I M P O S T O R
CHAPTER 7story written by:
KOKO_HOSHIN-
-
-
-
-
VINCE’S POV:“SUMAMPA ka na, Vince,” ganyak ni Tata Lino pagkatapos lagyan ng saddle ang kabayo.
“Sige, na hijo. Mabait na kabayo iyang ibinigay sa iyo ni Lino. Hindi ka ihuhulog niyan,” susog naman ni Papa.
Umikot ang paningin ko sa buong paligid. Si Nana Fe na nasa likod ni Papa ay nagbabadya ng encouragement ang mukha. Nararamdaman ko ang paggitaw ng pawis sa noo ko at ang panlalamig ng buong katawan ko.
Pinuno ko muna ng hangin ang dibdib ko at sumampa na sa kabayo. Nang nasa ibabaw na ako ay gustong kong manigas sa takot subalit sige si Papa sa paghikayat na kaya ko. Alanganin kong tinapik nang marahan ang kabayo na agad namang lumakad na ikinabigla ko. Nahihintakutan ko namang dinaklot ang renda. Isang tawa naman ang pinakawalan ni Papa kaya natawa rin ako.
“Nakita mo na, Vince? Kaya mong mangabayo tulad noong maliit ka pa lang. Sikapin mong paglabanan ang takot,” utos nito na ginawa ko naman upang ito’y paluguran, pilit kong inaalis sa dibdib ko ang matinding takot at kaba.
Ang balak ko’y sa paligid-ligid lang ng bahay magpaikot-ikot. Hindi ko rin kasi magawang patakbuhin ang kabayo. Paano na lang kung ihulog ako niyon tulad ng nangyari kay Mama?
Subalit sigaw ni Papa ang nagpabago sa pasya ko, “Patakbuhin mo ang kabayo, hijo!” natatawang sigaw nito, “Ano ang silbi ng pangangabayo kung hanggang dito ka lang?”
Hindi ko malaman ang gagawin. Nasa mukha ni Papa ang pagnanais na mapagtagumpayan ko ang phobia. Sa nakalipas na maraming mga taon sa buhay ko’y ngayon lamang kami naging malapit sa isa’t-isa. Hindi ko gusto na biguin ito.
Butil-butil na pawis ang sumungaw sa noo ko. Nanlalamig ang mga kamay ko at pinagpapawisan. Ganoon pa man ay marahan kong pinatakbo ang kabayo palayo. Nauulinigan ko pa ang nagagalak na tawa ni Papa. Bagaman natatakot pa rin ay nagagawa ko nang ikalma ang sarili ko. Hindi ko kailangang patakbuhin nang mabilis ang kabayo.
Hindi nagtagal ay nasa gitna na ako ng asyenda. Pumasyal ako sa koprahan at natutuwa kong pinanood ang mga tauhan. Ang ibang matatanda na nasa asyenda’y nakakilala sa akin ay kumaway.
Hanggang sa makarating ako sa bahaging wala nang mga tauhang nagtatrabaho. Sa ‘di kalayuan ay isang tao ang nahagip ng mga mata ko. Nakakabayo at nakasunod ng tingin sa akin bagaman hindi ito umaalis sa kinaroroonan nito.
Kinakabahan kong ibinalik ang kabayo sa pinanggagalingan. Nang lumingon ako’y wala na roon ang tao. Napailing ako. Nagiging paranoid na ako. Marahil ay isa lamang iyon sa mga tauhan ng asyenda at curious akong pinanonood.
Pagdating ko sa malaking bahay ay kinalimutan ko na ang pangyayaring iyon. Pumanhik ako sa silid upang ibalita kay Papa na tuluyan nang nawala ang takot ko sa kabayo nang marinig ko ang malakas na tinig ni Tiya Vivian.
“Dumating lang ang anak mo’y nakalimutan mo nang may asawa ka, Edgar!” na ni Tiya Vivian na nagpahinto sa pagpasok ko sa silid ni Papa, “Allowance ng bahay ang hinihingi ko sa iyo. Panggastos nating lahat!”
“Kung hindi ka nagiging maluho ay sobra-sobra ang allowance na ibinibigay ko sa iyo, Vivian. Ganoon din sa anak mo. At wala akong pera, maintindihan mo sana...”
“Walang pera? Ngayon lang kita naringgang walang pera, Edgar! At imposible ang sinasabi mo.”
“Please, Vivian, pagpasensyahan mo na muna ako, maaari ba?” nakikiusap ang narinig ko sa tinig ni Papa na tila hapong-hapo. Ilang sandali pa’y biglang bumukas ang pinto at padabog itong isinara ni Tiya Vivian. Nagulat pa ito noong mabungaran ako sa labas.
“Nakikinig ka ba sa usapan naming mag-asawa?” angil nito sa akin, “Iyan ba ang natutuhan mo sa pribadong kolehiyo sa Maynila?”
“Hindi ko intensyong makinig. May sasabihin sana ako sa Papa nang marinig ko ang boses mo.”
Matalim na humugot ng hininga si Tiya Vivian at akma na sana akong tatalikuran nang magsalita ako.
“Gusto kong itanong sa iyo kung bakit suot mo ang kwintas ni Lola kahapon noong dumating ako rito, Tiya Vivian?” napahinto ito sa paghakbang at alanganing lumingon, “Ibinigay ba sa iyo ng Papa iyon?”
“Ibinigay ng Papa mo sa akin ang kwintas, Vincent,” angil niya, “Hindi ko isusuot kung hindi. Kung gusto mo’y itanong mo sa iyong ama!” pagkasabi noo’y galit siyang tumalikod at naglakad.
IKATLONG gabi ko sa asyenda at nagmulat ako ng mga mata nang maramdaman kong may tao sa silid ko. Mabilis kong inabot ang lampshade subalit agad na may tumakip sa bibig ko. Ubos-lakas akong nagpumiglas at ginamit ko ang tuhod ko upang itapat sa pagitan ng mga binti ng lalaki at tinuhod ito. Bumitaw ang lalaki at namilipit. Mabilis akong tumayo at tinakbo ang switch ng ilaw at binuksan ito.
“Jerome!”
“Muntik mo na akong mapatay, you bitch!” hiyaw nito bagaman hindi gaanong nilakasan ang tinig.
“Ano ang ginagawa mo sa silid ko?” naniningkit ang mga mata ko sa galit, “Marahil ay ikaw din ang lalaking nagtangkang pasukin ako rito noong unang gabi ko! Isusumbong kita sa Papa!” akmang lalabas na ako nang mapigil ako sa sinabi niya.
“Go ahead, isumbong mo ako sa Tito Edgar nang mamatay na ang Papa mo. Isang atake pa, Vince,” hamon nito na ikinatulos ko sa kinatatayuan ko. Humarap ako sa kanya at sumandal sa dingding.
“Lumabas ka ngayon din, Jerome, bago ako makalimot sa sarili ko!” banta ko sa nag-aapoy na mga mata.
“Kung pagbibigyan mo ang nais kong mangyari ay natitiyak kong makakalimot kang totoo sa sarili mo, Vince,” malisyosong wika nito sa kabila ng nararamdaman pang sakit sa harapan, “I know you’re dead curious about it, so why don’t we give a try? I promise you heaven.”
“Lumabas ka, Jerome!”
“You don’t mean it, nagpapakipot ka lang,” tantiya ni Jerome ngunit hindi niya ako maiisahan, “You will never have this chance of a lifetime, Vince. Walang papatol sa iyo.”
Napapikit ako at sinikap ko pa ring pairalin ang kontrol sa sarili, “I’ll feel sorry sa sinumang mga taong pumapatol sa iyo, Jerome. You good for nothing SOB!”
“You b—” hiyaw niya at nahinto nang abutin ko ang gunting sa tokador at itinutok sa kanya.
“Lalabas ka o hindi?”
“Pagbabayaran mo ito, Vince, tandaan mo iyan!” nagpupuyos ang loob niyang paika-ikang lumabas sa silid ko. Pagkatapos ay isinandal ko ang sarili ko at huminga ng malalim.
Bukas na bukas ay palalagyan ko ng bolt ang pinto. This is an old house at maliban sa doorknob ay walang inside bolt ang mga pinto ng bahay.
At dating hindi umiiral ang masamang tao sa bahay na ito!
BINABASA MO ANG
Impostor [BL]
RandomBefore losing consciousness, he was Vincent Ursal, a twenty-one year old student. But when he opened his eyes, he was no longer Vincent-he was now Lary Clemente, a 29 year old and married to a well-known and handsome businessman with angelic feature...