He's Back

1.3K 183 35
                                    

Chapter Twelve

"ALAM mo na ba ang balita, apo?" excited na bungad ni Lola Aida pagdating ni Jeralden.

Nagmano muna ang dalaga sa kanyang nuno saka tinungo ang sofa. Nahahapong inilatag niya  ang sarili roon bago sinagot ang kanyang Lola Aida. Galing siya sa pinapasukang university, may ipinasa kasi siyang report. Medyo hapo siya dahil sobrang init kanina. Natapat pang habang pauwi siya ay inabot ng trapik sa daan ang sinasakyan niyang dyip. Nagkaroon ng banggaan sa unahan nila. Isang motorsiklo at isang taksi.

"Ano pong balita, 'La?" inabot niya ang throw pillow at ginawang unan. 

Maraming throw pillow sa kanilang sofa. Pulos pastel color at malamig sa mata. Bagay na nagdaragdag ng homey ambience sa tinitirhan nilang apartment. Ngayong mas marami ng panahon ang kanyang nuno, napaglalaanan na nito ng panahon ang pananahi ng kanilang mga kurtina, punda, at mga sapin sa higaan.

"Si Scythe, nakauwi na."

Parang biglang nawala sa dating puwesto ang puso ni Jeralden sa narinig.

"Kelan pa po, 'La?" kunwa'y walang interes na tanong niya sabay pikit ng mga mata.

Pero sa totoo lang ay pilit niyang inaawat ang puso sa pagtalon-talon. At kung hindi niya pipigilan ay baka lumabas na iyon sa kanyang dibdib at tumakbo papunta kina Lola Dolores.

"Kanina lang. Napakarami ngang pasalubong kina Dolores at Panoy. Pati ako, eh, naambunan," masayang pagbibida ng kanyang nuno.

Inilapag nito sa ibabaw ng center table ang tatlong malalaking paper bags na may nakatatak na Duty Free. Napabangon siya mula sa pagkakahiga para makiusyoso sa mga pasalubong na sinasabi ni Lola Aida. May mga imported na de lata roon at chocolates. May mga kasama rin iyong ilang damit at scarf. May bag pa.

"Heto, o. Sa palagay ko bagay ito sa'yong pampasok sa opisina," inilapat ni Lola Aida ang isang bulaklaking blouse sa katawan niya.

"Lola, para sa inyo po iyan, eh. Marami naman po akong damit," aniya.

"Sa akin naman na ito. Puwede kong ibigay para sa'yo. Atsaka itong bag, saan ko naman gagamitin? Sa ating dalawa ay ikaw itong parating nasa labas."

"Lola, kailangan niyo po 'yan. Di ba lagi kayong kasama ni Lola Dolly sa mga lakad niya? Atsaka puwede niyo rin 'yang magamit kapag may meeting ang mga senior sa baranggay. May Christmas party pa kayo tiyak. Ilang buwan na lang 'yon. Tamang-tama 'yan, hindi na kayo maghahagilap ng isusuot. May bag pa kayo. Abah, tiyak na kakabogin niyo ang mga asa-asawa ng mga konsehal n'yan. Biruin niyo 'yon. Dior. Pak na pak. Sigurado, kayo lang ang may ganitong bag sa lahat ng mga a-attend ng meeting sa plaza. Baka mapagkamalan kayong donya."

"Kuu, baka makakuha ako bigla ng boyfriend."

"Ay, puwedeng-puwede pa, 'La. Effective yata sa inyong dalawa ni Lola Dolly ang zumba. Para niyo lang nakababatang kapatid si Lucy Torres."

"Kunsabagay nga marami ang nagsasabing mukha lang daw akong singkuwenta."

"O, di ba? Naku, 'La. Baka pag-uwi ni Papa magulat na lang 'yon na meron na siyang bagong in-law."

Ang lakas ng halakhak ni Lola Aida sa biro niya. Ngumiti lang naman siya habang pinagmamasdan ito. Kakaibang glow kasi ang nakikita niya sa mukha ng nuno. Glow ng isang taong masaya at kuntento sa buhay. At nauunawaan niya iyon. Kung dati'y nagkakandakuba itong manahi para kahit papaano ay may maiambag sa mga pangangailangan nila araw-araw, ngayon ay libangan na lang nito ang pananahi. Mas marami na itong oras na maglibang at makipag-bonding sa mga kaedaran nito. Nakakatuwa rin na sa kabila ng edad nitong mahigit sisenta ay wala pa itong maintenance meds.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 15 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The Untouchables Series Book 5 Scythe de AsisWhere stories live. Discover now