Elio
"Bantayan mo upuan ko. Saglit lang ako."
Napatingin ako sa kaibigan ko nang bigla itong tumayo. Nanlaki ang mata ko at mabilis na nilunok ang kinakain ko upang makapagsalita.
"Ikaw na ang susunod! Saan ka pa pupunta?"
Napatingin ang ilan sa amin pero agad ding ibinalik ang atensiyon sa harap nang makarinig ng malakas na pagsabog. Tiningnan niya ako at agad na natawa kaya kinunutan ko siya ng noo.
"Mabilis lang."
"Bahala ka diyan ka---!"
Hindi niya na ako pinatapos at kaagad na umalis. Napapikit ako sa inis saka napipilitang ibalik ang mga mata sa mga naglalaban.
Ang Tagisan ng Kapangyarihan.
Ginaganap ito taon-taon. Sa pamamagitan nito, nakakapili ang mga distrito ng magiging katawan na ipadadala sa isang akademiya. Meron namang sariling paaralan ang aming distrito ngunit ang makapasok sa prestehiyosong paaralan na iyon ay isang malaking oportunidad para sa mga nilalang na may natatanging abilidad.
Pinanood ko kung paano bumuo ng isang malaking bolang apoy si Fria. Anak siya ng pinaka-mataas na tao sa aming distrito. Ngayong taon, inaasahang siya ang maipadadala sa akademiyang iyon dahil hindi naman maitatanggi ang kahusayan niya sa paggamit at pagmanipula ng apoy.
Naghiyawan ang mga tao nang magawang iwasan ng kalaban ni Fria ang kaniyang bolang apoy pero hindi maitatanggi na nagdulot 'yon ng malaking pinsala sa kalaban. Mula sa malayo, nakita ko ang pagbalatay ng ngisi sa magandang mukha ng dalaga. Sa mga oras na 'to, batid niyang magwawagi na siya.
At sa mga oras na 'to, dapat nakabalik na si Diego kasi siya na ang susunod! Ano ba 'yan! Sasali-sali kasi tapos kung saan-saan pupunta kapag siya na ang sasalang!
Tinutok ko na lang ang aking atensiyon sa labanan. Bahala ka diyan, hindi ka makapapasok sa pinapangarap mong paaralan.
Bumuo ng singsing ng apoy ang kalaban ni Fria at sunod-sunod 'yong pinatama sa kaniya. Ang kamangha-mangha ay nagawang kontrolin ni Fria ang mga 'yon.
Kapag mas mataas talaga ang antas mo sa pamayanan, mas madami kang kaalaman pagdating sa kalikasan ng abilidad mo. Mas madaming oportunidad na palakasin, patatagin at palawakin ang iyong kakayahan. Kaya naman namamangha ako kay Fria.
Mula sa pagiging singsing, ginawa itong ipo-ipo ni Fria. Isa... Dalawa, hanggang sa maging tatlong malalaking ipo-ipo na tiyak tutupok sa kalaban niya. Kung hindi pa susuko ang kalaban niya, tiyak na kamatayan ang kalalagyan nito.
Mukhang nagsasalita si Fria, kinakausap ang kaniyang kalaban. Hindi namin ito madinig sapagkat nababalot ng halang ang tanghalan. Ito'y upang hindi masaktan ang mga manonood.
Humina ang apoy ni Fria. Tanda ito ng pagsuko ng kalaban. Hindi pa siya natatalo mula kanina. Ito na ata ang panglima niyang panalo. Mabuti na lamang at may kakayahan na magbigay ng lakas ang halang kaya hindi nauubusan ng kapangyarihan ang mga naglalaban.Ang problema lang ay ang pagod. Mukha namang sanay na si Fria kaya hindi niya na 'yon iniinda.
Si Diego na.
"Ang susunod na maglalaban ay sina..."
"Nasaan na ba 'yon?" Kahit naman nakakainis 'yong lalaki na 'yon, may pake pa rin ako sa pangarap niya. Matagal niya nang inaasam ang akademiya na 'yon kaya sana naman ay hindi niya pakawalan 'to.
"Elio at Fria!"
Nanlaki ang mata ko nang marinig ang aking pangalan. Nadinig ko ang sigawan ng mga taga-distrito ng apoy ngunit hindi ko magawang ma-proseso ang nangyari. Lumikot ang aking mata sa paligid at nahanap ng aking mga mata ang taong kanina ko pa hinahanap.
BINABASA MO ANG
Veridalia Academy: Revamped
FantasyVERIDALIA ACADEMY TRILOGY Ang balanse ang nagpapanatili ng kapayapaan. Ang init mula sa mga Pyralian. Ang lamig mula sa mga Aquarian. Ang buhay mula sa mga Terran. Ang hininga mula sa mga Zephyrian. Sa loob ng mahabang panahon, nanatiling payapa...