I M P O S T O R
CHAPTER 4story written by:
KOKO_HOSHIN-
-
-
-
-
VINCE’S POV:“TUMAWAG ka kung kailangan mo ako,” bilin ni Daphne sa akin na yumuko sa bintana ng sasakyan at humalik sa pisngi ko.
“I’ll do that. Isa pa, kung tama ang sinabi mong mild attack lang ang sa Papa ay nakatitiyak akong ipapadala uli ako niyon dito,” may pait sa tinig ko habang sinasabi iyon, “Bye, Daph...”
Ilang sandali pa’y nasa highway na ang sinasakyan naming kotse, “Kumusta po ang kalagayan ng Papa, Tata Lino?” tanong ko sa matandang driver.
Sandaling tumingin sa akin ang matanda saka muling tinuon ang pansin sa kalsada, “Nang umalis ako ng asyenda kaninang madaling araw ay nakita ko siyang nakatanaw sa may bintana ng silid niya at kinawayan pa ako. Marahil ay hindi naman malala ang atake ni Edgar, Vince,” sagot ni Tata Lino.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ko, “Sana nga po. Eh, kayo po ng Nana Fe, kumusta na po kayo?”
“Tulad pa rin ng dati, Vince. Ang Nana Fe mo’y malimit nang atakihin ng rayuma niya. Tuwang-tuwa nga ngang malamang uuwi ka na. At ako ma’y natuwa nang malaman kong uuwi ka na rin,” naramdaman ko ang senseridad sa sinabing iyon ni Tata Lino, “Aba’y halos tatlong taon na mula nang huli kang umuwi, ah.”
Magkahalong kagalakan at kalungkutan ang nadarama ko. Maliban kay Lola Soledad ay silang dalawa ni Tata Lino at Nana Fe ang pinapakitaan ako ng mabuting pakikitungo. Ni hindi nila alintana ang pangit kong mukha.
At si Mama Corazon na hanggang sa huling hininga niya’y hindi itinago ang pagkasuklam sa anyo ko. Bigla ay naalala ko ang isang tagpo noong ako’y anim na taong gulang.
“Lumabas ka sa silid ko, Vince!” angil ni Mama, “Hindi ko gustong makita ang pagmumukha mo!”
“Bakit kailangang pati ang bata ay pagsalitaan mo ng ganyan, Corazon?” ang narinig kong sita ni Lola Soledad na sumungaw sa pinto ng silid ni Mama. Pagkatapos ay lumapit ito sa akin at hinawakan ang kamay ko. Ako ma’y napahikbi sa isang gilid, “Ikaw itong ina, pagkatapos ay siya pang...”
“Utang-na-loob, Mama. Huwag na tayong magtalo. Ilayo ninyo ang batang iyan sa akin. Ikinahihiya kong maging anak iyan!”
Muli akong umiyak kaya napilitan akong inilabas ni Lola Soledad sa silid ni Mama. Nang maisara ang pinto ay pumantay ito ng upo sa harapan ko at nagsalita ng may garalgal sa tinig.
“Huwag mong intindihin ang Mama mo, Vin,” banayad na alo ni Lola Soledad sa akin.
Vin. Iyon ang kinagigiliwang itawag ni Lola Soledad sa akin.
“Hayaan mo, apo, mawala man ako’y titiyakin kong mapapangalagaan ka pa rin hanggang sa iyong paglaki,” mariing pangako nito na tumaman ang mga mata.
Sa murang isipan ko’y labis kong dinaramdam ang pagtataboy ni Mama sa akin. Totoong hindi ako nakarinig ng kahit na anong masakit na salita mula kay Papa at minsan pa nga ay nakakarga ako nito. Pero sa pakiramdam ko’y malayo pa rin ang loob ko kay Papa. Ipinagtataka ko rin ang malimit na pagtatalo nila Mama at Papa sa hindi ko malamang dahilan.
Sampung taon ako nang magkagulo sa buong asyenda. Naaksidente sa kabayo si Mama. Aksidenteng hindi agad mapaniwalaan ng nakararami dahil mahusay itong mangabayo.
Hindi ko gaanong ininda ang pagkawala ni Mama. Subalit ang pinakamatinding dagok sa buhay ko ay nang mamatay si Lola Soledad nang kasunod na taon na pagkamatay ni Mama. Ang sabi ng lahat ay katandaan ang ikinamatay ni Lola Soledad.
BINABASA MO ANG
Impostor [BL]
RandomBefore losing consciousness, he was Vincent Ursal, a twenty-one year old student. But when he opened his eyes, he was no longer Vincent-he was now Lary Clemente, a 29 year old and married to a well-known and handsome businessman with angelic feature...