niya ang sigaw ko ay agad siyang lumabas ng kuwarto.
Oo, magka-iba na kami ng kuwarto ni Levin. Nang malaman kasi ni Thunder na magkasama kami ni Levin sa iisang kuwarto ay agad siyang gumawa ng paraan upang maisingit pa ang isang kuwarto rito sa bahay namin. Siya ang gumastos nang lahat.
Hindi ko akalain na sa simpleng pagsagot ko sa kaniya ay mahihimatay na kaagad siya. Kanino kaya nagmana ang lalaking ito? Siguro naman ay hindi rin ganito si Mr. Vhiel.
"Tingin ko ay ayos lang siya. Baka nahimatay lang dahil sa sobrang tuwa."
Nakapatong ang kaniyang ulo sa aking hita at hinihimas ko ang kaniyang buhok. Pinapaypayan naman siya ni Levin. Halos limang minuto na rin kasi siyang walang malay at hindi ko alam kung kailan siya magigising.
Halos tawagin ko na ang lahat ng kapitbahay namin kanina dahil nga sa nangyari at buti na lang ay nandito si Levin. Tinulungan nga niya akong ilagay sa upuan si Thunder.
"Bakit ba kasi siya nahimatay, Ate? May ginawa ka ba sa kaniya?" Tanong niya ulit at tinignan pa ako nang masama.
Aba, ako ang kapatid niya pero bakit parang ako pa ang may kasalanan kung bakit tulog ngayon si Thunder.
"Hoy, para sabihin ko sa iyo, wala akong ginagawang mali rito sa Kuya Thunder mo. Sisihin mo na naman ako."
"Eh bakit nga ho kasi siya nawalan ng malay?"
"Aba, hindi ko alam sa lalaking iyan. Sinagot ko lang naman siya ng oo at pagkatapos n'on ay bigla na lang siyang nahimatay."
"Woah, sinagot mo na siya? Magkasintahan na talaga kayong dalawa ngayon? Talagang sinagot mo na siya?" Mangha niyang saad kaya napatango na lang ako.
May karapatan naman na malaman ni Levin iyon dahil kapatid ko siya. At isa pa ay paniguradong natutuwa ito dahil sinagot ko na ang Kuya Thunder niya.
"Deserve niya naman na sagutin ko, deserve niya ang oo ko. Ramdam ko kung gaano niya ako kamahal at ganoon din naman ako sa kaniya. Kahit ano'ng pilit ko sa sarili ko na hindi niya ako magugustuhan dahil pangit ako ay hindi pa rin siya sumuko sa akin. Ilang beses ko siyang tinaboy at itigil na lang ang kahibangan na ginagawa niya ngunit sadyang mapilit ang isang 'to."
"Ate..."
"Wala, 'e. Nahulog na rin ako sa kaniya dahil sa mga ipinapakita niya. Palagi niyang sinasabi na maganda ako sa paningin niya kahit hindi naman. Hindi ko rin alam kung bakit niya ba ako nagustuhan, wala akong ideya. Naiiba siya, naiiba siya sa lahat ng nakilala kong tao. Bukod sa iyo ay siya lang ang tumanggap sa akin ng buo. Kaya siguro ay napamahal na rin ako sa kaniya."
"Tama ka, Ate. Sobrang mahal ka ni Kuya Thunder. Tuwing magkasama kaming dalawa ay wala siyang ibang bukang bibig kung hindi ikaw. Palagi niyang sinasabi sa akin kung gaano ka niya kamahal. Gusto ko siya para sa iyo. Alam kong magiging mabuti ang lagay mo kung siya ang magiging asawa mo. Hindi naman kasi puwedeng ako na lang habang buhay ang iisipin mo. Magkakaroon ka rin ng sarili mong pamilya at ganoon din ako. Medyo matatagalan pa nga lang ang akin dahil bata pa ako. Pero alam kong si Kuya Thunder na talagaang para sa iyo," saad niya.
Napangit na lang ako habang pinagmamasdan ang payapang mukha ni Thunder. Bakit kahit tulog ay guwapo pa rin ang isang 'to? Unfair talaga ng mundo.
"Alam ko, Levin. Ramdam ko iyon. Sana nga ay siya na talaga dahil hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin kung mawala pa siya. Masyado ko na siyang mahal. Ipinapakita niya ang halaga ko, ramdam ko kung gaano ako kaimportante sa kaniya."
BINABASA MO ANG
Ferrer Series #2: Loving You, Secretly✓
RomanceFerrer Series #2 Covered by: Acesu Graphics