CHAPTER 8

67 6 0
                                    

I M P O S T O R
CHAPTER 8

story written by:
KOKO_HOSHIN

-
-
-
-
-
VINCE’S POV:

HAPON na Vince, huwag kang magtatagal,” paalala ni Nana Fe sa akin noong sumampa na ako sa kabayo.

“Hindi po, Nana Fe,” pagkatapos ay pinatakbo ko na ang kabayo. Isang linggo na ako sa asyenda at ito pa lang ang ikatlong pagkakataong nakapangabayo ako. At totoong nag-e-enjoy ako sa pagkaalis sa takot ko sa ibabaw ng kabayo. Iikutin ko ang mga lugar na dati kong pinupuntahan noong bata pa ako.

Kalahating oras na rin akong nagpaikot-ikot sa buong asyenda at hindi ko napuna na lumalayo na ako at patungo na sa bahagi ng gubat.

Nagulat pa ako nang mula sa loob ng gubat ay dalawang lalaking nakakabayo ang nakasalubong ko at patungo sa kinaroroonan ko. Hindi ko kilala ang mga ito pero namumukhaan ko ang isa. Ito iyong lalaking nakita kong nakatingin sa akin noong ikalawang araw ko sa asyenda.

Bagaman sumibol na ang kaba sa dibdib ko’y pilit akong nagpakatatag. Mga ilang dipa mula sa kinaroroonan ko ay huminto ang mga ito.

“Sino kayo?” tanong ko na tuluyan nang kinabahan nang makitang may hawak na rifle ang isa sa harap nito, “M-mga tauhan ba kayo ng asyenda?”

Nagkatinginan ang dalawang lalaki na parehong sabay na ngumiti, “At pangit nga pala ang isang ito. Akala ko’y eksaherado lamang ang kuwento,” at nagtawanan silang dalawa habang ako’y nagpupuyos ang loob.

“Umalis kayo sa dinaraanan ko, mga walang modo! Hindi ba ninyo ako nakikilala?”

Muling nagkatinginan ang dalawang lalaki na nakangisi pa rin, “Hindi kilala? Kilala ka nga namin kaya kami narito, eh.”

“Ano ang ibig ninyong sabihin?”

“Ang utos sa amin ay huwag ka nang pabalikin pa sa asyenda, Mr. Ursal, ‘di ba, pare?” ngumisi ang kasama nito at nakita kong gumalaw ang rifle.

Nanlaki ang mga mata ko kasabay ng pagsinghap. At talaga nga palang may nagtatangkang pumatay sa akin! Pero bakit? Ano ang motibo at gusto akong ipapatay nang kung sino man ang nag-utos sa mga ito?

Habang nag-alumpihit ang kabayo ay mabilis kong pinagana ang isip ko. Kung mamamatay rin lang ako’y mamamatay na akong tumatakas. At sana’y mas mahusay akong mangangabayo kaysa sa kanila, iyon ay kung hindi ako aatakihin uli ng phobia.

Pero mas nakakatakot ang mamatay nang hindi ko alam ang dahilan at kung sino ang may gustong mamatay ako.

“S-sino ang nag-utos sa inyo?”

Pumormal ang isa, “Hindi mo na kailangang malaman, Mr. Ursal. Sa sandaling mapatay ka namin ay malaking pera ang naghihintay sa amin.”

Sa pagitan ko at ng dalawang lalaki ay kamatayan. Limang dipa, more or less, ang pagitan ko sa mga ito. At ang rifle ay nasa kandungan ng isang lalaki. Mahabang sandali bago iyon maitaas at maikasa.

It’s now or never!

Isang malakas na hapit sa kabayo ang ibinigay ko at umigkas ito. Kasabay niyon ay ang pagbato ko ng latigo sa lalaking may hawak ng rifle. Hindi nasaktan ang lalaki pero nagulat ito at nabitawan ang hawak. At dahil nataranta ako’y hindi ko naibalik sa pinanggagalingan ang kabayo at sa halip ay sa kanan kung saan papasok sa gubat.

Malayo-layo na rin ang distansya ko nang isang putok ng baril ang narinig ko na lalo pang nagpatakot sa kabayo at halos mahulog ako sa bilis ng pagtakbo. At kung hindi ako naturuan nang husto mangabayo noong maliit pa ako’y baka naihulog na ako nito.

Ilang dipa mula sa bukana ng gubat ay nalusot ang paa ng kabayo sa isang hukay sa lupa na marahil ay lungga at bumagsak ito kasama ako na tumilapon sa damuhan.

“Oh, lord, please!” daing ko kasabay ng paglingon ko sa pinanggagalingan. Kasunod ko ang dalawang lalaki at pinapuputukan ako ng isa.

Pagapang kong tinakbo ang gubat at pagdating sa makakapal at malalaking puno ay mabilis akong tumakbo... at tumakbo nang tumakbo... nang tumakbo.

“HAH!” ako na ibunuka ang bibig upang punuin ng hangin ang dibdib. Tila kinakapos na ako ng hininga sa bahaging iyon ng aking masalimuot na ala-ala. Gusto kong kumilos subalit ayaw sumunod ng mga bahagi ng katawan kong nakabalot ng benda.

Ilang sandali pa’y bumukas ang pinto at pumasok ang isang doktor na kasunod ang nurse na nag-galing sa akin kanina. Nakita ng mga ito ang pagtaas-baba ng dibdib ko at ang pagsisikap kong habulin ang hininga.

“Nurse, check his heartbeat,” mabilis na utos ng doktor na agad na sinunod ng nurse. Ilang sandali pa’y abala na ang mga ito sa akin.

“How are you, Mr. Clemente?” banayad na tanong ng doktor nang bumalik sa normal ang paghinga ko, “Alam naming isang trauma para sa inyo ang nangyari. Pero ipanatag ninyo ang loob ninyo. Everything will be all right. You are now out of danger and soon on your way to America,” ngumiti ang doktor.

Gusto kong magsalita pero walang tinig na lumalabas sa lalamunan ko maliban sa ungol.

“That’s okay,” patuloy ng doktor, “Sa simula’y ganyan. There’s nothing wrong with your voice. When you come back, you will be good as new, Mr. Clemente.”

Pagkatapos ng ilang check-up ay lumabas na ang doktor kasunod ang nurse. Nanatili pa rin akong nakatitig sa puting kisame. Pakiramdam ko’y isa akong egyptian mummy. At gulong-gulo ang isip ko. I was mistaken for another man and somebody wants me dead.

Sino ang may gustong patayin ako? Si Jerome ba? Si Tiya Vivian? Pero ano ang motibo ng mag-inang iyon sa akin? Hindi ko nauunawaan ang lahat ng ito. At ang Papa, hindi kaya ay pinagtangkaan din ang buhay nito kagaya ng taong nagtangka sa buhay ko?

Ang sabi ni Nana Fe ay hindi nila nalamang may sakit si Papa. Unti-unti ang naging panghihina nito. At nitong nakaraang mga buwan ay malimit mag-away sina Papa at Tiya Vivian. At malimit na magalit si Papa kay Jerome dahil sa walang katuturang paglulustay ng salapi.

Lumong-lumo ako sa sarili ko. May luhang umagos sa mga mata ko patungo sa mga benda sa mukha ko. Hindi ko alam kung may nangyari bang masama kay Papa. At heto ako ngayon, pinagkakamalang Mr. Lary Clemente.

Sino si Lary Clemente?

Impostor [BL]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon